Gawa ng mga Apostol, Mga
Ito ang titulong itinawag sa isa sa mga aklat ng Bibliya mula noong ikalawang siglo C.E. Pangunahin na itong sumasaklaw sa gawain nina Pedro at Pablo, sa halip na sa gawain ng lahat ng mga apostol sa pangkalahatan; at naglalaan ito sa atin ng isang lubhang mapananaligan at kumpletong kasaysayan ng kamangha-manghang pasimula at mabilis na pagkabuo ng organisasyong Kristiyano, una’y sa gitna ng mga Judio at pagkatapos ay sa gitna ng mga Samaritano at mga bansang Gentil.
Prominente sa aklat na ito ang nangingibabaw na tema ng buong Bibliya, ang Kaharian ni Jehova (Gaw 1:3; 8:12; 14:22; 19:8; 20:25; 28:31), at palagi tayong napaaalalahanan nito kung paano ‘lubusang nagpatotoo’ ang mga apostol may kinalaman kay Kristo at sa Kahariang iyon at kung paano nila lubusang ginampanan ang kanilang ministeryo. (2:40; 5:42; 8:25; 10:42; 20:21, 24; 23:11; 26:22; 28:23) Ang aklat ay naglalaan din ng mahusay na makasaysayang impormasyon na nakatutulong upang maunawaan ang kinasihang mga liham na nasa Kristiyanong Griegong Kasulatan.
Manunulat. Sa pambungad na mga salita ng Mga Gawa, tinutukoy ang Ebanghelyo ni Lucas bilang “ang unang ulat.” At yamang ang dalawang ulat ay ipinatungkol sa iisang indibiduwal, si Teofilo, alam natin na si Lucas ang manunulat ng Mga Gawa, kahit hindi niya inilagda ang kaniyang pangalan. (Luc 1:3; Gaw 1:1) Magkahawig ang istilo at pananalita ng dalawang ulat. Ipinakikita rin sa Muratorian Fragment ng huling bahagi ng ikalawang siglo C.E. na ang manunulat ng Mga Gawa ay si Lucas. Sa eklesyastikal na mga akda nina Irenaeus ng Lyons, Clemente ng Alejandria, at Tertullian ng Cartago noong ikalawang siglo C.E., tinutukoy nila si Lucas bilang ang manunulat ng Mga Gawa kapag sumisipi sila mula sa aklat.
Kung Kailan at Saan Isinulat. Ang aklat ay sumasaklaw sa isang yugto na mga 28 taon, mula sa pag-akyat ni Jesus sa langit noong 33 C.E. hanggang sa katapusan ng ikalawang taon ng pagkakabilanggo ni Pablo sa Roma noong mga 61 C.E. Sa loob ng yugtong iyon, apat na Romanong emperador ang
sunud-sunod na namahala: sina Tiberio, Caligula, Claudio, at Nero. Yamang naglalahad ito ng mga pangyayari hanggang sa ikalawang taon ng pagkakabilanggo ni Pablo sa Roma, hindi posibleng natapos ito nang mas maaga kaysa roon. Kung ang ulat ay isinulat nang mas dakong huli, makatuwirang asahan na maglalaan si Lucas ng higit pang impormasyon tungkol kay Pablo. Kung isinulat ito pagkaraan ng taóng 64 C.E., tiyak na mababanggit ang marahas na pag-uusig ni Nero na nagsimula noon. At kung isinulat naman ito pagkaraan ng 70 C.E., gaya ng iginigiit ng ilan, aasahan nating maitatala ang pagkawasak ng Jerusalem.Ang manunulat na si Lucas ay sumama kay Pablo sa kalakhang bahagi ng mga paglalakbay ng apostol, kabilang na rito ang mapanganib na pagbibiyahe patungong Roma, na makikita sa paggamit niya ng pangmaramihang mga panghalip sa unang panauhan gaya ng “namin,” “amin,” at “kami” sa Gawa 16:10-17; 20:5-15; 21:1-18; 27:1-37; 28:1-16. Sa mga liham ni Pablo na isinulat mula sa Roma, binabanggit niyang naroon din si Lucas. (Col 4:14; Flm 24) Samakatuwid, ang pagsulat sa aklat ng Mga Gawa ay natapos sa Roma.
Gaya ng naunawaan na natin, nasaksihan ni Lucas mismo ang karamihan sa mga isinulat niya, at sa kaniyang mga paglalakbay ay nakipag-ugnayan siya sa mga kapuwa Kristiyano na alinman sa nakibahagi o nakakita sa partikular na mga pangyayaring inilarawan niya. Halimbawa, maikukuwento sa kaniya ni Juan Marcos ang makahimalang pagpapalaya kay Pedro mula sa bilangguan (Gaw 12:12), samantalang maaari naman niyang malaman ang mga pangyayaring inilalarawan sa mga kabanata 6 at 8 mula sa misyonerong si Felipe. At sabihin pa, si Pablo mismo, bilang isang saksi, ay nakapaglahad ng maraming detalye ng mga pangyayaring naganap noong hindi niya kasama si Lucas.
Autentisidad. Ang katumpakan ng aklat ng Mga Gawa ay pinatunayan ng maraming tuklas sa arkeolohiya sa paglipas ng mga taon. Halimbawa, sinasabi sa Gawa 13:7 na si Sergio Paulo ang proconsul ng Ciprus. Bagaman kinikilalang ang Ciprus ay pinamamahalaan ng isang propraetor, o emisaryo, di-katagalan bago dumalaw roon si Pablo, pinatutunayan ng isang inskripsiyong natagpuan sa Ciprus na ang pulo ay talagang sumailalim sa tuwirang pamamahala ng Senadong Romano sa pamamagitan ng isang gobernador ng probinsiya na tinatawag na proconsul. Sa katulad na paraan, sa Gresya, noong panahon ng pamamahala ni Augusto Cesar, ang Acaya ay isang probinsiya sa ilalim ng tuwirang pamamahala ng Senadong Romano, ngunit nang si Tiberio ang maging emperador, tuwiran niya itong pinamahalaan. Nang maglaon, sa ilalim ni Emperador Claudio, muli itong sumailalim sa kontrol ng senado, ayon kay Tacitus. Isang piraso ng isang sulat ni Claudio sa mga taga-Delphi sa Gresya ang natuklasan, na bumabanggit sa pagkaproconsul ni Galio. Samakatuwid, tama ang Gawa 18:12 sa pagtukoy kay Galio bilang ang “proconsul” noong si Pablo ay naroon sa Corinto, ang kabisera ng Acaya. (Tingnan ang GALIO.) Gayundin, ipinakikita sa isang inskripsiyon sa isang arkong daan sa Tesalonica (na ang ilang piraso ay iniingatan sa British Museum) na tama ang Gawa 17:8 sa pagtukoy sa “mga tagapamahala ng lunsod” (“mga politarch,” mga gobernador ng mga mamamayan), bagaman hindi matatagpuan ang titulong ito sa klasikal na panitikan.
Hanggang sa araw na ito sa Atenas, ang Areopago, o Mars’ Hill, kung saan nangaral si Pablo, ay nagsisilbing tahimik na patotoo sa pagiging tumpak ng Mga Gawa. (Gaw 17:19) Ang medikal na mga termino at mga pananalita na matatagpuan sa Mga Gawa ay kasuwato ng ginagamit ng Griegong mga manunulat sa medisina noong panahong iyon. Ang mga paraan ng paglalakbay sa Gitnang Silangan noong unang siglo ay katulad ng inilalarawan sa Mga Gawa: sa katihan, sa pamamagitan ng paglalakad, pagsakay sa kabayo, o sa mga karong hinihila ng kabayo (23:24, 31, 32; 8:27-38); sa karagatan, sa pamamagitan ng mga barkong pangkargamento. (21:1-3; 27:1-5) Hindi lamang isa ang timon ng sinaunang mga sasakyang iyon kundi dalawang malalaking sagwan ang ginagamit na pangkontrol sa mga ito, sa gayo’y tumpak na tukuyin sa pangmaramihang bilang. (27:40) May kaugnayan sa tagal at distansiya ng paglalakbay at sa mga lugar na dinalaw, ang paglalarawan sa biyahe ni Pablo sakay ng barko patungong Roma (27:1-44) ay kinikilala ng makabagong mga marino na pamilyar sa rehiyong iyon bilang lubusang mapananaligan.
Ang Mga Gawa ng mga Apostol ay tinanggap nang walang pag-aalinlangan bilang kinasihang Kasulatan at bilang kanonikal niyaong mga nagkatalogo ng Kasulatan noong ikalawa hanggang ikaapat na siglo C.E. Ang ilang bahagi ng aklat, kasama ang mga piraso ng apat na Ebanghelyo, ay matatagpuan sa manuskritong papiro ng Chester Beatty No. 1 (P45) ng ikatlong siglo C.E. Ang manuskritong Michigan No. 1571 (P38) ng ikatlo o ikaapat na siglo ay naglalaman ng ilang bahagi ng mga kabanata 18 at 19, at ang isang manuskrito na mula noong ikaapat na siglo, ang Aegyptus No. 8683 (P8), ay naglalaman ng ilang bahagi ng mga kabanata 4 hanggang 6. Ang aklat ng Mga Gawa ay sinipi ni Polycarp ng Smirna noong mga 115 C.E., ni Ignatius ng Antioquia noong mga 110 C.E., at ni Clemente ng Roma marahil ay sing-aga ng 95 C.E. Pawang sinasang-ayunan nina Athanasius, Jerome, at Augustine noong ikaapat na siglo ang mas naunang mga talaan na kinabibilangan ng Mga Gawa.
[Kahon sa pahina 804]
MGA TAMPOK NA BAHAGI NG MGA GAWA
Ang pasimula ng kongregasyong Kristiyano at isang rekord ng masigasig na pangmadlang pagpapatotoo nito sa harap ng matinding pagsalansang
Panahong saklaw: 33 hanggang mga 61 C.E.
Bago umakyat sa langit, inatasan ni Jesus ang mga tagasunod na maging mga saksi niya bilang ang Mesiyas ni Jehova (1:1-26)
Matapos tumanggap ng banal na espiritu, ang mga alagad ay buong-tapang na nagpatotoo sa maraming wika (2:1–5:42)
Ang mga Judio sa Jerusalem mula sa maraming lupain ay binigyan ng patotoo sa sarili nilang wika; mga 3,000 ang nabautismuhan
Sina Pedro at Juan ay inaresto at dinala sa harap ng Sanedrin; walang-takot nilang ipinahayag na hindi sila titigil sa pagpapatotoo
Puspos ng banal na espiritu, ang lahat ng mga alagad ay may-tapang na nagsalita ng salita ng Diyos; marami ang naging mananampalataya
Inaresto ang mga apostol; pinalaya sila ng isang anghel; nang dalhin sa harap ng Sanedrin, ipinahayag nila: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao”
Lumaganap ang pagpapatotoo dahil sa pag-uusig (6:1–9:43)
Si Esteban ay dinakip, walang-takot na nagpatotoo, namatay na isang martir
Dahil sa pag-uusig, nangalat ang lahat maliban sa mga apostol; napatotohanan ang Samaria; nabautismuhan ang bating na Etiope
Nagpakita si Jesus sa mang-uusig na si Saul; si Saul ay nakumberte, nabautismuhan, nagsimula sa kaniyang masigasig na ministeryo
Sa patnubay ng Diyos, ang patotoo ay nakarating sa di-tuling mga Gentil (10:1–12:25)
Nangaral si Pedro kay Cornelio, sa pamilya nito, at sa mga kaibigan nito; sila ay nanampalataya, tumanggap ng banal na espiritu, at nabautismuhan
Ang ulat ng apostol hinggil dito ay naging dahilan ng higit na paglaganap ng gawain sa gitna ng mga bansa
Mga paglalakbay ni Pablo ukol sa pag-eebanghelyo (13:1–21:26)
Unang paglalakbay: Patungong Ciprus, Asia Minor. Sina Pablo at Bernabe ay may-tapang na nagpatotoo sa madla at sa mga sinagoga; itinapon sa labas ng Antioquia; inumog sa Iconio; una’y itinuring na parang mga diyos sa Listra, pagkatapos ay binato si Pablo
Pinagpasiyahan ng lupong tagapamahala sa Jerusalem ang usapin ng pagtutuli; inatasan sina Pablo at Bernabe na ipagbigay-alam sa mga kapatid na hindi kahilingan ang pagtutuli ngunit ang mga mananampalataya ay dapat umiwas sa mga bagay na inihain sa mga idolo, sa dugo, at sa pakikiapid
Ikalawang paglalakbay: Bumalik sa Asia Minor, tungo sa Macedonia at Gresya. Ibinilanggo sa Filipos, ngunit ang tagapagbilanggo at ang pamilya nito ay nabautismuhan; nagsulsol ng kaguluhan ang mga Judio sa Tesalonica at Berea; sa Atenas, nangaral si Pablo sa sinagoga, sa pamilihan, pagkatapos ay sa Areopago; nagministeryo nang 18 buwan sa Corinto
Ikatlong paglalakbay: Asia Minor, Gresya. Mabungang ministeryo sa Efeso, na sinundan ng panggugulo ng mga panday-pilak; pinaalalahanan ng apostol ang matatanda
Si Pablo ay inaresto, nagpatotoo sa mga opisyal, dinala sa Roma (21:27–28:31)
Matapos umugin sa Jerusalem, iniharap si Pablo sa Sanedrin
Bilang bilanggo, walang-takot na nagpatotoo si Pablo sa harap nina Felix, Festo, at Haring Herodes Agripa II, gayundin samantalang nasa barko patungong Roma
Bilang bilanggo sa Roma, patuloy na humanap si Pablo ng paraan upang makapangaral tungkol kay Kristo at sa Kaharian