Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Gayo

Gayo

[mula sa salitang-ugat na nangangahulugang “lupain”].

1. Isang taga-Macedonia na sumama sa apostol na si Pablo noong ikatlong paglalakbay nito bilang misyonero at, kasama si Aristarco, ay puwersahang isinama sa dulaan sa Efeso nang magkaroon ng kaguluhang isinulsol ng panday-pilak na si Demetrio.​—Gaw 19:29.

2. Isang Kristiyano mula sa Derbe sa Asia Minor na nakatalang kasama ng anim na iba pang sumama sa apostol na si Pablo noong huling paglalakbay nito bilang misyonero. Si Gayo at ang mga ito ay lumilitaw na humiwalay kay Pablo at pagkatapos ay nauna sa Troas, sa K baybayin ng Asia Minor, kung saan nila hinintay si Pablo. (Gaw 20:4, 5) Ang Gayo na ito ay maaaring ang Blg. 1 rin, yamang si Aristarco ay binanggit din sa ulat. Kung gayon, malamang na mangahulugan ito na si Gayo ay ipinanganak (o nagmula) sa Macedonia ngunit naninirahan na sa Derbe.

3. Isang Kristiyano na mula sa Corinto na personal na binautismuhan ni Pablo. Nang isulat ni Pablo ang kaniyang liham sa mga taga-Roma, lumilitaw na ang Gayo na ito ang naging punong-abala para sa kaniya at gayundin para sa kongregasyon. Ipahihiwatig nito na ang mga pagtitipon ng kongregasyon sa Corinto ay idinaraos sa tahanan ni Gayo.​—1Co 1:14; Ro 16:23.

4. Isang Kristiyano na sinulatan ng apostol na si Juan ng kaniyang ikatlong kinasihang liham at pinapurihan niya dahil sa paglakad sa katotohanan at, may kinalaman sa pagiging mapagpatuloy nito, dahil sa tapat na gawa nito at sa pag-ibig nito.​—3Ju 1, 3-6.