Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Geba

Geba

[Burol].

Isang lunsod ng Benjamin na ibinigay sa mga Kohatita. Isa ito sa 13 lunsod ng mga saserdote. (Jos 18:21, 24; 21:17, 19; 1Cr 6:54, 60) Lumilitaw na ang Geba ay nasa hilagaang hangganan ng kaharian ng Juda, kung kaya may pananalitang “mula sa Geba hanggang sa Beer-sheba.” (2Ha 23:8) Karaniwang ipinapalagay na ang sinaunang lunsod na ito ay ang nayon ng Jabaʽ, na halos 9 na km (5.5 mi) sa HHS ng Temple Mount sa Jerusalem. Isang matarik na libis ang nasa pagitan ng lugar na ito at ng iminumungkahing lokasyon ng sinaunang Micmash. Sa libis na iyon ay may dalawang burol na may matatarik at mababatong dalisdis. Marahil, ang mga ito ang ‘mga batong tulad-ngipin’ na Bozez at Sene, na ang isa ay “nakaharap sa Micmash” at ang isa naman ay “nakaharap sa Geba.”​—1Sa 14:4, 5.

Ang Geba ay isa sa mga lunsod na binanggit sa kampanya ni Haring Saul laban sa mga Filisteo. Maliwanag na sa utos ng kaniyang amang si Saul, pinabagsak ni Jonatan ang “garison” ng mga Filisteo sa Geba. (1Sa 13:3, 4) Bilang pagganti, nagtipon ang mga Filisteo ng isang malakas na hukbo sa Micmash, kaya naman maraming Israelita ang nagtago dahil sa takot, at ang ilan ay tumakas pa nga patawid ng Jordan. (1Sa 13:5-7) Nang maglaon, mula sa Geba ay yumaon si Jonatan patungo sa himpilang Filisteo, na walang alinlangang nasa gilid ng “banging tawiran ng Micmash.” Gamit ang kaniyang mga kamay at mga paa, ginapang at inakyat ni Jonatan ang matarik na daanan patungo sa himpilan at, sa tulong ng kaniyang tagapagdala ng baluti, pinabagsak niya ang mga 20 Filisteo.​—1Sa 14:6-14; ihambing ang 1Sa 13:16, 23.

Pagkaraan ng maraming taon, pinatibay ni Asa ang Geba sa pamamagitan ng mga bato at mga tabla ng Rama. (1Ha 15:22; 2Cr 16:6) Noong isang panahon na hindi tiniyak sa Bibliya, ang ilan sa mga naninirahan sa Geba ay dinala sa pagkatapon sa Manahat. (1Cr 8:6) Nang ang hukbong Asiryano sa ilalim ng pangunguna ni Senakerib ay humayo patungong Jerusalem, lumilitaw na dumaan sila sa Geba. (Isa 10:24, 28-32) Kabilang sa mga Judiong bumalik mula sa pagkatapon sa Babilonya ang ‘mga anak ng Geba.’ Ang lunsod ng Geba ay muling tinirahan pagkabalik ng mga Judio. (Ezr 2:1, 26; Ne 7:6, 30; 11:31; 12:29) Bilang pagtukoy sa pagkakataas ng muling-itinayong Jerusalem, binanggit ng propetang si Zacarias na ang maburol at bulubunduking lupain na nasa pagitan ng Geba at Rimon ay magiging mababa tulad ng Araba.​—Zac 14:10; tingnan ang GIBEAH Blg. 2.