Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Gebal

Gebal

[posible, Teritoryo; Hanggahan], Mga Gebalita.

1. Ang Gebal, isang lunsod ng Fenicia sa baybaying dagat ng Mediteraneo, ay iniuugnay sa makabagong Jebeil, mga 28 km (17 mi) sa HHS ng Beirut. Itinuturing ng mga istoryador ang Gebal, ang Byblos ng mga Griego, na isa sa pinakamatatandang lunsod sa Gitnang Silangan.​—Tingnan ang Jos 13:5, tlb sa Rbi8.

Isinama ni Jehova “ang lupain ng mga Gebalita” sa mga pook na kukunin pa lamang ng Israel noong mga araw ni Josue. (Jos 13:1-5) Itinawag-pansin ito ng mga kritiko bilang isang di-pagkakasuwato, yamang ang lunsod ng Gebal ay nasa malayong H ng Israel (mga 100 km [60 mi] sa H ng Dan) at lumilitaw na hindi kailanman napasailalim ng pamumuno ng Israel. Iminumungkahi ng ilang iskolar na ang tekstong Hebreo ay nasira sa talatang ito at itinuturing nila na ang sinaunang ulat ay kababasahan ng “ang lupaing karatig ng Lebanon,” o ‘hanggang sa hanggahan ng mga Gebalita.’ Gayunman, dapat ding pansinin na ang mga pangako ni Jehova sa Josue 13:2-7 ay may pasubali. Kaya maaaring hindi natamo ng Israel ang Gebal dahil sa sarili nitong pagsuway.​—Ihambing ang Jos 23:12, 13.

Tinulungan ng mga Gebalita si Solomon noong ika-11 siglo B.C.E. sa paghahanda ng mga materyales para sa pagtatayo ng templo. (1Ha 5:18) Itinala ni Jehova ang “matatandang lalaki ng Gebal” na kabilang sa mga tumulong upang mapanatili ang kapangyarihan at kaluwalhatian ng Tiro sa komersiyo.​—Eze 27:9.

2. Isa pang Gebal ang nakatalang kasama ng Ammon at Amalek sa Awit 83:7, at sa gayon ay lumilitaw na ito ay nasa T o S ng Dagat na Patay. Bagaman hindi alam kung saan ang eksaktong lokasyon nito, inilalagay ito ng ilang iskolar sa kapaligiran ng Petra, mga 100 km (60 mi) sa HHS ng Gulpo ng ʽAqaba.