Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Gehenna

Gehenna

[anyong Gr. ng Heb. na Geh Hin·nomʹ, “Libis ng Hinom”].

Ang pangalang ito ay lumilitaw nang 12 ulit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, at bagaman nangahas ang maraming tagapagsalin na isalin ito bilang “impiyerno,” ang ilang makabagong salin ay gumamit ng transliterasyon na mula sa salitang Griego na geʹen·na.​—Mat 5:22, Ro, Mo, ED, NW, BC (Kastila), NC (Kastila), gayundin ang mga talababa ng Da at RS.

Ang malalim at makitid na Libis ng Hinom, na nakilala nang maglaon sa Griegong pangalan nito na Gehenna, ay nasa dakong T at TK ng sinaunang Jerusalem, at sa ngayon ay ang makabagong-panahong Wadi er-Rababi (Ge Ben Hinnom). (Jos 15:8; 18:16; Jer 19:2, 6; tingnan ang HINOM, LIBIS NG.) Doon, ang mga hari ng Juda na sina Ahaz at Manases ay nagsagawa ng idolatrosong pagsamba na may kasamang paghahain ng mga tao kay Baal sa pamamagitan ng apoy. (2Cr 28:1, 3; 33:1, 6; Jer 7:31, 32; 32:35) Nang maglaon, upang mahinto na ang gayong mga gawain doon, pinarumi ng tapat na si Haring Josias ang dakong iyon ng idolatrosong pagsamba, partikular na ang bahaging tinatawag na Topet.​—2Ha 23:10.

Hindi Sagisag ng Walang-Hanggang Pagpapahirap. Pinag-ugnay ni Jesu-Kristo ang apoy at ang Gehenna (Mat 5:22; 18:9; Mar 9:47, 48), gaya rin ng ginawa ng alagad na si Santiago, ang tanging manunulat ng Bibliya, maliban kina Mateo, Marcos at Lucas, na gumamit ng salitang ito. (San 3:6) Sinisikap ng ilang komentarista na pag-ugnayin ang gayong maapoy na katangian ng Gehenna at ang pagsusunog ng mga haing tao na isinasagawa bago ang paghahari ni Josias, at batay rito, naniniwala sila na ginamit ni Jesus ang Gehenna bilang sagisag ng walang-hanggang pagpapahirap. Gayunman, yamang nagpahayag ng pagkasuklam ang Diyos na Jehova sa gayong gawain, at sinabi niyang ito’y “isang bagay na hindi ko iniutos ni pumasok man sa aking puso” (Jer 7:31; 32:35), malayong mangyari na ibabatay ni Jesus sa gayong idolatrosong gawain ang makasagisag na kahulugan ng Gehenna noong tinatalakay niya ang hatol ng Diyos. Mapapansin na sa hula ay sinabi ng Diyos na ang Libis ng Hinom ay magsisilbing tapunan ng mga bangkay at hindi isang dako na doo’y pahihirapan ang buháy na mga biktima. (Jer 7:32, 33; 19:2, 6, 7, 10, 11) Kaya naman, karaniwang kinikilala na ang ‘mababang kapatagan ng mga bangkay at abo ng taba’ na binanggit sa Jeremias 31:40 ay tumutukoy sa Libis ng Hinom. Mayroon ding pintuang-daan na kilala bilang ang “Pintuang-daan ng mga Bunton ng Abo” na nakaharap sa silanganing dulo ng libis sa salubungan nito at ng bangin ng Kidron.​—Ne 3:13, 14.

Samakatuwid, ang patotoo ng Bibliya tungkol sa Gehenna ay karaniwang kasuwato ng tradisyonal na pangmalas na makikita sa mga impormasyong rabiniko at iba pa. Sinasabi ng pangmalas na iyon na ang Libis ng Hinom ay ginagamit noon bilang tapunan ng mga basurang galing sa lunsod ng Jerusalem. (Sa Mat 5:30, isinalin ng The New Testament in Modern English ang geʹen·na bilang “bunton ng basura.”) May kinalaman sa kasaysayan ng “Gehinnom,” ang Judiong komentarista na si David Kimhi (1160?-1235?), sa kaniyang komento tungkol sa Awit 27:13, ay nagbigay ng ganitong impormasyon: “At ito’y isang dako na nasa lupaing karatig ng Jerusalem, at ito’y isang nakapandidiring dako, at itinatapon nila roon ang maruruming bagay at mga bangkay. Walang tigil din ang apoy roon upang sunugin ang maruruming bagay at ang mga buto ng mga bangkay. Kaya naman, ang hatol sa mga balakyot ay matalinghagang tinatawag na Gehinnom.”

Sumasagisag sa Lubusang Pagkapuksa. Maliwanag na ginamit ni Jesus ang Gehenna bilang sagisag ng lubos na pagkapuksang resulta ng paghatol ng Diyos, na doo’y wala nang pagkabuhay-muli. (Mat 10:28; Luc 12:4, 5) Ang mga eskriba at mga Pariseo, palibhasa’y isang balakyot na grupo, ay hinatulang ‘nakahanay ukol sa Gehenna.’ (Mat 23:13-15, 33) Upang maiwasan ng mga tagasunod ni Jesus ang gayong pagkapuksa, dapat nilang alisin ang anumang bagay na nagdudulot ng espirituwal na pagkatisod. Ang ‘pagputol sa kamay o paa’ at ang ‘pagdukit sa mata’ ay makasagisag na lumalarawan sa pagpatay nila sa mga sangkap na ito ng katawan may kinalaman sa kasalanan.​—Mat 18:9; Mar 9:43-47; Col 3:5; ihambing ang Mat 5:27-30.

Waring tinutukoy rin ni Jesus ang Isaias 66:24 nang ilarawan niya ang Gehenna bilang isang dako “kung saan ang kanilang mga uod ay hindi namamatay at ang apoy ay hindi naaapula.” (Mar 9:47, 48) Maliwanag na hindi pagpapahirap kundi lubusang pagkapuksa ang makasagisag na inilalarawan dito sapagkat hindi mga taong buháy ang tinatalakay sa teksto sa Isaias kundi “mga bangkay ng mga taong sumalansang” sa Diyos. Kung ang Libis ng Hinom ay isang tapunan ng basura at mga bangkay, gaya ng ipinakikita ng mga katibayan, ang tanging paraan para matupok ang mga basurang iyon ay sa pamamagitan ng apoy, na marahil ay lalo pang nagliliyab dahil sa idinaragdag na asupre (ihambing ang Isa 30:33). Sa mga dakong hindi naaabot ng apoy, nagkakaroon naman ng mga bulati, o uod, at inuubos ng mga ito ang anumang hindi natupok ng apoy. Batay rito, ang mga salita ni Jesus ay mangangahulugan na ang mapamuksang epekto ng paghatol ng Diyos ay hindi mawawala hangga’t hindi nalulubos ang pagkapuksa.

Makasagisag na Paggamit. Ipinakikita ng pagkakagamit ng alagad na si Santiago sa salitang “Gehenna” na ang isang di-masupil na dila ay isang sanlibutan ng kalikuan at na ang buong pamumuhay ng isa ay maaaring maapektuhan ng maaapoy na salitang nagpaparungis sa katawan ng nagsasalita. Dahil sa dila ng gayong indibiduwal, na “punô ng nakamamatay na lason” at sa gayo’y nagsisiwalat ng masamang kalagayan ng puso, maaari siyang hatulan ng Diyos upang magtungo sa makasagisag na Gehenna.​—San 3:6, 8; ihambing ang Mat 12:37; Aw 5:9; 140:3; Ro 3:13.

Ang paggamit ng Bibliya sa Gehenna bilang isang sagisag ay katulad ng paggamit nito sa pananalitang “lawa ng apoy” sa aklat ng Apocalipsis.​—Apo 20:14, 15; tingnan ang LAWA NG APOY.