Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Gemarias

Gemarias

[Pinasakdal (Ginawang Ganap) ni Jehova].

1. “Anak ni Sapan na tagakopya”; isa sa mga prinsipe noong panahon ng paghahari ni Jehoiakim (628-618 B.C.E.). Si Gemarias ay may sariling silid-kainan sa mataas na looban ng templo, at dito binasa nang malakas ni Baruc ang mga salita ng aklat na idinikta sa kaniya ng propetang si Jeremias. Narinig ni Micaias na anak ni Gemarias ang unang pagbasa ng aklat at pagkatapos ay iniulat niya ang salita ni Jehova sa mga prinsipe na nagpatawag naman kay Baruc upang basahin sa kanila ang aklat. Pagkarinig sa mga salita ng aklat, pinayuhan nila sina Baruc at Jeremias na magkubli. Nang maglaon, nang basahin ang balumbon kay Haring Jehoiakim, si Gemarias ang isa sa mga prinsipe na nakiusap sa hari na huwag sunugin ang balumbon.​—Jer 36:10-25.

Isang limpak ng luwad na dating nakadikit sa isang dokumento at tinimbrihan ng isang pantatak ang natagpuan sa Jerusalem. Ang inskripsiyon dito ay kababasahan: “Kay Gemarias [sa Heb., Gemar·yaʹhu], anak ni Sapan.” Ang limpak ng luwad na ito ay sinasabing mula pa noong mga ikapitong siglo B.C.E., at ipinapalagay na ang may-ari nito ay ang Gemarias na binanggit sa Jeremias kabanata 36.

2. “Anak ni Hilkias, na isinugo ni Zedekias na hari ng Juda sa Babilonya kay Nabucodonosor.” Noon ay nagpadala si Jeremias ng isang liham sa pamamagitan ng kamay ni Gemarias at ni Elasa para sa itinapong mga Judio na dinala sa Babilonya kasama ni Jehoiakin (Jeconias) noong 617 B.C.E.​—Jer 29:1-3.