Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Genesis, Aklat ng

Genesis, Aklat ng

Ang unang aklat ng Pentateuch (Griego para sa “limang balumbon” o “limahang tomo”). Sa Griegong Septuagint, “Genesis” (nangangahulugang “Pinagmulan; Kapanganakan”) ang pangalang ibinigay sa una sa mga aklat na iyon, samantalang ang titulo naman nito sa Hebreo na Bereʼ·shithʹ (Nang Pasimula) ay kinuha sa unang salita sa pambungad na pangungusap nito.

Kung Kailan at Saan Isinulat. Maliwanag na ang aklat ng Genesis ay bahagi ng iisang orihinal na akda (ang Torah), at posibleng natapos ito ni Moises sa ilang ng Sinai noong taóng 1513 B.C.E. Pagkatapos ng Genesis 1:1, 2 (tungkol sa paglalang ng langit at ng lupa), maliwanag na ang aklat ay sumasaklaw sa libu-libong taon na kinailangan para maihanda ang lupa upang panahanan ng tao (tingnan ang ARAW, II; PAGLALANG, NILALANG), at pagkatapos, sumasaklaw ito sa yugto mula sa paglalang sa tao hanggang sa taóng 1657 B.C.E., kung kailan namatay si Jose.​—Tingnan ang KRONOLOHIYA (Mula sa Paglalang sa Tao Hanggang sa Kasalukuyan).

Manunulat. Ang pagtutol na inihaharap noon ng ilang mapag-alinlangan na diumano’y wala pang marunong sumulat noong mga araw ni Moises ay hindi na pinaniniwalaan ngayon ng karamihan. Sa kaniyang aklat na New Discoveries in Babylonia About Genesis (1949, p. 35), itinawag-pansin ni P. J. Wiseman na may sapat na patotoo mula sa arkeolohikal na pananaliksik na “ang sining ng pagsulat ay nagsimula noong pinakamaaagang panahon sa kasaysayan na alam ng tao.” Kinikilala ng halos lahat ng makabagong iskolar na matagal nang umiiral ang pagsulat bago pa ang panahon ni Moises (noong ikalawang milenyo B.C.E.). Ang mga pananalitang gaya ng matatagpuan sa Exodo 17:14, “Isulat mo ito sa aklat bilang pinakaalaala,” ay nagpapatunay na pangkaraniwan ang pagsulat noong mga araw ni Moises. Bagaman tiyak na may kakayahan si Adan na makaisip ng isang paraan ng pagsulat, yamang bilang taong sakdal, binigyan siya ng Diyos ng isang wika, lakip ang kakayahang gamitin iyon nang lubus-lubusan, walang patotoo sa Bibliya na ginawa niya ito.​—Gen 2:19, 23.

Saan kinuha ni Moises ang impormasyong itinala niya sa Genesis?

Ang lahat ng impormasyon na nasa aklat ng Genesis ay may kaugnayan sa mga pangyayaring naganap bago ipanganak si Moises. Maaaring tinanggap ito nang tuwiran sa pamamagitan ng pagsisiwalat mula sa Diyos. Maliwanag na sa gayong paraan tinanggap ang impormasyong nauugnay sa mga pangyayari noong bago lalangin ang tao, ang tumanggap man nito ay si Moises o isa na mas nauna sa kaniya. (Gen 1:1-27; 2:7, 8) Gayunman, ang impormasyong ito at ang natitirang mga detalye ay maaaring itinawid kay Moises sa pamamagitan ng bibigang tradisyon. Dahil mahaba ang buhay ng mga tao noong panahong iyon, ang impormasyon ay maaaring naipasa mula kay Adan hanggang kay Moises sa pamamagitan ng limang kawing lamang ng mga tao, samakatuwid nga, sina Matusalem, Sem, Isaac, Levi, at Amram. Ang ikatlong posibilidad ay na nakuha ni Moises ang karamihan sa impormasyon para sa Genesis mula sa umiiral nang mga akda o mga dokumento. Noon pa mang ika-18 siglo, ganito na ang pangmalas ng iskolar na Olandes na si Campegius Vitringa, anupat ibinatay niya ang kaniyang konklusyon sa malimit na paglitaw sa Genesis (sampung beses) ng pananalita (sa KJ) na “ito ang mga salinlahi ng (o ni),” at sa minsang paglitaw ng “ito ang aklat ng mga salinlahi ni.” (Gen 2:4; 5:1; 6:9; 10:1; 11:10, 27; 25:12, 19; 36:1, 9; 37:2) Sa pananalitang ito, ang terminong Hebreo para sa “mga salinlahi” ay toh·le·dhohthʹ, at mas angkop itong isalin bilang “mga kasaysayan” o “mga pinagmulan.” Halimbawa, halos hindi angkop ang “mga salinlahi ng langit at ng lupa,” samantalang makahulugan naman ang “kasaysayan ng langit at ng lupa.” (Gen 2:4) Kasuwato nito, ang Aleman na Elberfelder, ang Pranses na Crampon, at ang Kastila na Bover-Cantera ay pawang gumagamit ng terminong “kasaysayan,” gaya rin ng Bagong Sanlibutang Salin. Walang alinlangan na kung paanong ang mga tao sa ngayon ay interesado sa isang tumpak na rekord ng kasaysayan, gayundin sila mula pa noong pasimula.

Bagaman walang patotoo sa Bibliya, ang pagkaunawa ni Vitringa at ng iba pa sa toh·le·dhohthʹ sa Genesis ay na tumutukoy ito sa isang umiiral nang nasusulat na dokumento ng kasaysayan na taglay ni Moises at na pinagkunan niya ng karamihan sa impormasyon na nakaulat sa Genesis. Naniniwala sila na ang mga taong binanggit bilang tuwirang nauugnay sa gayong ‘mga kasaysayan’ (Adan, Noe, mga anak ni Noe, Sem, Tera, Ismael, Isaac, Esau, at Jacob) ay alinman sa mga manunulat o mga orihinal na nagmay-ari ng nasusulat na mga dokumentong iyon. Sabihin pa, hindi pa rin nito ipinaliliwanag kung paano napasakamay ni Moises ang lahat ng gayong dokumento. Hindi rin nito ipinaliliwanag kung bakit ang mga dokumentong nagmula sa mga tao na hindi kilala bilang tapat na mga mananamba ni Jehova (gaya nina Ismael at Esau) ay pagkukunan ng karamihan sa impormasyong ginamit. Malaki ang posibilidad na ang pananalitang “Ito ang kasaysayan ng (o ni)” ay isang pambungad na parirala lamang na nagsilbing angkop na dibisyon ng iba’t ibang seksiyon ng mahabang pangkalahatang kasaysayan. Ihambing ang paggamit ni Mateo ng isang kahawig na pananalita bilang pambungad ng kaniyang ulat ng Ebanghelyo.​—Mat 1:1; tingnan ang PAGSULAT.

Samakatuwid, walang tiyak na konklusyong mabubuo hinggil sa kung saan tuwirang kinuha ni Moises ang impormasyon na kaniyang itinala. Sa halip na sa pamamagitan ng isa lamang sa mga paraang tinalakay, ang impormasyon ay maaaring tinanggap sa pamamagitan ng tatlong paraan, anupat ang iba ay sa pamamagitan ng tuwirang pagsisiwalat, ang iba ay sa bibigang paraan, at ang iba naman ay sa pamamagitan ng mga nakasulat na rekord. Ang mahalaga ay na pinatnubayan ng Diyos na Jehova ang propetang si Moises upang makasulat siya sa pamamagitan ng pagkasi ng Diyos.​—2Pe 1:21.

Ang ulat ay nilayon na magsilbing isang kinasihang patnubay para sa darating na mga salinlahi. Babasahin ito sa mga tao sa maraming okasyon (Deu 31:10-12; 2Ha 23:2, 3; Ne 8:2, 3, 18), at ang mga hari ng Israel ay dapat matuto mula rito.​—Deu 17:18, 19.

Ang “Dokumentaryong Teoriya” ng mga Kritiko. Iniharap ng ilang kritiko ng Bibliya ang isang teoriya na ang Genesis ay hindi gawa ng isa lamang manunulat o tagapagtipon, samakatuwid nga, ni Moises, kundi sa halip ay gawa raw ito ng maraming manunulat, anupat ang ilan sa mga iyon ay nabuhay matagal na panahon pa pagkamatay ni Moises. Salig sa diumano’y pagkakaiba-iba ng istilo at paggamit ng mga salita, isinulong nila ang tinatawag na dokumentaryong teoriya. Ayon sa teoriyang ito, may tatlong pinagmulan ng impormasyon, na tinatawag nilang “J” (Jahwist), “E” (Elohist), at “P” (Priest Codex). Dahil sa makalawang ulit na pagbanggit sa isang pangyayari o dahil sa pagkakahawig ng mga ulat sa iba’t ibang bahagi ng Genesis, nais ng iba na dagdagan pa ang talaan, anupat hinihimay-himay pa nga nila ang aklat ng Genesis upang maangkin na may hanggang 14 na independiyenteng pinagmulan ng impormasyon. Ipinangangatuwiran nila na ang iba’t ibang mga pinagmulan o mga manunulat na ito ay may magkakaibang pangmalas at teolohiya, gayunma’y ang Genesis, bilang isang pinagsama-samang produkto ng mga impormasyong iyon, ay bumubuo sa paanuman ng isang ugnay-ugnay na akda. Marami silang kakatwang punto na inihaharap upang suportahan ang kanilang mga teoriya, na ang ilan ay maaaring banggitin.

Ang orihinal na saligan para sa dokumentaryong teoriya ay ang paggamit ng iba’t ibang titulo para sa Diyos; inaangkin ng mga kritiko na nagpapahiwatig ito ng iba’t ibang manunulat. Gayunman, makikita natin na walang katuwiran ang gayong pangmalas sapagkat sa isang maikling bahagi lamang ng Genesis ay masusumpungan ang sumusunod na mga titulo: “Kataas-taasang Diyos” (ʼEl ʽEl·yohnʹ, Gen 14:18); “Maygawa ng langit at lupa” (14:19); ‘Soberanong Panginoon’ (ʼAdho·naiʹ, 15:2); “Diyos ng paningin” (16:13); “Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat” (ʼEl Shad·daiʹ, 17:1); “Diyos” (ʼElo·himʹ, 17:3); “tunay na Diyos” (ha·ʼElo·himʹ, 17:18); “Hukom ng buong lupa” (18:25). Ang pagsisikap na gamitin ito bilang saligan upang ipatungkol ang bawat isa sa mga seksiyong ito sa ibang manunulat ay lumilikha ng gabundok na mga suliranin at nagiging kakatwa. Ang totoo, ang iba’t ibang titulo na ikinapit sa Diyos sa Genesis ay ginagamit dahil sa kahulugan ng mga ito, anupat ipinakikilala si Jehova sa pamamagitan ng kaniyang iba’t ibang mga katangian, sari-saring mga gawa, at sa mga pakikitungo niya sa kaniyang bayan.

Ang iba pang mga halimbawa ay: Dahil sa paggamit ng salitang ba·raʼʹ, “nilalang,” ang Genesis 1:1 ay sinasabing isinulat ng pinagmulan na tinatawag na “P.” Gayunman, matatagpuan natin ang gayunding salita sa Genesis 6:7 sa pinagmulan na tinataguriang “J.” Ang pananalitang “lupain ng Canaan” na lumilitaw sa ilang teksto (kabilang na ang Gen 12:5; 13:12a; 16:3; 17:8) ay sinasabing isang pagkakakilanlan ng manunulat na kilala bilang si “P,” at sa gayo’y naniniwala ang mga kritikong iyon na si “P” ang sumulat ng mga talatang ito. Ngunit sa mga kabanata 42, 44, 47, at 50, mababasa natin ang gayunding pananalita sa mga sulat na ipinatutungkol ng mismong mga kritikong iyon kina “J” at “E.” Kaya, bagaman inaangkin ng mga kritiko na kailangan ang kanilang mga teoriya upang maipaliwanag ang diumano’y mga di-pagkakasuwato sa Genesis, ipinakikita ng pagsusuri na ang mismong mga teoriya ay batbat ng mga di-pagkakasuwato.

Kung ang materyal na ipinatutungkol sa bawat teoretikal na pinagmulan ay kukunin nang baha-bahagi, at pangungusap por pangungusap, mula sa ulat ng Genesis at pagkatapos ay muling bubuuin, ang kalalabasan ay maraming ulat na bawat isa sa ganang sarili ay di-lohikal at di-ugnay-ugnay. Kung maniniwala tayo na ang iba’t ibang pinagmulang ito ay ginamit at pinagsama-sama ng isang mas huling tagapagtipon, mapipilitan tayong maniwala na ang di-ugnay-ugnay na mga ulat na ito, bago pinagsama-sama, ay tinanggap ng bansang Israel bilang makasaysayan at ginamit nila sa loob ng maraming siglo. Ngunit sinong manunulat, lalo pa’t isang istoryador, ang gagawa ng gayong putul-putol na mga salaysay, at kung ginawa man niya iyon, anong bansa ang tatanggap sa mga iyon bilang kasaysayan ng taong-bayan nito?

Ang kawalang-katuwiran ng mga tagapagtaguyod ng “dokumentaryong teoriya” ay inilalarawan ng pananalita ng Ehiptologong si K. A. Kitchen: “Sa pamumuna sa Pentateuch, matagal nang kaugalian na hati-hatiin ang kabuuan tungo sa hiwa-hiwalay na mga dokumento o ‘mga kamay’. . . . Ngunit ang gawaing pamumuna sa Matandang Tipan na doo’y ipinatutungkol ang mga katangiang ito sa iba’t ibang ‘mga kamay’ o mga dokumento ay maliwanag na magiging kakatwa kapag ikinapit sa ibang mga sinaunang akda sa Silangan na kakikitaan ng gayundin mismong mga penomeno.” Pagkatapos ay bumanggit siya ng halimbawa mula sa isang talambuhay na Ehipsiyo na maaaring ipatungkol, gamit ang teoretikal na mga pamamaraan ng mga kritiko ng Genesis, sa iba’t ibang ‘mga kamay’ bagaman ipinakikita ng ebidensiya na ang akdang iyon “ay inisip, kinatha, isinulat, at inukit sa loob ng mga buwan, mga sanlinggo, o baka mas maikli pa nga. Hindi puwedeng magkaroon ng ‘mga kamay’ sa likod ng istilo nito, na nagbabago lamang dahil sa mga paksang isinasaalang-alang at sa naaangkop na paraan ng pagtalakay.” (The New Bible Dictionary, inedit ni J. Douglas, 1980, p. 349) Sa katunayan, dahil sa kahinaan ng mga teoriya ng mga kritiko, higit na tumitibay ang ebidensiya na iisang tao lamang, si Moises, ang nagtala sa ugnay-ugnay at malinaw na ulat na matatagpuan sa Genesis ayon sa pagkasi ng Diyos.

Ang Pagiging Makasaysayan ng Genesis. Sa abot ng nalalaman ng mga tao, ang Genesis ang tanging mapagkukunan ng impormasyon na naglalaan ng isang lohikal at malinaw na kasaysayan ng mga bagay mula sa pasimula. Kung wala ang makatotohanang kasaysayan nito tungkol sa unang lalaki at babae, ang taglay lamang natin ay kathang-isip na mga kuwento o alegorikal na mga paliwanag hinggil sa pasimula ng tao na matatagpuan sa mga ulat ng paglalang ng mga bansang pagano. Malinaw na ipinakikita ng paghahambing sa aklat ng Genesis at sa paganong mga ulat ng paglalang ang kahigitan ng ulat ng Bibliya.

Halimbawa, ayon sa pinakakilaláng Babilonyong mito, pinatay ng diyos na si Marduk, pangunahing diyos ng Babilonya, ang diyosang si Tiamat, pagkatapos ay kinuha niya ang bangkay nito at “hinati ito sa dalawang bahagi na parang kabibi: Ang kalahati nito ay kaniyang inilagay sa itaas at ginawang kalangitan.” Sa gayon ay umiral ang lupa at ang kalangitan niyaon. Tungkol naman sa paglalang sa buhay-tao, sinasabi ng mitong ito na hinuli ng mga diyos ang diyos na si Kingu at kanilang “ipinataw sa kaniya ang kaniyang pagkakasala at pinutol ang (mga ugat na dinadaluyan ng) kaniyang dugo. Mula sa kaniyang dugo ay inanyuan nila ang sangkatauhan.” (Ancient Near Eastern Texts, inedit ni James Pritchard, 1974, p. 67, 68) Ang Ehipsiyong mga mito ng paglalang ay nauugnay rin sa mga gawain ng ilang diyos, ngunit hindi sila magkasundo kung kaninong diyos, kung yaong sa lunsod ng Memfis o ng Thebes, ang nagsimula ng paglalang. Inilalahad ng isang Ehipsiyong mito na nilalang ng diyos-araw na si Ra ang sangkatauhan mula sa kaniyang mga luha. Ang mga Griegong mito ay kahalintulad ng mga Babilonyong mito. Ang sinaunang mga rekord ng mga Tsino, sa kalakhan, ay mga kalendaryo at mga kronolohikal na kalkulasyon o mga rekord na mayroon lamang lokal o pansamantalang kahalagahan.

Wala ni isa man sa gayong sinaunang mga mapagkukunan ng impormasyon ang naglalaan sa atin ng kasaysayan, talaangkanan, at kronolohiya na inilalaan ng aklat ng Genesis. Sa pangkalahatan, ang mga akda ng sinaunang mga bansa ay kakikitaan ng kawalang-katiyakan at kalituhan hinggil sa kung sino ang tagapagtatag ng kanilang bansa. Ibang-iba rito ang pagiging tiyak at detalyado ng paglalahad ng maagang kasaysayan ng Israel. Ang totoo, dapat lamang nating asahan iyan dahil sa layunin ng Diyos sa kaniyang bayan. Sinasabi sa atin ng Bibliya na ang bansang Israel ay tuwirang pinamahalaan ng Diyos at na nakipag-ugnayan siya sa kanilang mga ninuno, partikular na kina Abraham, Isaac, at Jacob. Pagkatapos, ginamit niya si Moises sa isang lubhang pantanging paraan, anupat sa pamamagitan ni Moises ay ibinigay niya sa Israel ang Kautusan na nagtatag sa kanila bilang isang bansa. Ang kasaysayan ng Israel ay nakatala hindi lamang para sa kapakinabangan ng Israel kundi para rin sa kapakinabangan ng lahat ng nais matuto tungkol sa mga daan at mga pakikitungo ng tunay na Diyos at nais maglingkod sa kaniya.

Bilang sagot sa mga tumatanggi sa maraming bahagi ng Genesis dahil ang mga ito raw ay mga pabula o mga kuwentong-bayan, sinabi ni Wilhelm Möller: “Sa palagay ko ay hindi maaaring maging kapani-paniwala, na sa alinmang lahi ang mga pabula at mga mito ay higit at higit na tatanggapin sa paglipas ng panahon bilang aktuwal na mga katotohanan, anupat marahil ay magiging handa na tayong tanggapin ngayon bilang makasaysayang mga katotohanan ang mga kuwento ng Nibelungenlied o Red Riding Hood. Ngunit tiyak na ganito, ayon sa mga kritiko, ang nangyari sa Israel.” (The International Standard Bible Encyclopaedia, inedit ni J. Orr, 1960, Tomo II, p. 1209) Pagkatapos ay itinawag-pansin niya na tinanggap ng mga propeta ang ulat ng pagkapuksa ng Sodoma at Gomorra bilang tama (Isa 1:9; Am 4:11) at na tinanggap nila sina Abraham, Isaac, Jacob, at Jose bilang tunay na mga tao. (Isa 29:22; Mik 7:20) Hindi lamang iyan, kundi sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, si Abraham ay binabanggit sa maraming talata, ni Jesu-Kristo pa nga sa Mateo 22:32, may kaugnayan sa argumento tungkol sa pagkabuhay-muli. Kung sina Abraham, Isaac, at Jacob ay hindi talaga nabuhay, gumamit na sana si Jesus ng ibang ilustrasyon.​—Mat 22:31-33.

Kahalagahan ng Aklat. Sinasabi sa atin ng Genesis kung paano umiral ang sansinukob. Tuwiran nitong inilalarawan ang kamangha-manghang mga bagay na nilalang, sa paraang hindi mangingibabaw ang mga iyon sa pangunahing layunin ng aklat. Kaya naman hindi ito katulad ng paganong mga kuwento ng paglalang na naghaharap sa kagila-gilalas na mga bagay na iyon bilang pangunahin at naglalahad pa nga ng kakatwang mga bagay at maliwanag na mga kabulaanan upang itampok ang mga iyon. Isinasalaysay ng Genesis ang gawaing paglalang, at ipinakikita nito ang layunin ng Diyos sa paglalang sa tao, ang kaugnayan ng tao sa Diyos, at ang kaugnayan ng tao sa mga hayop. Sinasabi nito sa atin ang sanhi ng kamatayan at kabagabagan na dinaranas ng sangkatauhan at ang pag-asa ukol sa kaligtasan. Itinatawag-pansin nito na ang lahat ng tao ay nagmula sa iisang tao na si Adan, na nagkasala anupat naiwala ang buhay para sa kaniyang mga inapo; sa gayon ay tinutulungan tayo nito na maunawaan kung paanong ang haing pantubos ng isang tao, si Jesu-Kristo, ay makapagbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sangkatauhan. Tinutulungan tayo ng Genesis na makita kung paano ibinangon ng makasagisag na serpiyente, si Satanas na Diyablo, ang usapin hinggil sa pagiging marapat ng soberanya ng Diyos. Sinasabi nito ang tiyak na pag-asa na mapupuksa si Satanas at magtatamo ng kaginhawahan ang sangkatauhan. Inilalahad nito ang pinagmulan ng Babilonya at pati na rin ng lahat ng huwad na relihiyon sa lupa pagkaraan ng Baha, sa gayon ay tinutulungan tayong makilala ang Babilonyang Dakila na nasa aklat ng Apocalipsis.​—Tingnan ang BABILONYANG DAKILA.

Sinabi ni Jesus na kung naglilingkod sa Diyos ang sinuman, ang isang iyon ay dapat sumamba sa Kaniya sa espiritu at katotohanan. (Ju 4:24) Inilalahad ng ulat ng Genesis ang katotohanan tungkol sa pasimula ng tao at tungkol sa mga pakikitungo ng Diyos sa kaniya. Yamang ang lahat ng nakaulat sa Genesis ay totoo at hindi kathang-isip lamang, nalalaman natin ang katotohanan tungkol sa kasaysayan ng tao. Nauunawaan natin na hanggang noong panahon ng Baha, talagang alam ng mga tao ang katotohanan hinggil sa ulat ng Bibliya tungkol sa Eden, sapagkat naroon ang hardin at may mga kerubin at isang nagliliyab na tabak sa pintuang-daan nito. (Gen 3:24) Ngunit yaong mga nais tumahak sa kanilang sariling mga pagnanasa ay nagwalang-bahala sa mga katotohanang nasa harap nila. Gayunman, si Noe ay naglingkod sa Diyos kasuwato ng orihinal na layunin na nilalang ang tao upang maglingkod sa Kaniya, kasuwato ng tunay na kasaysayan. Pagkaraan ng Baha, bagaman naglunsad si Nimrod ng paghihimagsik laban sa Diyos sa Tore ng Babel, ang mga patriyarka sa linya ni Sem ay patuloy na nanghawakan sa tunay na paraan ng pamumuhay. Nang sumapit ang panahon ng Diyos upang organisahin ang Israel tungo sa isang bansa at ibigay sa kanila ang Kautusan, hindi iyon dumating sa kanila na parang isang bagay na ibang-iba sa kanila, anupat isang napakalaking pagbabago sa kanilang paraan ng pamumuhay. Hindi, sapagkat ang maraming bagay na masusumpungan sa Kautusan ay ginawa na nila sa patriyarkal na lipunan. Gaya ng sinabi ng Cyclopædia nina M’Clintock at Strong (1881, Tomo III, p. 782): “Ang teokrasyang ito ay hindi nakapasok sa kasaysayan nang walang mga pangyayari na nagsilbing paghahanda. Ang mga bagay na umakay sa pagdating ng teokrasya ay nasa mga ulat ng Genesis.”

Ito naman ang naghanda ng daan para sa Mesiyas at sa pagdating ng Kristiyanismo. Nang dumating si Jesu-Kristo, di-nagtagal at nakilala siya niyaong mga namumuhay kasuwato ng Kautusan sa abot ng kanilang makakaya. Hindi siya biglang dumating at nagpahayag na isa siyang dakilang tagapagligtas at lider nang walang anumang patiunang impormasyon hinggil sa kaniya o kredensiyal mula sa kasaysayan. Sa pamamagitan ng patiunang impormasyong inilaan mula sa Genesis at patuloy, natulungan ang mga tapat-puso na makilala siya at masundan. Sa gayon, isang matibay na organisasyon ng mga Judiong Kristiyano ang maaaring itatag bilang pinakapundasyon, na inihanda upang dalhin ang isang nakakukumbinsing mensahe ng ebanghelyo sa mga bansa. Ang mga bansang pagano ay inakay ng kanilang mga ninuno palayo sa katotohanan. Sila ay “hiwalay sa estado ng Israel at mga taga-ibang bayan sa mga tipan ng pangako, at . . . walang pag-asa at walang Diyos sa sanlibutan.” (Efe 2:12) Dahil dito, kinailangan nilang matutuhan ang mga simulain ng Diyos mula sa pasimula bago sila maging mga Kristiyano.

Sa gayon, ang Genesis ay nagsisilbing isang kapaki-pakinabang na saligan upang maunawaan ang lahat ng iba pang mga aklat ng Bibliya at napakahalaga sa Kristiyanismo. Inilalatag nito ang tema ng Bibliya, samakatuwid nga, ang pagbabangong-puri sa soberanya ni Jehova at ang ganap na katuparan ng kaniyang layunin para sa lupa, sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian sa ilalim ng ipinangakong Binhi. Bukod sa kauna-unahan at saligang hula sa Genesis 3:15, marami pang ibang hula ang matatagpuan sa Genesis, anupat ang napakarami sa mga iyon ay natupad na mula nang isulat ito.

[Kahon sa pahina 814]

MGA TAMPOK NA BAHAGI NG GENESIS

Isang rekord ng paglalang at paghahanda ng Diyos sa lupa upang panahanan ng tao, ng papel ng sangkatauhan sa layunin ng Diyos, at ng mga pakikitungo ng Diyos sa mga taong may pananampalataya sa loob ng mga 2,300 taon ng maagang kasaysayan ng tao

Sumasaklaw sa yugto mula sa pasimula ng pisikal na paglalang hanggang sa kamatayan ni Jose sa Ehipto (1657 B.C.E.)

Nilalang ang pisikal na langit at lupa, at inihanda ang lupa upang panahanan ng tao (1:1–2:25)

Pumasok sa sanlibutan ang kasalanan at kamatayan; inihula ang “binhi” bilang tagapagligtas (3:1–5:5)

Nilinlang ng serpiyente ang babae; kumain ang babae at si Adan ng ipinagbabawal na bunga

Hinatulan ang serpiyente, ang babae, at si Adan; dudurugin ng binhi ng babae ang serpiyente

Pinaslang ni Cain, na panganay na anak nina Adan at Eva, ang kaniyang kapatid na si Abel

Bilang katuparan ng hatol ng Diyos, namatay si Adan sa edad na 930 taon

Sinira ng balakyot na mga anghel at mga tao ang lupa; nagpasapit ang Diyos ng pangglobong Baha (5:6–11:9)

Ipinanganak si Noe sa linya ng anak ni Adan na si Set; noong mga araw niya, ang masuwaying mga anghel ay nag-asawa ng mga babae at nagkaanak ng mga Nefilim, na nagsagawa ng labis na karahasan

Nagtalaga si Jehova ng pagkapuksa sa pamamagitan ng isang delubyo ngunit tinagubilinan niya si Noe na magtayo ng isang arka upang maingatang buháy ang pamilya nito at ang saligang mga uri ng hayop

Inapawan ng tubig-baha ang buong lupa; nalipol ang lahat ng mga tao, mga lumilipad na nilalang, at mga hayop sa katihan na nasa labas ng arka

Pagkatapos ng Baha, ipinagbawal ni Jehova ang pagkain ng dugo, ipinahintulot ang parusang kamatayan para sa pagpaslang, at itinatag ang tipang bahaghari, anupat nangakong hindi na siya kailanman magpapasapit ng isa pang delubyo

Noong panahon ng ikalawang salinlahi na ipinanganak pagkatapos ng Baha, ang mga tao ay nagsimulang magtayo ng isang tore, anupat sinuway ang layunin ng Diyos na mangalat sila; ginulo ni Jehova ang kanilang wika, sa gayo’y pinangalat sila

Ang mga pakikitungo ni Jehova kay Abraham (11:10–25:26)

Nilisan ng inapo ni Sem na si Abram ang Ur bilang pagsunod sa utos ng Diyos

Sa Canaan, pinangakuan si Abram na ibibigay sa kaniyang binhi ang lupain

Si Lot ay humiwalay sa kaniyang tiyo na si Abram, namayan malapit sa Sodoma, dinalang bihag, at pagkatapos ay pinalaya ni Abram; pinagpala ni Melquisedec si Abram

Kinuha ni Abram si Hagar bilang kinakasamang babae, at isinilang nito si Ismael

Pinalitan ni Jehova ang pangalan ni Abram ng Abraham, at ang pangalan naman ni Sarai ng Sara; itinatag ang tipan ng pagtutuli

Sinabihan ng anghel ni Jehova si Abraham na magsisilang si Sara ng isang anak na lalaki​—si Isaac

Nang sabihan si Abraham na hahatulan ang Sodoma, namanhik siya para sa mga matuwid

Inapura ng mga anghel si Lot at ang kaniyang pamilya na umalis sa Sodoma; namatay ang asawa ni Lot dahil sa pagsuway

Ipinanganak si Isaac; pinaalis si Ismael dahil sa panunuya kay Isaac noong awatin ito sa suso

Bilang pagsunod kay Jehova, tinangka ni Abraham na ihain si Isaac, at tumanggap siya ng katiyakan may kaugnayan sa mga pangako ng tipan

Pagkamatay ni Sara, isinaayos ni Abraham ang pagkuha ng isang babaing mapapangasawa ni Isaac

Isinilang ng asawa ni Isaac na si Rebeka sina Esau at Jacob

Si Jacob (Israel) at ang kaniyang 12 anak; nagpunta sa Ehipto upang maingatan ang buhay (25:27–50:26)

Binili ni Jacob ang pagkapanganay mula kay Esau kapalit ng isang pagkain at nang maglaon ay nakuha niya, sa udyok ni Rebeka, ang pagpapalang ipagkakaloob sana ni Isaac kay Esau; pagkatapos nito, lumisan si Jacob patungong Padan-aram upang humanap ng mapapangasawa

Dinaya si Jacob ng kapatid ni Rebeka na si Laban upang maging asawa nito si Lea; pagkatapos, pinakasalan ni Jacob si Raquel; sa pamamagitan nina Lea at Raquel at ng kanilang dalawang alilang babae, si Jacob ay nagkaroon ng 11 anak na lalaki at isang anak na babae, si Dina, bago niya nilisan ang Padan-aram kasama ng kaniyang pamilya

Nakipagbuno si Jacob sa isang anghel, at nalinsad ang kasukasuan ng kaniyang hita; pilit siyang nangunyapit sa anghel upang magkamit ng pagpapala, at ang kaniyang pangalan ay pinalitan ng Israel

Pagkatapos ng mapayapang pagkikita nila ni Esau, si Jacob ay nanirahan sa Sucot at pagkatapos ay sa Sikem, kung saan hinalay si Dina

Namatay si Raquel nang isilang niya ang ika-12 anak na lalaki ni Jacob, si Benjamin

Si Jose, na panganay ni Raquel, ay ipinagbili ng kaniyang mga kapatid sa ama dahil sa pagkapoot nila sa kaniya; naging alipin siya ni Potipar sa Ehipto

Nang mabilanggo si Jose dahil sa mga bulaang paratang, nalagay siya sa mga situwasyon na naging daan upang mapag-alaman ni Paraon ang kaniyang kakayahang magbigay-kahulugan sa mga panaginip

Binigyang-kahulugan ni Jose ang mga panaginip ni Paraon may kinalaman sa isang taggutom at si Jose ay ginawang pangalawang tagapamahala sa Ehipto

Dahil sa taggutom sa Canaan, ang mga anak ni Jacob ay napilitang pumaroon sa Ehipto para kumuha ng pagkain; nang maglaon, nagpakilala si Jose sa kaniyang mga kapatid sa ama

Si Jacob at ang kaniyang sambahayan ay lumipat sa Ehipto; pinangalagaan sila ni Jose

Namatay si Jacob sa Ehipto matapos bumigkas ng makahulang mga pagpapala sa mga anak ni Jose, sina Efraim at Manases, at sa kaniya mismong 12 anak