Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Gesem

Gesem

[posible, Ulan; Bumubuhos na Ulan].

Isang Arabe na sumalansang kay Nehemias, kasama nina Sanbalat at Tobia, sa muling pagtatayo ng pader ng Jerusalem. Una ay inalipusta ng mga kaaway na ito si Nehemias at ang kaniyang mga kamanggagawa. (Ne 2:19) Pagkatapos ay nagsabuwatan at nagpakana sila laban kay Nehemias, ngunit walang nangyari. (Ne 6:1-4) Nang dakong huli, nagpadala si Sanbalat ng isang liham kay Nehemias, na sinisipi ang akusasyon ni Gesem na si Nehemias at ang mga Judio ay nagpapakanang maghimagsik at na si Nehemias ay nagiging hari sa mga ito. Dito ay nabigo rin ang mga kaaway. (Ne 6:5-7) Ang pagsipi ni Sanbalat kay Gesem sa liham ay waring nagpapahiwatig na si Gesem ay isang taong maimpluwensiya. Mapapansin na ayon sa ulat ay mabuti naman ang ugnayan sa pagitan ng Persianong korte at ng mga tribong Arabe matapos salakayin ng Persia ang Ehipto.

Isang anyong diyalekto ng Gesem, ang pangalang Gasm, ay binabanggit sa isang inskripsiyong natagpuan sa sinaunang Dedan, sa hilagaang bahagi ng Arabia. Ang pangalang Gesem ay lumilitaw sa isang inskripsiyong Aramaiko sa isang mangkok na pilak na natagpuan sa Ehipto. Ang teksto ay kababasahan: “Yaong dinalang handog ni Qainu bar Gesem, hari ng Qedar, para kay [diyosa] han-ʼIlat.”​—Journal of Near Eastern Studies, 1956, Tomo XV, p. 2.