Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Gihon

Gihon

[Bumubugso; Bumubulwak].

1. Isa sa apat na ilog na sanga ng ilog na lumalabas mula sa Eden. Ito’y inilarawan na “pumapalibot sa buong lupain ng Cus.” (Gen 2:10, 13) Gayunman, hindi posibleng matukoy nang may katiyakan ang ilog na ito sa ngayon. Batay sa heograpiya, waring malayong mangyari na ang “lupain ng Cus” na tinukoy rito ay kumakatawan sa Etiopia, gaya ng kalimitang kaso sa mas huling mga ulat. Maaaring ang “lupain ng Cus” ay tumutukoy sa lupaing tinirahan ni Cus bago nangalat ang mga tao matapos guluhin ang wika sa Babel. (Gen 11:9) Iniuugnay ng iba ang Gihon sa Ilog Araxes (makabagong Ilog Araks), na nagmumula sa kabundukan sa dakong HK ng Lawa ng Van at lumalabas sa Dagat Caspian. Iniuugnay naman ng ilang leksikograpo ang “lupain ng Cus” ng Genesis 2:13 sa mga Kassita (sa Akkadiano, kassu), isang grupo ng mga tao na mula sa talampas ng gitnang Asia. Ang mga ito’y binanggit sa sinaunang mga inskripsiyong cuneiform ngunit nananatiling hindi malinaw ang kanilang kasaysayan. (Lexicon in Veteris Testamenti Libros, nina L. Koehler at W. Baumgartner, Leiden, 1958, p. 429; A Hebrew and English Lexicon of the Old Testament, nina Brown, Driver, at Briggs, 1980, p. 469) Samantala, mapapansin na may mga Arabe sa Peninsula ng Arabia na tinawag na KusiKushim, gaya ng ipinahihiwatig ng Habakuk 3:7, kung saan ang Cusan ay itinambal sa Midian, maliwanag na bilang ang lugar ding iyon o bilang kalapit na lupain. Kaya may iba’t ibang posibilidad, ngunit dahil sa malinaw na mga pagbabago sa topograpiya ng planetang Lupa na resulta ng pangglobong Delubyo, hindi posibleng makabuo ng anumang tiyakang konklusyon.​—Tingnan ang CUS Blg. 2.

2. Bukal na sa ngayon ay tinatawag na Ha Gihon. Nagmumula ito sa isang likas na yungib sa Libis ng Kidron di-kalayuan sa S ng itaas na dulo ng seksiyon ng Jerusalem na noong sinauna ay tinatawag na “Lunsod ni David.” (2Cr 32:30) Ito’y isang pangunahing pinagkukunan ng tubig ng lunsod noong sinaunang mga panahon, yamang dalawa lamang ang bukal sa kapaligiran ng Jerusalem. Bagay na bagay ang pangalang Gihon para sa bukal na ito dahil ‘bumubulwak’ ito nang hanggang apat o limang ulit sa loob ng isang araw pagkatapos ng maulang taglamig, mas madalang naman kapag tag-init.

Karaniwang pinaniniwalaan na ginamit ni Heneral Joab ang bukal ng Gihon upang mapasok ang halos di-maigugupong moog ng mga Jebusita sa Jerusalem, kung kaya nabihag iyon ni David. (1Cr 11:6) Bagaman ang pagkakasalin ng tekstong Hebreo sa 2 Samuel 5:8 ay naghaharap ng ilang problema, ipinahihiwatig ng karaniwang salin na ang lunsod ay nagkaroon ng isang ‘paagusan ng tubig,’ na tinukoy ni David noong inilulunsad niya ang pagsalakay sa lunsod. Noong 1867 C.E., natuklasan ni Charles Warren ang isang lagusan ng tubig na nagmumula sa yungib na pinanggagalingan ng bukal ng Gihon. Matapos bumagtas nang mga 20 m (66 na piye), ang dulo nito’y isang tipunan o imbakan ng tubig. Isang daanan sa bato sa itaas ng tipunang-tubig na ito ang umaabot sa taas na 11 m (36 na piye), at sa ibabaw naman ng daanan ay may isang lugar kung saan makatatayo ang mga tao at makapagbababa ng mga lalagyan sa pamamagitan ng lubid upang sumalok ng tubig mula sa tipunang-tubig sa ibaba. Mula sa daanan, isang paahong pasilyo na may haba na halos 39 na m (128 piye) ang tumatalunton papasók sa loob ng lunsod. Pinaniniwalaan na sa pamamagitan nito’y patuloy na nakaigib ang mga Jebusita sa kanilang bukal ng tubig kahit pa hindi sila makalabas ng mga pader ng lunsod dahil sa pagsalakay ng kaaway. Bagaman hindi tuwirang binanggit sa ulat ang bukal ng Gihon, ipinapalagay na may-katapangang napasok ni Joab at ng kaniyang mga tauhan ang lunsod sa pamamagitan ng paagusang ito ng tubig.

Sa Gihon pinahiran si Solomon bilang hari sa utos ni David. Ang maingay na prusisyon pagkatapos nito habang may-kagalakang sinusundan ng taong-bayan si Solomon pabalik ng lunsod, bagaman hindi nakikita mula sa bukal na tinatawag na En-rogel na mga 700 m (2,300 piye) ang layo mula sa Gihon, ay malinaw na maririnig ng pangahas na si Adonias at ng mga panauhin nito habang nagpipiging sila sa En-rogel.​—1Ha 1:9, 10, 33-41.

Natagpuan din ng arkeolohikal na mga paghuhukay ang isang lumang kanal na nagmumula sa bukal ng Gihon at bumabagtas patimog sa kahabaan ng dalisdis ng “Lunsod ni David.” Ang dulo ng kanal na ito’y isang tipunang-tubig sa paanan ng tagaytay na dating kinaroroonan ng sinaunang lunsod​—sa timugang dulo ng tagaytay, patungo sa pinagsasalubungan ng Libis ng Tyropoeon at Libis ng Kidron. Ang kanal ay inihilig nang bahagyang-bahagyang lamang, kaya naman napakabanayad ng agos ng tubig dito. Malamang na ang kanal na ito ang tinutukoy sa hula ni Isaias noong panahon ni Haring Ahaz (761-746 B.C.E.), anupat ang ‘tubig nito na umaagos nang banayad’ ay inihambing sa rumaragasang pagbaha ng lumulusob na mga Asiryano na inihula ni Isaias na sasalakay sa Juda.​—Isa 8:5-8.

Nang malapit nang sumalakay ang mga Asiryano noong paghahari ni Hezekias (732 B.C.E.), kumilos si Haring Hezekias upang tiyaking hindi mapapasakamay ng kaaway ang suplay ng tubig ng Jerusalem. (2Cr 32:2-4) Gayunman, posibleng tumutukoy sa ibang panahon, ipinakikita ng ulat sa 2 Cronica 32:30 na sinarhan niya ang agos ng Gihon sa dati nitong lagusan at inilihis niya ang tubig nito sa kanluraning panig ng “Lunsod ni David,” na nasa pinakaloob ng mga kuta ng Jerusalem. Ang katibayan kung paano ito isinagawa ay natuklasan noong 1880 C.E. nang matagpuan ang isang inskripsiyon na nakaukit sa pinakadingding ng isang paagusan ng tubig na ang dulo ay ang kilalá ngayon bilang Tipunang-tubig ng Siloam sa K panig ng matandang “Lunsod ni David.” Inilarawan ng inskripsiyon, na nakaulat sa isang sinaunang sulat Hebreo at itinuturing na mula pa noong ikawalong siglo B.C.E., kung paano hinukay sa solidong bato ang paagusang ito. Isinagawa iyon ng dalawang grupo ng mga lalaki na nagtrabaho nang pasalubong sa isa’t isa mula sa magkabilang dulo. Noong 1910, nang lubusan nang mahawan ang paagusan, natuklasan na ito’y may sukat na mga 533 m (1,749 na piye), may katamtamang taas na 1.8 m (6 na piye) at kung minsa’y papakitid nang hanggang 0.5 m (20 pulgada) lamang. Lumilitaw na ang kahanga-hangang gawang ito ng inhinyeriya ay resulta ng mga pagkilos ni Hezekias upang maprotektahan at mapanatili ang suplay ng tubig ng Jerusalem na nagmumula sa Gihon.

Pinalawak ni Haring Manases, na anak ni Hezekias, ang mga kuta ng Jerusalem noong panahon ng kaniyang paghahari (716-662 B.C.E.). Siya’y nagtayo ng panlabas na pader para sa “Lunsod ni David” sa gawing “kanluran ng Gihon,” samakatuwid ay hindi napasama sa loob ng mga hangganan ng Jerusalem ang bukal ng Gihon.​—2Cr 32:33; 33:14.

Sa ngayon, ang tubig ng Gihon ay patuloy na umaagos sa “Paagusan ng Siloam,” na kinikilalang ipinagawa ni Hezekias.

[Mapa sa pahina 830]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Opel

Bundok Sion

Lunsod ni David

Bahay ni David

Gihon

Paagusan ni Hezekias

Kanal

Tipunang-tubig ng Siloam

Mababang Tipunang-tubig

A.L. ng Kidron

Libis ng Tyropoeon

[Larawan sa pahina 829]

Ang Tipunang-tubig ng Siloam, na inaagusan ng tubig mula sa Bukal ng Gihon