Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Gilead

Gilead

[malamang na hinalaw sa Galeed, nangangahulugang “Bunton na Saksi”].​—Gen 31:47, 48.

1. Anak ni Makir at apo ni Manases; ninuno ng mga Iezerita at mga Helekita.​—Bil 26:29, 30; 27:1; Jos 17:1, 3; 1Cr 2:21, 23; 7:14-17.

2. Isang Gadita na nakatala sa talaangkanan ni Abihail.​—1Cr 5:11-14.

3. Ama ni Jepte.​—Huk 11:1, 2.

4. Isang terminong heograpiko na ginagamit sa Bibliya sa iba’t ibang paraan. Sa eksaktong diwa, ang Gilead ay tumukoy sa tulad-bobidang bulubunduking pook sa S ng Ilog Jordan na umabot sa H at T ng agusang libis ng Jabok. (Jos 12:2) Ang hangganan nito sa H ay ang Basan; sa T, ang talampas sa H ng agusang libis ng Arnon; at sa S, ang teritoryo ng Ammon. (Deu 2:36, 37; 3:8-10) Gayunman, kung minsan ang “Gilead” o “lupain ng Gilead” ay ikinakapit sa buong teritoryong Israelita sa S ng Jordan, kasama na rito ang Basan at ang talampas sa H ng Arnon.​—Jos 22:9; Huk 20:1, 2; 2Sa 2:9; 2Ha 10:32, 33; tingnan ang GALEED.

Maliwanag na ipinapalagay na ang Gilead ay binubuo ng dalawang bahagi. Bagaman tinatawag lamang na Gilead sa Bilang 32:40, ang teritoryong nakaatas sa kalahati ng tribo ni Manases ay mas espesipikong tinutukoy bilang “ang natira sa Gilead” (Deu 3:13) o ang “kalahati ng Gilead.” (Jos 13:31) Sa katulad na paraan, sa mas eksaktong diwa, ang pinagsamang teritoryo ng Gad at Ruben sa T ng lugar na ibinigay sa kalahati ng tribo ni Manases ay tinawag na “kalahati ng bulubunduking pook ng Gilead.” (Deu 3:12) Gayunman, kung minsan, ang lugar ding ito ay tinatawag lamang na Gilead, gaya rin ng bahagi nito na nakaatas sa Gad (na kinaroroonan ng kanlungang lunsod ng Ramot).​—Bil 32:29; Jos 13:24, 25; 21:38.

Sa libis ng Jordan, mula sa di-kukulangin sa 210 m (690 piye) ang kababaan mula sa kapantayan ng dagat, ang Gilead ay paahon hanggang sa taas na mahigit sa 1,000 m (3,300 piye). Palibhasa’y pinagpala ng saganang ulan kapag taglamig at makapal na hamog kapag tag-araw, gayundin ng maraming bukal, ang matabang rehiyong ito ay may malalawak na kagubatan noong sinauna at kilalang-kilala dahil sa balsamo nito na nakapagpapagaling. (Jer 8:22; 46:11; tingnan ang BALSAMO, BALSAMO NG GILEAD.) Ang alun-along mga talampas nito ay naging angkop sa pag-aalaga ng mga hayop at pagtatanim ng mga binutil. Sagana ring namumunga ang mga punong-ubas sa Gilead noon.​—Bil 21:22; 32:1.

Makasaysayang mga Pangyayari sa Gilead. Di-katagalan bago pumasok ang mga Israelita sa Lupang Pangako, kontrolado ng Amoritang hari na si Sihon ang seksiyon ng Gilead sa T ng agusang libis ng Jabok, samantalang si Og na hari ng Basan naman ang namamahala sa bahaging nasa dakong H. (Jos 12:1-4) Sa ilalim ng pangunguna ni Moises, tinalo ng mga Israelita ang dalawang haring ito, at, dahil sa malaking bilang ng kanilang mga alagang hayop, hiniling ng mga tribo nina Gad at Ruben na ibigay sa kanila ang rehiyong ito bilang mana. (Bil 21:21-24, 33-35; 32:1-5) Ipinagkaloob ang kahilingan nila sa kundisyon na ang mga lalaking mandirigma ng dalawang tribo ay tatawid ng Jordan at tutulong sa pagsakop sa Lupang Pangako. (Bil 32:20-24, 28-30) Sumang-ayon silang gawin ito, at kaagad nilang itinayong muli ang mga lunsod para sa kanilang mga pamilya, na iiwan nila roon. (Bil 32:25-27, 31-38) Ang kalahati ng tribo ni Manases ay tumanggap din ng mana sa S ng Jordan.​—Bil 32:33, 39, 40.

Habang naglalakbay pabalik sa kanilang mana sa Gilead, ang mga lalaki ng Ruben, Gad, at ng kalahati ng tribo ni Manases ay nagtayo ng isang altar bilang pinakaalaala ng katapatan kay Jehova. (Jos 22:9, 10, 26-29) Nang maglaon, nakiisa sila sa pagkilos ng ibang mga tribo laban sa mga Benjamita dahil ipinagsanggalang ng mga ito ang mga manggagawa ng kamalian na taga-Gibeah upang hindi malapatan ng katarungan ang mga iyon. (Huk 20:1-48) Kabaligtaran naman nito, hinatulan ang “Gilead” dahil hindi ito sumama kay Barak sa pakikipaglaban kay Sisera. (Huk 5:17) Gayundin, nang dakong huli, ang mga lalaki ng Sucot at Penuel, dalawang lunsod sa Gilead, ay tumangging tumulong kay Gideon at sa mga tauhan niya anupat hindi nagbigay ng mga panustos na pagkain noong tinutugis ng mga ito ang mga Midianita.​—Huk 8:4-9.

Pagkamatay ni Hukom Jair na mula sa Gilead, bumalik ang Israel sa idolatriya, at sinundan ito ng 18 taon ng matinding paniniil ng mga Ammonita. Palibhasa’y napaharap sa pagpapahirap na ito, iniwan ng mga lalaki ng Gilead ang huwad na pagsamba at namanhik sila sa Gileaditang si Jepte na maging kumandante nila sa pakikipaglaban sa Ammon. Nang magkagayon ay nasupil ang mga Ammonita.​—Huk 10:3, 5-10; 11:4-11, 32, 33.

Gayunman, pagkaraan ng maraming taon ay nagkaroon pa rin ng suliranin ang Gilead sa mga Ammonita. (Am 1:13) Di-nagtagal matapos pahiran si Saul bilang unang hari ng Israel, kinubkob ni Nahas na Ammonita ang Jabes-gilead at sinabing tatanggapin lamang niya ang pagsuko ng lunsod na ito sa kundisyong ipadudukit ng mga lalaki ang kanilang kanang mata. Nang malaman ito ni Saul, dali-dali niyang tinipon ang isang hukbo ng 330,000 lalaki at tinalo ang mga Ammonita. (1Sa 11:1-11) Pagkatapos nito, waring pumasok ang Gilead sa isang yugto ng katiwasayan na nagpatuloy pa pagkamatay ni Saul, gaya ng ipinahihiwatig ng pagpili ni Abner sa Gileaditang lunsod ng Mahanaim bilang lugar kung saan gagawing hari ang anak ni Saul na si Is-boset. (2Sa 2:8, 9) Gayunman, noong panahon ng paghahari ni David, muling sumiklab ang pakikipag-alitan sa mga Ammonita. Ang Gilead at ang kapaligiran nito ay naging tagpo ng mga pagbabaka na sa wakas ay humantong sa lubusang pagkasupil ng Ammon.​—2Sa 10:6-19; 11:1; 12:26-31.

Nang maglaon, noong panahon ng paghihimagsik ni Absalom, tumakas si Haring David patungong Gilead at sa Mahanaim ay tinanggap siya nang may kabaitan at magiliw, lalo na ng matanda nang si Barzilai. (2Sa 17:27-29; 19:32) Maliwanag na sa Gilead naglabanan ang mga hukbo ni David at ni Absalom. Ang matinding pagkatalo ni Absalom ang nagbukas ng daan upang umalis si David sa Gilead at bumalik na sa kaniyang trono.​—2Sa 17:24; 18:6-8.

Di-nagtagal pagkatapos na maitatag ang sampung-tribong kaharian (997 B.C.E.), ang mga Siryano ay kumuha ng teritoryo mula sa Gilead. Ang Ramot-gilead, ang Gaditang kanlungang lunsod sa silangang Gilead, ay pag-aari ng mga Siryano noong panahon ni Haring Ahab at ng Gileaditang propeta na si Elias. (1Ha 17:1; 22:3) Pagkatapos, noong panahon ng mga paghahari ni Haring Jehu at ng kaniyang anak na si Jehoahaz, mas marami pang teritoryo ang nawala sa Gilead at dumanas ito ng matinding paggiik sa mga kamay ng mga Siryanong hari na si Hazael at ang anak nito na si Ben-hadad III. (2Ha 10:32-34; 13:1, 3, 7; Am 1:3, 4) Gayunman, tatlong ulit na tinalo ni Jehoas na anak ni Jehoahaz ang mga Siryano at nabawi niya ang mga lunsod na nakuha ng mga Siryano sa Israel noong panahon ng paghahari ng kaniyang ama.​—2Ha 13:25.

Nang dakong huli, noong mga araw ng Israelitang si Haring Peka (mga 778-759 B.C.E.), dinala ng Asiryanong hari na si Tiglat-pileser III sa pagkatapon ang mga naninirahan sa Gilead. (2Ha 15:29) Lumilitaw na kaagad na sinamantala ng mga Ammonita ang situwasyong ito at sinimulan nilang sakupin ang teritoryo ng Gilead. (Aw 83:4-8; Jer 49:1-5) Gayunman, sa pamamagitan ng kaniyang mga propeta, nagbigay si Jehova ng katiyakan na sa kalaunan ay muling isasauli sa rehiyong ito ang mga Israelita.​—Jer 50:19; Mik 7:14; Zac 10:10.

5. Isang “bayan” na binanggit ni Oseas bilang punô ng kabulaanan, pagbububo ng dugo, at mga manggagawa ng bagay na nakapipinsala. (Os 6:8; ihambing ang 12:11.) Yamang sa ibang bahagi ng Kasulatan ay hindi ipinakikilala ang Gilead bilang isang lunsod, sinasabi ng iba na maaaring Jabes-gilead o Ramot-gilead ang tinutukoy. Ipinapalagay naman ng iba na tumutukoy ito sa buong rehiyon na nasa S ng Jordan.

[Mapa sa pahina 831]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Lupain ng GILEAD

GILEAD

Bdk. Hermon

ARGOB

BASAN

Dagat ng Galilea

Astarot

Golan

A.L. ng Yarmuk

Edrei

Ramot-gilead

A.L. ng Jabok

Ilog Jordan

Raba

Bezer

AMMON

Dagat Asin

A.L. ng Arnon