Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Gilgal

Gilgal

[Gumugulong].

1. Isang lunsod “sa silanganing hanggahan ng Jerico.” (Jos 4:19) Maliwanag na malapit sa “tibagan” ng Gilgal ang tirahan ng Moabitang si Haring Eglon, ang maniniil ng Israel noong panahon ni Ehud.​—Huk 3:12-26.

Ipinapalagay noon ng karamihan sa mga heograpo na ang Khirbet en-Nitleh ang posibleng lokasyon ng Gilgal. Gayunman, partikular na mula noong 1931, iminumungkahi ng ilan ang Khirbet El Mafjir. Ang posisyon nito, 2 km (mga 1 mi) sa HS ng sinaunang Jerico (Tell es-Sultan; Tel Yeriho), ay mas katugma ng sinaunang mga pagtukoy sa panitikan (gaya niyaong kina Josephus at Eusebius) tungkol sa distansiya mula sa Jerico hanggang sa Gilgal. Gayundin, ang arkeolohikal na paghuhukay sa Khirbet en-Nitleh ay walang isiniwalat na katibayan na tinahanan ito bago ang Karaniwang Panahon. Sa kabilang dako naman, sa mga paggagalugad sa ibabaw ng kapaligiran ng Khirbet El Mafjir ay may natagpuang mga bibingang luwad na nagpapahiwatig na nagkaroon doon ng isang pamayanan maraming siglo bago ang Karaniwang Panahon. Bagaman ang lugar na ito ay hindi tuwirang nasa S ng sinaunang Jerico, maaaring sa katawagan sa Bibliya na “silanganing hanggahan ng Jerico” ay kasama ang HS.

Ang Gilgal ang lugar ng unang kampamento ng Israel pagkatawid sa Jordan noong Abib (Nisan) ng 1473 B.C.E. Bilang paggunita sa pagtuyo ni Jehova sa tubig ng Jordan upang makatawid ang Israel, dito ay nagbunton si Josue ng 12 bato na kinuha mula sa gitna ng pinakasahig ng ilog. (Jos 4:8, 19-24) Sa Gilgal tinuli ang lahat ng lalaking Israelita na ipinanganak sa ilang, anupat pagkatapos ay sinabi ni Jehova na ‘iginulong niya ang pandurusta ng Ehipto mula sa kanila.’ Nang magkagayon, ang lugar na ito ay binigyan ng pangalang “Gilgal,” nangangahulugang “Gumugulong,” upang magsilbing tagapagpaalaala nito. (Jos 5:8, 9) Nang maglaon, ang nakabalatkayong mga Gibeonita mula sa maburol na lupain sa dakong K ay bumaba patungo sa Libis ng Jordan at lumapit kay Josue sa Gilgal, anupat nakipagtipan sila sa Israel. (Jos 9:3-15) Pagkatapos nito, nang sumailalim sa pagsalakay ang mga Gibeonita, magdamagang humayo ang hukbo ni Josue mula sa Gilgal paahon sa kanilang lunsod upang lupigin ang liga ng limang Amoritang hari. (Jos 10:1-15) Sa Gilgal sinimulan ang pamamahagi ng lupain ng Canaan (Jos 14:6–17:18) at natapos ito mula sa Shilo.​—Jos 18:1–21:42.

Iniuulat na ang anghel ni Jehova ay humayo “mula sa Gilgal patungo sa Bokim.” (Huk 2:1) Maaaring tumutukoy ito sa pagpapakita ng isang anghel malapit sa Gilgal di-kalaunan pagkatawid ng Israel sa Jordan (Jos 5:10-14) at sa gayon ay nagpapahiwatig na ang anghel ding iyon ang nagpakita sa Bokim.

Hindi tiyak kung ang Gilgal na malapit sa Jordan o ang Blg. 2 ang kasama sa taunang pag-ikot ni Samuel. (1Sa 7:15, 16) Doon ay naghandog siya ng mga hain pagkatapos na pahiran si Saul (1Sa 10:1, 8) at, kasama ang bayan, muli niyang pinagtibay ang pagkahari ni Saul.​—1Sa 11:14, 15.

Samantalang nagtitipon ang mga hukbong Filisteo sa maburol na lupain sa palibot ng Micmash, si Haring Saul naman ay nasa ibaba sa Libis ng Jordan sa Gilgal. Sa takot na baka daluhungin siya ng kaaway, may-kapangahasang naghandog si Saul ng haing sinusunog. (1Sa 13:4-15) Sa Gilgal din sinabihan si Saul na itinakwil na siya ni Jehova bilang hari dahil hindi niya sinunod ang utos ni Jehova na italaga sa pagkapuksa ang lahat ng mga Amalekita at ang kanilang mga kawan at mga bakahan.​—1Sa 15:12-28.

Pagkatapos na mabigo ang paghihimagsik ni Absalom, ang mga lalaki ng Juda ay pumaroon sa Gilgal upang itawid si David sa Jordan.​—2Sa 19:15, 40.

Sa pamamagitan ng propetang si Mikas, ipinaalaala ni Jehova sa kaniyang bayan ang mga pagpapala niya sa kanila. “Mula . . . sa Sitim, hanggang sa Gilgal” ay hinadlangan niya ang pagsisikap ng Moab na pasamain sila, itinawid niya ang Israel sa Jordan, at iginulong niya ang pandurusta ng Ehipto. Ngunit hindi napag-unawa ng Israel ang “matuwid na mga gawa[ng ito] ni Jehova.”​—Mik 6:5; Bil 25:1.

Posibleng ang Gilgal ay kilala rin bilang Gelilot.​—Tingnan ang GELILOT.

Ang Bet-gilgal na umiral pagkaraan ng pagkatapon ay maaaring ang Gilgal din na malapit sa Jerico o ang Blg. 2.​—Ne 12:28, 29.

2. Bagaman iba ang pangmalas ng ilan, maliwanag na ang Gilgal na binanggit may kaugnayan kina Elias at Eliseo ay naiiba sa Blg. 1. Bago siya kunin patungo sa langit sa pamamagitan ng isang buhawi, si Elias, kasama si Eliseo, ay humayo mula sa Gilgal at lumusong sa Bethel at pagkatapos ay sa Jerico. (2Ha 2:1-5) Ipinahihiwatig ng rutang ito ang isang lokasyong malapit sa Bethel. Gayundin, ipinahihiwatig ng ‘paglusong’ nila na ang Gilgal na ito ay nasa isang bulubunduking pook. Hindi tutugma sa paglalarawang ito ang Gilgal sa Libis ng Jordan. Kaya naman ang Gilgal na ito ay karaniwang iniuugnay sa Jil Jiliya, isang malaking nayon na nasa ibabaw ng burol na mga 11 km (7 mi) sa H ng Bethel. Nang maglaon ay pinangyari ni Eliseo na mawala ang lason ng nilaga na niluto roon. (2Ha 4:38-41) Marahil ito o iba pang Gilgal ang inilalarawan sa Deuteronomio 11:29, 30 bilang katapat ng Bundok Gerizim at Bundok Ebal.

Maliwanag na noong bandang huli, ang lunsod na ito (o marahil ang Blg. 1) ay naging isang sentro ng huwad na pagsamba. (Os 4:15; 9:15; 12:11) Palibhasa’y patiunang nakita ni Jehova na sa kalaunan ay ipatatapon ang hilagang kaharian, sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Amos ay may-panlilibak niyang sinabi sa di-na-magbabagong mga Israelita na ‘dalasan nila ang pagsalansang’ sa Gilgal, anupat inihula rin niya na ipatatapon ang mga tumatahan dito.​—Am 4:4; 5:5.

3. Isang lugar sa K ng Jordan na binanggit sa isang talaan ng mga nakubkob ng Israel sa ilalim ni Josue. (Jos 12:7, 8, 23) Naniniwala ang ilan na maaaring may isang pagkakamali ng eskriba sa tekstong ito, kaya naman mas gusto nila ang salin ng Griegong Septuagint na “Galilea,” gaya ng nasa Revised Standard Version.