Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Gilingan

Gilingan

[sa Ingles, mill].

Isang simpleng aparato na karaniwang binubuo ng dalawang bato (na magkapatong), at sa pagitan ng mga ito ay ginigiling ang sari-saring giniik na mga butil upang maging harina. Ang butil ay maaaring bayuhin sa isang almires gamit ang isang pandikdik, kiskisin sa pagitan ng isang malapad na tipak ng bato at ng isang pang-ibabaw na bato, o gilingin gamit ang isang gilingang iniikot o isang lever hand mill. Ginagamit na ang gayong mga kasangkapan mula pa noong maagang bahagi ng panahon ng mga patriyarka, sapagkat ang asawa ni Abraham na si Sara ay gumawa ng mga tinapay na bilog mula sa “mainam na harina.” (Gen 18:6) Sa ilang, ang manna na inilaan ng Diyos ay ginigiling ng mga Israelita “sa mga gilingang pangkamay o dinidikdik iyon sa almires.”​—Bil 11:7, 8; tingnan ang ALMIRES.

Noon, karaniwa’y araw-araw ang pagluluto ng tinapay, at kadalasan, bawat pamilya ay nagmamay-ari ng sarili nitong gilingang pangkamay. Karaniwan na, ang paggiling ng mga butil upang maging harina ay isang pang-araw-araw na gawain ng mga kababaihan sa isang sambahayan. (Mat 24:41; Job 31:10; Exo 11:5; Isa 47:1, 2) Maaga silang bumabangon sa kinaumagahan upang ihanda ang harinang kailangan para sa tinapay sa araw na iyon. Ang ingay ng mga gilingang pangkamay ay tinutukoy sa Bibliya bilang sagisag ng normal at mapayapang mga kalagayan. Sa kabaligtaran, pagiging pinabayaan at pagkatiwangwang ang ipinahihiwatig kapag naglaho “ang ingay ng gilingang pangkamay.”​—Jer 25:10, 11; Apo 18:21, 22; ihambing ang Ec 12:3, 4.

Ang isang karaniwang gilingang pangkamay noong panahong Hebreo ay ang saddle quern. Mayroon itong dalawang inukit na bato, isang mas mahaba sa ilalim at isang mas maliit sa ibabaw. (Deu 24:6; Job 41:24) Ang tagagiling ay luluhod sa likod nito, hahawakan ng dalawang kamay ang pang-ibabaw na bato, at ikakaskas ito sa batong nasa ilalim para madurog ang butil sa pagitan ng dalawang bato. Ang ilang pang-ilalim na bato ay nakaharap palayo sa tagagiling para maging mas mapuwersa ang pagkaskas. Nang maglaon, gumagamit na ng lever mill at ng gilingang iniikot. Pareho itong may butas sa gitna ng pang-ibabaw na bato para paglagyan ng butil. Ang lever mill ay hugis parihaba o parisukat, na may malaking pang-ilalim na bato kung saan ikinakaskas ang isang mas maliit na bato gamit ang isang lever na nakasuksok sa isang uka sa pang-ibabaw na bato. Kung minsan, inilalagay ito sa mataas na patungan para magamit ito habang nakatayo. Ang gilingang iniikot ay binubuo ng dalawang bilog na bato, at may tulos ito sa gitna para mapaikot ang pang-ibabaw na bato. Ang pang-ibabaw na bato ay nakaarko para magkasya ito at mapaikot sa pang-ilalim na bato na nakauka, kaya ang durog na mga butil ay nahuhulog sa gilid ng gilingan. Ginagamit pa rin ito hanggang sa ngayon—ang mabibigat na pang-ilalim na bato ay karaniwan nang gawa sa basalto at kadalasan nang mga 46 na sentimetro (18 pulgada) ang diyametro at may kapal na 5 hanggang 10 sentimetro (2 hanggang 4 na pulgada).

Kadalasan, dalawang babae ang nagpapatakbo ng ganitong gilingang pangkamay. (Luc 17:35) Nauupo silang magkaharap at tinatanganan nila ng tig-isang kamay ang hawakan upang paikutin ang pang-ibabaw na bato. Gamit ang isa pa niyang kamay, nilalagyan ng isang babae ng kaunting butil na hindi pa nagigiling ang butas ng pang-ibabaw na bato, samantalang tinitipon naman ng isa pang babae ang harina habang lumalabas iyon sa gilid ng gilingan at nahuhulog sa lalagyan o sa telang nakalatag sa ilalim ng gilingan.

Yamang noon ay karaniwan nang araw-araw ang pagluluto ng tinapay at malimit maggiling ng butil upang maging harina, maawaing ipinagbawal ng kautusan ng Diyos na ibinigay sa Israel ang pag-agaw sa gilingang pangkamay ng isang tao o sa pang-ibabaw na batong panggiling niyaon bilang panagot. Nakadepende sa gilingang pangkamay ang pang-araw-araw na tinapay ng isang pamilya. Kaya naman, ang pag-agaw rito o sa pang-ibabaw na batong panggiling nito ay nangangahulugan ng pag-agaw sa “isang kaluluwa” o “ikabubuhay.”​—Deu 24:6, tlb sa Rbi8.

Binabanggit din ng Kasulatan ang mas malalaking gilingan. Tinukoy ni Jesu-Kristo ang “isang gilingang-bato na gaya niyaong iniikot ng isang asno.” (Mat 18:6) Maaaring katulad ito ng gilingang-bato na sapilitang ipinaikot ng mga Filisteo sa bulag na si Samson noong “siya ay naging tagagiling sa bahay-bilangguan,” bagaman iniisip ng iba na iyon ay isang saddle quern.Huk 16:21.

Sa Apocalipsis, ang bigla at pangkatapusang pagkapuksa ng Babilonyang Dakila ay inihalintulad sa paghahagis sa dagat ng “isang bato na tulad ng isang malaking gilingang-bato.”​—Apo 18:21.