Ginto
Ang metal na unang binanggit at pinakamadalas ding banggitin sa Bibliya. (Gen 2:11) Sa pasimula pa lamang, isa na itong bantog na metal na lubhang pinahahalagahan dahil ito ay mabigat, bibihira, maganda, may kinang na di-kumukupas, napipitpit, at madaling hubugin. May ilang terminong Hebreo na tumutukoy sa ginto; kabilang dito ang za·havʹ (Exo 25:11), cha·rutsʹ (Zac 9:3), keʹthem (Aw 45:9), paz (“dalisay na ginto”; Aw 19:10), seghohrʹ (“dalisay na ginto”; Job 28:15), at ʼoh·phirʹ (“ginto ng Opir”; Job 22:24). Ang mga terminong Griego naman na khry·sosʹ at khry·siʹon sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ay ginagamit may kinalaman sa mga barya, mga palamuti, at sa metal sa pangkalahatan; ginagamit din ang mga ito sa mga metapora.—Mat 10:9; 1Pe 3:3; Mat 2:11; 1Co 3:12.
Dahil bibihira ang ginto, naging kapaki-pakinabang ito bilang pambayad sa pakikipagkalakalan at bilang panukat ng kayamanan at katanyagan ng isang tao. (Gen 13:2; 1Cr 21:25; Es 8:15) Noong bandang huli na lamang naimbento ang mga baryang ginto. Dahil sa kulay at kinang ng ginto at sa tibay nito laban sa oksidasyon, o pagkupas, partikular itong naging mahalaga sa paggawa ng mga alahas at ng lahat ng uri ng palamuti.—Gen 24:22; 41:42; Huk 8:24-26; Aw 45:9, 13.
Kapag ang ginto ay natagpuan sa purong anyo nito sa mga deposito ng graba at mga sahig ng ilog, madali itong ihiwalay at kunin dahil napakabigat nito. Binabanggit ng aklat ng Job ang pagmimina at pagdadalisay ng ginto.—Job 28:1, 2, 6.
Ginamit sa Tabernakulo at sa Templo. Dahil madaling hubugin ang ginto, napupukpok ito upang makagawa ng iba’t ibang hugis. Noong itinatayo ang tabernakulo, ang ginto ay pinitpit hanggang maging mga laminang pangkalupkop at maninipis na pirasong pinutol upang maging mga hibla na inihabi naman sa ilang kasuutan ng mataas na saserdote. (Exo 25:31; 30:1-3; 37:1, 2; 39:2, 3) Ginamit din ito sa katulad na paraan sa templong itinayo ni Solomon. (1Ha 6:21-35; 10:18; 2Cr 3:5-9) Kapag ang ginto ay hinaluan ng ibang metal upang mas tumigas ito, mas marami itong mapaggamitan. Ginagawa rin sa sinaunang Israel ang prosesong ito.—1Ha 10:16; tingnan ang ELEKTRUM.
Napakaraming ginto ang ginamit sa tabernakulo, anupat ang halaga ng gintong iyon sa kasalukuyan ay tinatayang mga $11,269,000. (Exo 25:10-40; 38:24) Gayunman, kung paghahambingin ang dami ng gintong ginamit, ang tabernakulo sa ilang ay maliit na bersiyon lamang ng maluwalhating templo ni Solomon. Naghanda si David ng di-kukulangin sa 100,000 talento na ginto para sa templong iyon, na tinatayang nagkakahalaga sa ngayon ng mahigit $38,535,000,000. (1Cr 22:14) Ang mga kandelero at ang mga kagamitan sa templo—mga tinidor, mga mangkok, mga pitsel, mga hugasan, mga kopa, at iba pa—ay yari sa ginto at pilak; ang ilang kagamitan ay yari sa tanso; ang mga kerubin sa Kabanal-banalan, ang altar ng insenso, at maging ang buong loob ng bahay ay kinalupkupan ng ginto.—1Ha 6:20-22; 7:48-50; 1Cr 28:14-18; 2Cr 3:1-13.
Ang Ganansiya ni Solomon. Napakaraming ginto ang pumasok sa ingatang-yaman ni Solomon mula sa hari ng Tiro (120 talento) at sa reyna ng Sheba (120 talento), mula sa taunang mga tributo at mga buwis, at sa pamamagitan ng kaniyang pangkat ng mga barkong pangkalakal. Sinasabi ng ulat: “Ang timbang ng ginto na dumarating kay Solomon sa isang taon ay nagkakahalaga ng anim na raan at animnapu’t anim na talento na ginto 1Ha 9:14, 27, 28; 10:10, 14, 15.
[mga $256,643,000].” Bukod pa iyan sa ganansiya niya mula sa mga negosyante, mga gobernador, at iba pa.—Ang Opir ang isa sa mga lugar na pinagkunan ni Solomon ng mainam na ginto. Isang bibinga ng kagamitang luwad na sinasabing mula pa noong ikawalong siglo B.C.E. ang natuklasan at doon ay nakasulat: “gintong Opir patungo sa bet horon, tatlumpung siklo.”—1Ha 9:28; 10:11; Job 28:16; tingnan ang OPIR.
Ang Ginto Mula sa Nabihag na mga Lunsod. Iniutos ng Diyos sa Israel na ang nililok na imahen ng mga idolong diyos ng mga bansa ay dapat sunugin sa apoy: “Huwag mong nanasain ang pilak at ang ginto na nasa mga iyon, ni kukunin mo man iyon para sa iyong sarili, dahil baka masilo ka niyaon; sapagkat iyon ay isang bagay na karima-rimarim kay Jehova na iyong Diyos. At huwag kang magpapasok ng karima-rimarim na bagay sa iyong bahay at ikaw ay maging isang bagay na nakatalaga sa pagkapuksa na tulad niyaon. Dapat kang lubos na marimarim doon at talagang kasuklaman mo iyon, sapagkat iyon ay isang bagay na nakatalaga sa pagkapuksa.” (Deu 7:25, 26) Dahil dito, ang mga idolo at ang mga kagamitan ng mga ito ay sinunog, at kung minsan, ang ginto at pilak na nasa mga iyon ay dinudurog hanggang sa mapulbos.—Exo 32:20; 2Ha 23:4.
Ang ibang mga bagay na ginto at pilak mula sa nabihag na mga lunsod ay maaaring kunin matapos linisin sa apoy ang mga ito. (Bil 31:22, 23) Isang eksepsiyon dito ang Jerico, sapagkat iyon ang unang bunga ng pananakop sa Canaan. Ang ginto at ang pilak nito (maliban yaong nasa mga idolo) ay dapat ibigay sa mga saserdote upang italaga para sa santuwaryo.—Jos 6:17-19, 24.
Karunungan at Pananampalataya, Mas Mabuti Kaysa sa Ginto. Bagaman mataas ang halaga ng ginto, ito, gaya ng iba pang materyal na kayamanan, ay hindi makapagbibigay ng buhay sa may-ari nito (Aw 49:6-8; Mat 16:26), at hindi mabibili ng gaanuman karaming ginto ang tunay na karunungan na nagmumula kay Jehova. (Job 28:12, 15-17, 28) Ang kaniyang mga kautusan, mga utos, at disiplina ay lalong higit na kanais-nais kaysa sa maraming dalisay na ginto. (Aw 19:7-10; 119:72, 127; Kaw 8:10) Ang ginto ay hindi makapagliligtas sa araw ng galit ni Jehova.—Zef 1:18.
Tinutuya ng materyalistikong mga tao ang pananampalataya sa Diyos at sinasabi nilang hindi ito praktikal. Magkagayunman, ipinakita ng apostol na si Pedro na ang pananampalataya ay napakatibay at may di-kumukupas na halaga. Sinabi niya na ang subok na katangian ng pananampalataya ng isa ay mas malaki ang halaga kaysa sa ginto, na bagaman nakatatagal sa apoy ay maaaring kumupas at masira sa ibang paraan. Kailangang batahin ng mga Kristiyano ang iba’t ibang pagsubok na kung minsan ay nakapipighati, ngunit nakatutulong ito upang mahayag ang katangian ng kanilang pananampalataya. (1Pe 1:6, 7) Kung tunay na pananampalataya ng isa, mapagtatagumpayan niya ang anumang pagsubok.
Makasagisag na Paggamit. Tinukoy ni Job ang ginto bilang isang sagisag ng materyalismo, isa sa mga bagay na alam niyang dapat niyang iwasan upang mapaluguran si Jehova. (Job 31:24, 25) Sa kabilang dako naman, dahil sa kagandahan, kahalagahan, at kadalisayan ng mainam na ginto, isa itong angkop na sagisag sa paglalarawan sa banal na lunsod, ang Bagong Jerusalem, at sa malapad na daan nito.—Apo 21:18, 21.
Ang imaheng napanaginipan ni Nabucodonosor ay may ulong ginto, samantalang ang ibang bahagi ng imahen ay gawa sa mas mabababang uri ng materyales. Binigyang-kahulugan ni Daniel ang mga bahagi ng imahen bilang kumakatawan sa mga kapangyarihang pandaigdig, anupat ang ulong ginto ay si Nabucodonosor, samakatuwid nga, ang dinastiya ng mga hari ng Babilonya na pinangungunahan ni Nabucodonosor. (Dan 2:31-33, 37-40) Ang Babilonya ay isinagisag din ng ‘isang ginintuang kopa sa kamay ni Jehova,’ yamang ginamit niya ito bilang tagapaglapat ng kaniyang mga kahatulan sa mga bansa.—Jer 51:7.
Ang mga silid ng tabernakulong itinayo ni Moises ay ginamitan ng ginto—ang Dakong Banal, kung saan pumapasok ang mga saserdote at nagsasagawa ng kanilang mga tungkulin, at ang Kabanal-banalan, kung saan ang mataas na saserdote lamang ang nakapapasok. Yamang ang Kabanal-banalan kasama ang ginintuang kaban ng tipan ay kumakatawan sa langit, ang tahanang dako ng Diyos, at yamang mga saserdote lamang ang nakapapasok sa Dakong Banal, at hindi ang pangkaraniwang mga Israelita, makatuwirang sabihin na ang mga ito ay kumakatawan sa mga bagay na may kinalaman sa langit ng Diyos at sa kaniyang “maharlikang pagkasaserdote,” samakatuwid nga, yaong mga may makalangit na pagtawag, at sa kanilang gawain at mga tungkulin para sa Diyos. (1Pe 2:9; Heb 9:1-5, 9, 11, 12, 23-25; 3:1) Sa gayon, sa makasagisag na paraan ay ipinakikitang naiiba ang pagkasaserdoteng ito sa mga tao sa lupa na pinaglilingkuran nito.
Bilang pagpapasigla sa mga kabataan na paglingkuran ang Maylalang habang sila’y malalakas pa, sinabi ng pantas na manunulat ng Eclesiastes na dapat itong gawin bago “ang ginintuang mangkok ay madurog.” Lumilitaw na ang tinutukoy niya ay ang tulad-mangkok na bao ng ulo kasama ang utak, na Ec 12:6, 7.
ang pagkadurog nito ay mangangahulugan ng kamatayan ng isa.—