Golgota
[[Pook ng] Bungo].
Ang lugar kung saan ibinayubay si Jesu-Kristo. Ito’y nasa labas ng lunsod ng Jerusalem, ngunit malapit lamang doon. (Mat 27:33; Ju 19:17-22; Heb 13:12) Isang lansangan at isang harding libingan ang kalapit nito. (Mat 27:39; Ju 19:41) Ang “Golgota,” o “Pook ng Bungo,” ay tinatawag ding “Kalbaryo” (Luc 23:33, KJ, Dy), mula sa Latin na calvaria (bungo). Hindi sinasabi ng rekord ng Bibliya na ang Golgota ay nasa isang burol, bagaman binanggit nito na namasdan ng ilan mula sa malayo ang pagbabayubay rito.—Mar 15:40; Luc 23:49.
Ang Church of the Holy Sepulchre ay nakatayo ngayon sa kinikilalang lugar ng Golgota at libingan ni Jesus. Noong ikaapat na siglo C.E., inatasan ni Emperador Constantino si Obispo Macarius na alamin kung saan ibinayubay at inilibing si Jesus. Sinabi naman nito na ang lokasyong iyon ay ang kinatatayuan ng templo ni Hadrian para kay Aphrodite (Venus). Dahil dito’y iniutos ni Constantino na buwagin ang templong ito at magtayo roon ng isang basilika na nang maglaon ay pinalawak at binago, anupat naging ang Church of the Holy Sepulchre. Ipinakikita ng arkeolohikal na mga paghuhukay mula noong 1960 na ang lugar na ito’y ginamit bilang libingan, at ipinapalagay na totoo ito noong unang siglo C.E. Bagaman ang lugar na ito’y nasa loob ng kasalukuyang mga pader ng Jerusalem, pinaniniwalaan na nasa labas ito ng mga pader ng lunsod noong panahon ni Jesus.
Ang isa pang lokasyon na iminungkahi bilang lugar kung saan ibinayubay si Jesus ay isang lungos na 230 m (755 piye) sa HS ng Pintuang-daan ng Damasco. Ito’y kilala ngayon bilang Gordon’s Calvary. Iminungkahi ito noong 1842 bilang ang tunay na lokasyon ng Golgota at ng libingan ni Jesus. Noong 1883, ang lokasyong ito’y inindorso ni Heneral C. G. Gordon, na isang bayani ng militar ng Britanya. Ngunit ang pag-uugnay na ito’y salig lamang sa pala-palagay. Batay sa arkeolohikal na katibayan, sinasabi ni Gabriel Barkay na ang karatig na Garden Tomb na malimit ituro sa mga turista bilang ang dakong libingan ni Jesus ay unang inuka at ginamit noong ikawalo o ikapitong siglo B.C.E. Hindi iyan tutugma sa deskripsiyon sa Juan 19:41 na “isang bagong alaalang libingan, na wala pang sinuman ang nailalagay.”—Biblical Archaeology Review, Marso/Abril 1986, p. 50.
Ang pagtukoy sa Golgota ay madalas maging isang emosyonal na isyu sa relihiyon. Gayunman, walang arkeolohikal na katibayan na ang “Gordon’s Calvary” ang lugar ng Golgota. Kung tungkol naman sa lokasyong kinatatayuan ng Church of the Holy Sepulchre, bagaman isinaalang-alang sa pag-uugnay na ito ang mga tuklas sa arkeolohiya, ito’y pangunahin nang nakasalig sa tradisyon na mula pa noong ikaapat na siglo. Tungkol sa huling nabanggit na lokasyon, ganito ang sabi ng Biblical Archaeology Review (Mayo/Hunyo 1986, p. 38): “Maaaring hindi tayo lubos na nakatitiyak na ang lugar ng Holy Sepulchre Church ang lugar na pinaglibingan kay Jesus, pero wala na tayong iba pang lugar na makapaghaharap ng gayon kabigat na pag-aangkin.” Kaya ang lokasyon ng Golgota ay nananatiling pala-palagay lamang.