Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Golondrina

Golondrina

[sa Heb., shaʹchaph; sa Ingles, gull].

Isa sa mga ibong naninila at kumakain ng bangkay kung kaya ipinagbawal kainin ayon sa kautusan ng Diyos na ibinigay sa mga Israelita.​—Lev 11:13, 16; Deu 14:12, 15.

Bagaman isinalin ng King James Version ang pangalang Hebreo ng ibong ito bilang “cuckow” (kakok), sa pangkalahatan ay tinanggihan na ang pagkakasaling ito at mas pinapaboran ang sea gull (kung minsa’y tinatawag na sea mew). (Tingnan ang KAKOK.) Kinikilala ng ilang leksikograpo na ang shaʹchaph ay halaw sa salitang-ugat na nangangahulugang “maging payat, balingkinitan, o manipis,” na puwedeng lumarawan sa golondrina dahil ito’y balingkinitan at manipis ang katawan kung ihahambing sa mahaba at patulis na mga pakpak nito. Naniniwala ang iba na ginaya ng pangalang Hebreo na shaʹchaph ang matinis na huni ng maingay na ibong ito. Kinilala rin ng mas matatandang bersiyon (LXX, Vg) na tumutukoy ito sa golondrinang pandagat. Ang terminong Hebreo na shaʹchaph ay maaaring ituring na isang panlahatang termino para sa mga ibong-dagat na may mga paang tulad ng sa itik at kahawig ng golondrina. Kasali sa grupong ito ang tunay na mga golondrina, mga tern, mga skimmer, at mga skua.

Ang mga golondrina, na kabilang sa pamilyang Laridae, ay karaniwan nang matitibay sa paglipad, at bukod sa mahusay silang lumangoy, sila’y nagpapahinga at natutulog pa nga sa tubig. Halinhinang ipinapagaspas ng golondrina ang mga pakpak nito, pumapaimbulog, umiikot-ikot, at sumasalimbay pababa upang sunggaban ang pagkaing isda, insekto, at halos kahit anong uri ng yamutmot at basura (anupat nagsisilbing kapaki-pakinabang na basurero sa mga daungan). Tinatangay ng mga herring gull ang mga tahong o iba pang mga mulusko at pagkatapos ay ibinabagsak ang mga ito sa batuhan para mabuksan at makain nila ang mga laman. Bagaman kumakain ito ng mga bangkay, ang golondrina ay napakalinis sa mga kaugalian nito.

Ang ilang uri ng golondrina, kabilang na ang herring gull (Larus argentatus) at ang iba’t ibang uri ng black-headed gull (Larus ridibundus), ay matatagpuan sa Palestina sa kahabaan ng baybaying dagat ng Mediteraneo at sa palibot ng Dagat ng Galilea. Kalimita’y kulay puti sila, bagaman ang likod at ang ibabaw ng mga pakpak ay maaaring kulay abuhing perlas. Ang tuka nila ay matibay at bahagyang nakakurba. Kadalasa’y namumuhay sila nang sama-sama at nagpupugad sa dalisdis ng mga bangin o sa kahabaan ng mga baybayin. Yamang ang katawan ng golondrina ay sinlaki ng katawan ng kalapati at kung minsa’y umaabot sa haba na mga 76 na sentimetro (30 pulgada), maaaring umabot nang hanggang 1.5 m (5 piye) ang sukat ng nakabukang mga pakpak nito mula sa dulo’t dulo. Palibhasa’y di-mapakali at walang kapaguran, kayang lumipad ng golondrina kahit sa mabagyong hangin. Dahil sa napakarami at patung-patong na mga balahibo nito, anupat mga 6,544 ang nabilang sa isang malaking golondrina, napananatiling mainit at tuyo ang katawan nito kahit matagal itong nagpapahinga sa tubig.

Naglipana rin sa mga baybayin ng Palestina ang tern, na kabilang sa pamilyang Sternidae. Mas manipis ang katawan nito kaysa sa golondrina at hindi ito kumakain ng bangkay. Magkasanga ang buntot nito at ang mahahabang papakipot na pakpak nito ay mas makitid kaysa sa mga pakpak ng mga golondrina. Karamihan sa mga tern ay puti, bagaman karaniwa’y may itim o abuhing tuktok. Palibhasa’y maliliit na isda ang pangunahing kinakain nito, ang tern ay umaali-aligid sa ere at pagkatapos ay biglang humahagibis sa tubig habang ang mahaba, tuwid at payat na tuka nito ay nakaumang para hulihin ang bibiktimahin nito. Sa lahat ng mga ibong nandarayuhan, pinakamalayo ang nararating ng tern, anupat ang arctic tern (Sterna paradisaea) ay naglalakbay nang hanggang 35,400 km (22,000 mi) taun-taon. Gayunman, mas gustong mamalagi ng ilang tern sa mga baybayin ng mas maiinit na lugar. Dahil sa kanilang mabilis at napakagandang paglipad, tinagurian silang mga langay-langayan ng dagat.

Tulad ng halkon at ng ibis, ang golondrina ay itinuring na sagradong ibon sa sinaunang Ehipto.