Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Gomorra

Gomorra

Isa sa “mga lunsod ng Distrito,” na malamang ay malapit sa timugang dulo ng Dagat na Patay. (Gen 13:12) Lumilitaw na ang Sodoma at Gomorra ang pangunahin sa mga lunsod na ito. Sa ngayon, naniniwala ang maraming iskolar na ang mga guho ng mga ito ay nasa ilalim ng Dagat na Patay, bagaman sinasabi naman ng iba na ang mga guho ng mga lunsod ay maaaring yaong mga lugar sa kahabaan ng mga wadi sa dakong S at TS ng Dagat na Patay. Noong panahon ni Abraham, inilarawan ang pook na ito bilang “natutubigang mainam . . . tulad ng hardin ni Jehova.” (Gen 13:10; tingnan ang DISTRITO NG JORDAN.) Nang manirahan ang pamangkin ni Abraham na si Lot sa mabungang Distritong ito, si Haring Birsa ng Gomorra kasama ang mga hari ng apat pang lunsod ng Distrito ay naghimagsik laban sa pamumuno ni Kedorlaomer ng Elam at ng tatlo pang hari na kaalyado nito. Sinalakay sila ng mga haring ito at noong tumatakas sila, nahulog ang ilan sa kanilang mga kawal sa mga hukay ng bitumen sa lugar na iyon. Sinamsaman ng mga haring taga-Silangan ang Sodoma at Gomorra, at binihag nila si Lot.​—Gen 14:1-12.

Pagkaraan ng mahigit na 14 na taon, ang hiyaw ng pagdaing tungkol sa kabalakyutan ng Sodoma at Gomorra ay lubhang lumakas anupat nagsugo si Jehova ng mga anghel upang siyasatin ang situwasyon at pagkatapos ay puksain ang mga lunsod sa pamamagitan ng ulan ng apoy at asupre.​—Gen 18:20, 21; 19:24, 28.

Nang maglaon, ang lubusang pagkapuksa ng mga lunsod na ito ay ginamit bilang sagisag ng ganap na pagkalipol. (Deu 29:22, 23; Isa 1:9; 13:19; Jer 49:18) Sa makalarawang paraan, isiniwalat ni Jehova kung gaano kalubha ang kabalakyutang kinasadlakan ng mga tagapamahala at taong-bayan ng Juda at Jerusalem. Sinabi niya sa kanila sa pamamagitan ng propetang si Isaias: “Dinggin ninyo ang salita ni Jehova, ninyong mga diktador ng Sodoma. Pakinggan ninyo ang kautusan ng ating Diyos, ninyong bayan ng Gomorra.”​—Isa 1:1, 10; Jer 23:14.

Nang sawayin ni Jesus ang ilang unang-siglong Judiong lunsod, tinukoy niya ang napakasamang Sodoma at Gomorra. Sinaway niya ang di-nagsisising Capernaum, kung saan personal niyang isinagawa ang marami sa kaniyang makapangyarihang mga gawa. At tungkol sa lunsod na magtatakwil sa kaniyang mga alagad, anupat hindi mananampalataya sa kabila ng makapangyarihang mga gawa na kanilang isinagawa bilang katibayan na sila’y sinasang-ayunan ng Diyos, sinabi ni Jesus: “Higit na mababata ng lupain ng Sodoma at Gomorra ang Araw ng Paghuhukom kaysa ng lunsod na iyon.” (Mat 10:5-15; 11:23, 24) Yamang ang Sodoma at Gomorra at ang mga lunsod sa palibot nila ay pinarusahan ng “walang-hanggang apoy,” na kumakatawan sa walang-hanggang pagkalipol, maliwanag na si Jesus ay gumamit ng hyperbole upang idiin na malayong mangyari na magbago ang walang-pananampalatayang mga Judiong iyon kahit naroroon pa sila sa Araw ng Paghuhukom.​—Jud 7.