Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Gosen

Gosen

1. Isang pook sa Ehipto kung saan nanirahan ang mga Israelita sa loob ng 215 taon (1728-1513 B.C.E.). (Gen 45:10; 47:27) Bagaman hindi tiyak kung saan ang eksaktong lokasyon ng Gosen, lumilitaw na ito’y nasa silanganing bahagi ng Delta ng Nilo, ang pasukan patungo sa mismong Ehipto. Ipinakikita ito ng bagay na pagkagaling ni Jose sa kaniyang tirahan sa Ehipto, sinalubong niya sa Gosen ang kaniyang ama (na naglalakbay mula sa Canaan). (Gen 46:28, 29) Ipinakikita ng mga salin ng Griegong Septuagint na ang Gosen ay nasa kapaligiran ng Wadi Tumilat.

Si Paraon ay nag-alaga ng mga baka sa Gosen, at ang mga Hebreo ay doon din nagpastol ng kanilang mga kawan at mga bakahan. (Gen 47:1, 4-6; 50:8) Ang paglalarawan sa pook bilang ang ‘pinakamainam ng lupain ng Ehipto’ ay lumilitaw na isang relatibong termino na nangangahulugang ang pinakamatabang lupaing pastulan, na angkop na angkop sa partikular na mga pangangailangan ng pamilya ni Jacob. Maaaring ang Gosen din ang “lupain ng Rameses.” (Gen 47:6, 11) Pasimula sa ikaapat na dagok sa Ehipto, espesipikong pinili ni Jehova ang “Gosen” upang huwag itong mapinsala.​—Exo 8:22; 9:26.

2. Isang lunsod sa bulubunduking pook ng Juda. (Jos 15:20, 48, 51) Walang-katiyakang iniuugnay ito ng ilang iskolar sa Edh Dhahiriya, mga 18 km (11 mi) sa TK ng Hebron. Lumilitaw na ang “lupain ng Gosen” na tinutukoy sa Josue 10:41 at 11:16 ay isang distrito sa kapaligiran nito. Saklaw ng distritong ito ang bulubunduking pook sa pagitan ng Hebron at ng Negeb.