Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Granada

Granada

[sa Heb., rim·mohnʹ; sa Ingles, pomegranate].

Isang prutas na kulay maroon kapag nahinog, hugis-mansanas, at may maliit na korona na nakausli sa ilalim. Sa loob ng matigas na balat nito ay maraming maliliit at makatas na kapsula, bawat isa ay may maliit na buto na kulay-rosas o pula.

Ang puno ng granada (Punica granatum), tinutukoy rin ng salitang Hebreo na rim·mohnʹ, ay tumutubo sa buong Gitnang Silangan. Bihira itong lumampas sa taas na 4.5 m (15 piye). Marami itong pakalát na mga sanga na may mga dahong matingkad na luntian, kahugis ng ulo ng sibat at nagsisibol ng mga bulaklak na matingkad na kulay-rosas hanggang iskarlata.​—LARAWAN, Tomo 1, p. 742.

Ang katas ng granada ay isang nakarerepreskong inumin (Sol 8:2), isang sirup naman na tinatawag na grenadine ang nakukuha sa mga buto nito, at ang mga bulaklak nito ay ginagamit sa pagtitimpla ng isang gamot na astringent na ipinanlulunas sa disintirya. Ang natatalukbungang mga pilipisan ng dalagang Shulamita ay inihambing sa “isang putol ng granada” at ang kaniyang balat naman sa “isang paraiso ng mga granada.”​—Sol 4:3, 13; 6:7.

Sa pamamagitan ni Moises, ipinangako ni Jehova sa bansang Israel na dadalhin Niya sila sa isang lupain ng trigo, sebada, mga punong ubas, mga igos, mga granada, mga olibo, at pulot-pukyutan. (Deu 8:7-9) Bago nito, ang mga tiktik na pumasok sa lupain ay bumalik na may dalang mga ubas, mga igos, at mga granada. (Bil 13:2, 23) Sa Ehipto pa lamang ay kilala na ng mga Israelita ang granada, gaya ng ipinakikita ng kanilang reklamo sa Bilang 20:5.

Ang laylayan ng damit na walang manggas sa kasuutan ng mataas na saserdoteng si Aaron ay may isang hanay ng granada na yari sa sinulid na asul, lanang mamula-mulang purpura, at sinulid na iskarlata na pinagpili-pilipit at kasalitan ng mga ito ang ginintuang mga kampanilya. (Exo 28:33, 34; 39:24-26) Noong maglaon, nang itayo ang templo, ang mga kapital ng dalawang tansong haligi sa harap ng beranda ng bahay ay pinalamutian ng mga tanikala na may mga larawan ng granada.​—1Ha 7:18, 20, 42; 2Ha 25:17; 2Cr 3:16; 4:13; Jer 52:22, 23.

Ang granada ay malawakang itinatanim noong panahon ng Bibliya, at walang alinlangan na ang mga pangalan ng mga lugar ng Rimon, En-rimon, at Gat-rimon ay hinalaw sa dami ng mga punungkahoy na ito sa mga dakong iyon. (Jos 15:32; 19:45; Ne 11:29) Lubhang pinahalagahan ang puno ng granada kung kaya madalas itong iugnay sa iba pang mahahalagang pananim na namumunga gaya ng punong ubas at puno ng igos.​—Sol 7:12, 13; Joe 1:12; Hag 2:19.