Graniso
Isang anyo ng presipitasyon na binubuo ng bilug-bilog na mga butil ng yelo, o nagyelong ulan. Ang mga pagtukoy ng Bibliya sa pagiging mapaminsala ng graniso ay pinatototohanan ng nangyari sa iba’t ibang bahagi ng daigdig nitong nakaraang mga taon. Noong 1985, isang bagyo ng graniso sa Brazil ang pumatay ng mahigit sa 20 katao at nakasugat ng 300 pa. Ang napakalakas at makulog na mga bagyo ay maaaring lumikha ng graniso na kasinlalaki ng itlog o ng suha pa nga. Isang pagkalaki-laking batong graniso na napulot pagkatapos ng isang bagyo sa Kansas (E.U.A.) noong Setyembre 3, 1970, ang may diyametro na mga 15 sentimetro (6 na pulgada). Ang
malalaking batong ito ay bumabagsak sa bilis na mga 160 km/oras (100 mi/oras). Ang graniso ay partikular na nakapipinsala sa mga pananim, anupat kung minsan, maaaring milyun-milyong dolyar ang malugi dahil lamang sa isang bagyo ng graniso.Ginamit ni Jehova. Graniso ang isa sa mga puwersa na kung minsan ay ginagamit ni Jehova upang ganapin ang kaniyang salita at itanghal ang kaniyang dakilang kapangyarihan. (Aw 148:1, 8; Isa 30:30) Ang unang nakaulat na halimbawa nito ay ang ikapitong salot sa sinaunang Ehipto, isang mapaminsalang bagyo ng graniso na sumalanta sa pananim, sumira sa mga punungkahoy, at pumatay kapuwa ng mga tao at mga hayop na nasa parang ngunit hindi nakaapekto sa mga Israelita sa Gosen. (Exo 9:18-26; Aw 78:47, 48; 105:32, 33) Nang maglaon, sa Lupang Pangako, nang saklolohan ng mga Israelita, sa ilalim ni Josue, ang mga Gibeonita, na pinagbabantaan ng alyansa ng limang hari ng mga Amorita, malalaking batong graniso ang ginamit ni Jehova laban sa sumasalakay na mga Amorita. Sa pagkakataong ito, mas marami ang namatay sa mga batong graniso kaysa sa pakikipagbaka sa Israel.—Jos 10:3-7, 11.
Makasagisag. Gayunman, hindi pinaligtas ni Jehova sa mapangwasak na graniso ang di-tapat na Israel. (Hag 2:17) Karagdagan pa, sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Isaias, inihula niya ang pagbagsak ng sampung-tribong kaharian sa pamamagitan ng mga Asiryano, anupat inihambing ang nananakop na mga hukbong Asiryano sa isang “makulog na bagyo ng graniso.” (Isa 28:1, 2) Sa katulad na paraan, papalisin ng mga Babilonyo, tulad ng graniso, ang “kanlungang kasinungalingan” ng Juda, samakatuwid nga, ang pakikipag-alyansa ng Juda sa Ehipto para sa tulong na pangmilitar.—Isa 28:14, 17; 31:1-3.
Sa aklat ng Apocalipsis, binabanggit ang graniso kaugnay ng paghihip sa trumpeta ng una sa pitong anghel na may mga trumpeta, at may kaugnayan sa pagbubukas ng makalangit na santuwaryo ng templo ng Diyos. (Apo 8:2, 7; 11:19) Pagkatapos, nang ibuhos ang ikapitong mangkok ng galit ng Diyos, ang makasagisag na mga batong graniso na tumitimbang nang mga isang talento (20.4 kg; 45 lb) ay lumagpak sa mga taong balakyot.—Apo 16:1, 17, 21.
‘Para sa araw ng digmaan.’ Nang magsalita si Jehova kay Job mula sa buhawi, sinabi niya na naglaan siya ng mga imbakan ng graniso para sa “araw ng labanan at digmaan.” (Job 38:1, 22, 23) Angkop nga, kung gayon, na binabanggit ang graniso kasama ng mga elementong gagamitin laban sa sumasalakay na mga puwersa ni “Gog.”—Eze 38:18, 22.