Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Guya

Guya

[sa Heb., ʽeʹghel].

Isang batang toro. Ang mga guya ay inihahandog bilang hain (Lev 9:2, 3), at sa pantanging mga okasyon o pantanging mga kalagayan, isang pinatabang guya ang pinapatay at inihahanda sa mesa.​—Gen 18:7, 8; 1Sa 28:24; Luc 15:23.

Ang ‘paghiwa ng guya sa dalawa at pagdaan sa pagitan ng mga bahagi nito’ ay tumutukoy sa isang sinaunang paraan ng pagpasok sa isang kapita-pitagang obligasyon o tipan. (Ihambing ang Gen 15:9-21.) Walang alinlangang ginamit ni Jeremias ang pananalitang ito upang idiin ang pagiging sagrado ng tipang pinasukan ng mga Judio sa harap ng Diyos, at ayon sa mga kundisyon nito ay obligado silang palayain ang kanilang mga kapuwa Israelita na inalipin nila.​—Jer 34:17-19.

Makatalinghagang Paggamit. Ang di-tapat na Israel ay itinuwid tulad ng isang walang-karanasang ‘guya na hindi pa nasanay’ sa pamatok. (Jer 31:18) Ang mga mersenaryong kawal ng Ehipto naman ay itinulad sa mga guyang pinataba na hindi makalalaban sa mga Babilonyo at magsisitakas. (Jer 46:21, 26) Kapag ang mga balakyot at pangahas ay nauwi sa alabok, ang mga natatakot sa pangalan ng Diyos ay sinasabing lalabas at dadamba sa lupa na parang mga pinatabang guya na pinakawalan sa kuwadra.​—Mal 4:1, 2.

Pagsamba sa Guya. Sa Bibliya, ang pagsamba sa guya ang unang anyo ng idolatriyang kinasangkutan ng mga Israelita pagkatapos ng kanilang Pag-alis mula sa Ehipto. Habang si Moises ay nasa bundok at tinatanggap ang kautusan ng Diyos, ang bayan ay nainip at lumapit kay Aaron at humiling na igawa sila ng isang diyos. Mula sa mga hikaw na ginto na iniabuloy ng mga Israelita, inanyuan ni Aaron ang binubong estatuwa ng isang guya, walang alinlangang isang batang toro. (Aw 106:19, 20) Itinuring itong kumakatawan kay Jehova, at ang kapistahang idinaos nang sumunod na araw ay itinalaga bilang “isang kapistahan para kay Jehova.” Naghain ang mga Israelita sa ginintuang guya, yumukod sa harap nito, kumain, uminom, at nagpakasaya na may awitan at sayawan.​—Exo 32:1-8, 18, 19; Ne 9:18.

Maaaring hindi naman purong ginto ang binubong guya. Nang tukuyin ni Isaias ang paggawa ng isang binubong imahen, binanggit niya na kinakalupkupan iyon ng ginto ng platero. (Isa 40:19) Kaya marahil, ang ginintuang guya ay inanyuan mula sa kahoy at pagkatapos ay kinalupkupan ng ginto. Sa gayon, nang sunugin ni Moises ang imahen, ang kahoy na pinakaloob nito ay naging uling at ang patong na ginto ay lubusan o bahagyang natunaw. Anumang natira ay dinurog at giniling hanggang sa maging pinong gaya ng alabok, at ang alabok na ito ng uling at ginto ay isinaboy ni Moises sa ibabaw ng tubig.​—Exo 32:20; Deu 9:21.

Sa Ehipto, ang mga diyos ay iniuugnay sa mga baka, mga toro, at iba pang mga hayop. Malamang na lubhang nakaimpluwensiya sa mga Israelita ang idolatrosong pagsambang ito kung kaya kaagad silang nagsagawa ng pagsamba sa guya pagkatapos nilang mapalaya mula sa Ehipto. Pinatototohanan ito ng mga salita ni Esteban: “Sa kanilang mga puso ay nagbalik sila sa Ehipto, na sinasabi kay Aaron, ‘Igawa mo kami ng mga diyos upang manguna sa amin. . . . ’ Kaya gumawa sila ng isang guya nang mga araw na iyon at nagdala ng hain sa idolo at nagsimulang magpakasaya sa mga gawa ng kanilang mga kamay.”​—Gaw 7:39-41.

Sa pangamba na baka maghimagsik ang kaniyang mga sakop at bumalik sila sa sambahayan ni David kung patuloy silang aahon sa Jerusalem upang sumamba, ang unang hari ng sampung-tribong kaharian, si Jeroboam, ay gumawa ng dalawang ginintuang guya. (1Ha 12:26-28) Hindi isinisiwalat ng Bibliya kung alin ang higit na nakaimpluwensiya sa pagpili ni Jeroboam ng isang guya upang kumatawan kay Jehova, kung yaong naunang pagsamba ng Israel sa guya, yaong naobserbahan niya noong siya’y nasa Ehipto (1Ha 12:2), o ang relihiyon ng mga Canaanita at ng iba pa, na ang mga diyos ay kadalasang ipinakikitang nakatayo sa isang hayop, gaya ng toro.

Ang isa sa mga ginintuang guya ay inilagay ni Jeroboam sa malayong hilagaang lunsod ng Dan, ang isa naman ay sa Bethel na mga 17 km (11 mi) sa H ng Jerusalem. Sinabi niya sa kaniyang mga sakop na napakahirap para sa kanila na umahon patungong Jerusalem upang sumamba at na ang guyang iyon ay kumakatawan sa Diyos na nag-ahon sa kanila mula sa lupain ng Ehipto. (Ihambing ang Exo 32:8.) Yamang ang mga saserdote ng tribo ni Levi ay nanatiling matapat sa pagsamba kay Jehova sa Jerusalem, nag-atas si Jeroboam ng sarili niyang mga saserdote upang manguna sa huwad na pagsamba sa mga idolong guya sa Dan at sa Bethel. (2Cr 11:13-15) Nagsaayos din siya ng isang kapistahan na katulad ng Kapistahan ng mga Kubol, ngunit ipinagdiriwang ito isang buwan pagkaraan ng kapistahan sa Jerusalem.​—1Ha 12:28-33; 2Cr 13:8, 9; Lev 23:39.

Hinatulan ni Jehova ang pagsambang ito sa guya at, sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Ahias, humula siya ng kapahamakan para sa sambahayan ni Jeroboam. (1Ha 14:7-12) Gayunpaman, ang pagsamba sa guya ay nanatiling matatag sa sampung-tribong kaharian. Hinayaan kahit ni Haring Jehu, na pumawi sa pagsamba kay Baal sa Israel, na magpatuloy ang pagsamba sa guya, malamang ay upang panatilihing magkahiwalay ang sampung-tribong kaharian at ang kaharian ng Juda. (2Ha 10:29-31) Noong ikasiyam na siglo B.C.E., ibinangon ni Jehova ang kaniyang mga propetang sina Amos at Oseas upang maghayag ng paghatol Niya sa pagsamba sa guya, na kinabibilangan ng paghalik sa mga idolong guya, at upang humula rin ng kapahamakan para sa sampung-tribong kaharian. Ang ginintuang guya ng Bethel ay dadalhin sa hari ng Asirya, anupat magiging sanhi ng pagdadalamhati ng bayan at pati ng mga saserdote ng mga banyagang diyos. Ang matataas na dako ay wawasakin, at tutubuan ng mga tinik at mga dawag ang ibabaw ng mga altar na ginamit sa huwad na pagsamba. (Os 10:5-8; 13:2; Am 3:14; 4:4; 5:5, 6) Dumating nga ang kapahamakan nang bumagsak sa Asirya ang sampung-tribong kaharian noong 740 B.C.E. Pagkaraan ng mga isang siglo, inihula ni Jeremias na ikahihiya ng mga Moabita ang kanilang diyos na si Kemos kung paanong ikinahiya ng mga Israelita ang kanilang sentro ng idolatrosong pagsamba sa guya, ang Bethel.​—Jer 48:13; tingnan ang BAKA; BETHEL Blg. 1; IDOLO, IDOLATRIYA (Sa ilalim ng pamamahala ng mga hari); TORO.