Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Haba ng Buhay

Haba ng Buhay

Ang orihinal na layunin ng Diyos ay mabuhay ang tao magpakailanman. Palibhasa’y sakdal, ang unang taong si Adan ay nagkaroon ng pagkakataong magtamasa ng haba ng buhay na hindi magwawakas, ngunit depende ito sa pagsunod niya sa Diyos. (Gen 2:15-17) Gayunman, dahil sa pagsuway, naiwala ni Adan ang pagkakataong iyon, at mula sa kaniya ay nagmana ng kasalanan at kamatayan ang buong lahi ng tao.​—Ro 5:12.

Noong Panahon ng mga Patriyarka. Noong panahon bago ang Baha, ang haba ng buhay ng tao ay halos isang libong taon. (Gen 5:5-29) Ang mga tao na mas malapit sa orihinal na kasakdalan ay nagkaroon ng mas mahabang buhay kaysa roon sa mga mas malayo na rito. Ang taong may pinakamahabang buhay ay si Matusalem, na nabuhay nang 969 na taon. Pagkatapos ng Baha, biglang umikli ang buhay ng tao.

Ayon sa teoriya ng ilan, ang tinutukoy na taon noong mga panahon bago ang Baha ay isang buwan lamang ang haba. Gayunman, walang saligan sa Kasulatan ang pangmalas na ito. Kung ang haba ng taon noon ay isang buwan na may 30 araw lamang, mangangahulugan ito na si Enos ay nagkaanak na bago pa siya magwalong taóng gulang, at ang iba naman, gaya nina Kenan, Mahalalel, at Enoc, ay nagkaroon na ng mga anak bago pa sila mag-anim na taóng gulang. (Gen 5:9, 12, 15, 21) Ipinakikita ng paghahambing sa Genesis 7:11 at Genesis 8:3, 4 na ang 150 araw ay katumbas ng limang buwan. Yamang binabanggit din ng Bibliya na lumipas sa loob ng taóng ito ang ika-10 buwan at, kasunod nito, ang isang yugto na may 40 araw at humigit-kumulang dalawang yugto ng panahon na tig-7 araw ang haba, ipinahihiwatig nito na ang taóng iyon ay may haba na 12 buwan.​—Gen 8:5, 6, 10, 12-14.

Mula Noong Panahon ni Moises. Mga 3,500 taon na ang nakararaan, sumulat si Moises may kinalaman sa haba ng buhay ng tao: “Sa ganang sarili ang mga araw ng aming mga taon ay pitumpung taon; at kung dahil sa natatanging kalakasan ay walumpung taon, ngunit ang pinagpupunyagian nila ay ang kabagabagan at nakasasakit na mga bagay.” (Aw 90:10) Ang kalagayang ito ay walang gaanong ipinagbago sa ngayon.

Sa paglipas ng maraming siglo, nabigo ang mga pagsisikap ng tao na pahabain ang kaniyang buhay. Gayunman, sa maraming lupain, ang inaasahang haba ng buhay (life expectancy) ay nadagdagan. Kaya naman sinabi nina James Fries at Lawrence Crapo: “Ang katamtamang haba ng buhay sa Estados Unidos ay humaba nang mahigit na 25 taon, mula sa tinatayang 47 taon sa pasimula ng siglo tungo sa mahigit na 73 taon sa ngayon. . . . Gayunman, ipinakikita ng masusing pagsusuri sa datos na ito na ang inaasahang haba ng buhay ay nadagdagan dahil naalis ang mga sanhi ng maagang kamatayan at hindi dahil lumawig ang likas na haba ng buhay ng tao.”​—Vitality and Aging, 1981, p. 74, 75.

Halos 2,000 taon na ang nakararaan, binanggit ni Jesu-Kristo na walang sinuman ang “makapagdaragdag ng isang siko sa haba ng kaniyang buhay.” (Luc 12:25) Gayunman, sinabi rin ni Jesus: “Ang mga bagay na imposible sa mga tao ay posible sa Diyos.” (Luc 18:27) Sa pamamagitan ng propetang si Isaias, inihula ng Diyos: “Magiging gaya ng mga araw ng punungkahoy ang mga araw ng aking bayan.” (Isa 65:22) At sa Isaias 25:8, inihula na “lalamunin [ng Diyos] ang kamatayan magpakailanman, at tiyak na papahirin ng Soberanong Panginoong Jehova ang mga luha mula sa lahat ng mukha.” Ang pangakong ito ay inulit sa huling aklat ng Bibliya: “At papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.”​—Apo 21:4.

[Tsart sa pahina 869]

HABA NG BUHAY NG MGA PATRIYARKA

Pangalan Genesis Haba ng Buhay

Adan 5:5 930

Set 5:8 912

Enos 5:11 905

Kenan 5:14 910

Mahalalel 5:17 895

Jared 5:20 962

Enoc 5:23 365

Matusalem 5:27 969

Lamec 5:31 777

Noe 9:29 950

Sem 11:10, 11 600

Arpacsad 11:12, 13 438

Shela 11:14, 15 433

Eber 11:16, 17 464

Peleg 11:18, 19 239

Reu 11:20, 21 239

Serug 11:22, 23 230

Nahor 11:24, 25 148

Tera 11:32 205

Abraham 25:7 175

Isaac 35:28 180

Jacob 47:28 147