Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Habag

Habag

Magiliw na damdamin sa mga taong naghihirap o nagdarahop, o sa anumang bagay na pinakikitunguhan nang may kalupitan; gayundin, ang damdamin ng pakikiramay sa pagdurusa o kapighatian ng iba lakip ang pagnanais na maibsan iyon. Sa Hebreo, ang pangmaramihang pangngalan na ra·chamimʹ ay tumutukoy sa “habag,” “kaawaan,” o “mga panloob na damdamin.” (Gen 43:14, 30; 1Cr 21:13; Aw 40:11; tingnan ang AWA, KAAWAAN.) Ang isa pang salitang Hebreo na nagtatawid ng diwa ng habag ay ang pandiwang cha·malʹ, na nangangahulugang “mahabag.” (Exo 2:6; 2Sa 21:7; Mal 3:17) Sa Griego, ang pandiwang oi·kteiʹro ay nangangahulugang “mahabag,” samantalang inilalarawan naman ng pangngalang oi·ktir·mosʹ ang pagkadama ng habag, o magiliw na kaawaan. (Ro 9:15; 12:1; 2Co 1:3; Fil 2:1; Col 3:12; Heb 10:28) Ang isa pang pandiwang Griego, splag·khniʹzo·mai, ay nangangahulugang “mahabag.” Ang terminong ito ay hinalaw sa pangngalang splagʹkhna, literal na nangangahulugang ‘mga bituka.’ (Gaw 1:18) Yamang maaaring maapektuhan ng masisidhing emosyon ang dakong tiyan ng katawan, ang pangngalang Griego na splagʹkhna ay kadalasang ginagamit upang tumukoy sa “magiliw na pagmamahal,” o “magiliw na pagkamahabagin.”​—Tingnan ang PAGMAMAHAL.

Ang pinakamahusay na halimbawa sa pagpapakita ng habag ay si Jehova mismo. Malinaw na makikita ito sa kaniyang mga pakikitungo sa mga Israelita. Hindi lamang siya lubhang nahabag sa kanila noong napipighati sila sa Ehipto kundi iniligtas niya sila mula sa kamay ng mga sumisiil sa kanila at maibigin niya silang inalagaan sa ilang. (Isa 63:7-9) Sa kabila ng paulit-ulit nilang paglihis tungo sa kawalang-katapatan noong namamayan na sila sa Lupang Pangako, paulit-ulit din niya silang iniligtas mula sa kamay ng kanilang mga kaaway, anupat tinutugon ang kanilang paghingi ng saklolo.​—Huk 2:11-19.

Gayunman, umabot ang mga Israelita sa punto na imposible na silang magsisi. Nagsagawa sila ng idolatriya nang malawakan, anupat nagpasok pa nga sila ng mga idolo sa santuwaryo ni Jehova at dinungisan nila ito. Patuloy na nilibak ng bayan ang mga propeta at hinamak ang salita ni Jehova. Hindi na sila maaaring kahabagan ng Kataas-taasan. Kaya pinabayaan niya sila sa mga kamay ni Haring Nabucodonosor, anupat tinupad ang kahatulang ipinatalastas nang patiuna sa pamamagitan ng mga propeta.​—2Cr 36:15-17; Jer 13:14; 21:7; Eze 5:11; 8:17, 18.

Kayang pakilusin ng Diyos na Jehova ang mga tao na magpakita ng habag. Dahil dito, angkop na maidadalangin ni Haring Solomon na pangyarihin nawa ni Jehova na kahabagan ang mga Israelita ng kanilang mga mambibihag sakaling maging mga bihag sila dahil sa kawalang-katapatan. (1Ha 8:50) Hinggil sa sagot sa kahilingang ito, ang kinasihang salmista ay sumulat: “Ipinagkakaloob niyang sila ay kahabagan sa harap ng lahat niyaong mga humahawak sa kanila bilang bihag.” (Aw 106:46) Kaya nang maglaon, isinauli ni Jehova ang mga nagsisising nalabi sa kanilang lupain. (Jer 33:26; Ezr 1:1-4) At kaayon ng kalooban ni Jehova, pinahintulutan ni Haring Artajerjes si Nehemias na muling itayo ang lunsod ng Jerusalem.​—Ne 1:11–2:6.

Lubusang ipinaaninag ni Jesu-Kristo ang personalidad ng kaniyang Ama sa pagpapakita ng habag. Siya ay “nahabag” sa mga pulutong, kahit nagambala ang kaniyang pag-iisa, “sapagkat sila ay nabalatan at naipagtabuyan kung saan-saan tulad ng mga tupang walang pastol.” (Mat 9:36; Mar 6:34) Naantig ang pagkahabag ni Jesus nang makakita siya ng mga taong naulila o ketongin o bulag, anupat dahil dito ay pinaginhawa niya sila sa makahimalang paraan. (Mat 14:14; 20:30-34; Mar 1:40, 41; Luc 7:12, 13) At ang pagkahabag sa mga tao na tatlong araw na niyang kasa-kasama at walang makain ang nag-udyok sa Anak ng Diyos na makahimalang maglaan ng pagkain para sa kanila.​—Mat 15:32-38; Mar 8:2-9.

Maaaring tularan ng mga alagad ni Jesu-Kristo ang halimbawa niya at ng kaniyang Ama sa pamamagitan ng kusang-loob na pagtulong sa mga napipighati at sa pagtanggap sa lahat ng taimtim na nagsisisi sa kanilang kasalanan at buong-pusong nanunumbalik kay Jehova. (Mat 18:21-35; Luc 10:30-37; 15:11-32) Sa gayon ay makatitiyak sila na patuloy silang kahahabagan ng Makapangyarihan-sa-lahat.​—Mat 5:7.

Kung Kailan Hindi Dapat Mahabag. Bilang pagtulad kay Jehova, lahat niyaong mga tunay na nakakakilala sa kaniya ay nagsisikap na maging mahabagin. (Efe 4:32–5:1) Gayunman, may mga pagkakataong hindi dapat ipakita ang habag. May kaugnayan sa mga taong namimihasa sa pagkakasala at sadyang sumasalansang sa matuwid na mga daan ni Jehova, magiging mali na kahabagan at protektahan sila upang hindi nila tanggapin ang parusang nararapat sa kanilang landasin.​—Deu 13:6-11; Heb 10:28.

Ang pagpapadala sa panggigipit na magpakita ng habag, kung salungat ito sa kalooban ng Diyos, ay maaaring magdulot ng kapaha-pahamak na mga resulta. Isinisiwalat ito ng nangyari kay Haring Saul. Dumating ang panahon upang ilapat ang hatol ng Diyos sa mga Amalekita, ang unang bayan na sumalakay sa mga Israelita pagkaalis nila mula sa Ehipto. Inutusan si Saul na huwag mahabag sa kanila. Palibhasa’y nagpadala sa panggigipit ng kaniyang mga sakop, hindi niya lubusang sinunod ang utos ni Jehova. Dahil dito, itinakwil ni Jehova si Saul mula sa pagiging hari. (1Sa 15:2-24) Kung lubos na pahahalagahan ng isang tao ang pagiging matuwid ng mga daan ni Jehova at kung magiging pangunahin sa kaniya ang pagiging matapat sa Diyos, maiiwasan niyang magkamali na gaya ni Saul at hindi niya maiwawala ang pagsang-ayon ni Jehova.