Hadad
1. Isa sa 12 anak ni Ismael na anak ni Abraham at ng babae nito na si Hagar.—Gen 25:12-15; 1Cr 1:28-30.
2. Kahalili sa pagkahari ng Edom pagkamatay ni Husam. Lumilitaw na “si Hadad na anak ni Bedad, na siyang tumalo sa mga Midianita,” ay namahala mula sa lunsod ng Avit.—Gen 36:31, 35, 36; 1Cr 1:46, 47.
3. Isa pang hari ng Edom; asawa ni Mehetabel. Hinalinhan ni Hadad si Baal-hanan sa pagkahari, at “ang pangalan ng kaniyang lunsod ay Pau.” (1Cr 1:43, 50, 51) Tinatawag siyang Hadar sa Genesis 36:39, marahil ay dahil sa isang pagkakamali ng eskriba, yamang ang mga titik Hebreo na katumbas ng “r” (ר) at “d” (ד) ay magkahawig na magkahawig.
4. Isang Edomita na mula sa maharlikang supling at isang manggugulo sa Israel noong panahon ng paghahari ni Solomon. Noong bata pa si Hadad, siya, kasama ng ilang mga lingkod ng kaniyang ama, ay lumusong sa Ehipto na nagdaraan sa Paran upang takasan ang pagpatay ni Joab sa lahat ng mga lalaki ng Edom. Sa Ehipto, si Hadad at ang mga kasama niya ay may-kabaitang tinanggap, anupat binigyan ni Paraon si Hadad ng isang bahay pati ng pagkain at lupain, at nang dakong huli, maging ang mismong hipag ni Paraon ay ibinigay sa kaniya bilang asawa. Sa babaing ito, si Hadad ay nagkaanak ng isang lalaki na pinanganlang Genubat, na nanirahan sa mismong bahay ni Paraon kasama ng mga anak ni Paraon. Nang mabalitaan ni Hadad na namatay na si Haring David at si Joab, bumalik siya sa Edom at naging isang kalaban ni Solomon.—1Ha 11:14-22, 25.
5. Si Hadad (Adad sa Akkadiano) ay itinuturing na pangunahing bathala ng sinaunang Sirya at karaniwang iniuugnay kay Rimon. Ang pangalang Hadad ay lumilitaw bilang bahagi ng mga pangalan ng ilang mga Siryanong hari, gaya ng Ben-hadad (1Ha 15:18) at Hadadezer (1Ha 11:23), at lumilitaw rin sa pangalang Hadadrimon.—Zac 12:11; tingnan ang HADADRIMON.