Hagar
Ehipsiyong alilang babae ni Sara; nang maglaon, babae o pangalawahing asawa ni Abraham at ina ni Ismael. Habang nasa Ehipto dahil sa isang taggutom sa lupain ng Canaan, si Abraham (Abram) ay nagkaroon ng mga alilang lalaki at alilang babae, at maaaring naging alila ni Sara si Hagar noong panahong iyon.—Gen 12:10, 16.
Yamang nanatiling baog si Sara (Sarai), hiniling niya kay Abraham na sipingan si Hagar, anupat ibinigay ito kay Abraham bilang kaniyang asawa. Ngunit nang magdalang-tao si Hagar, pinasimulan nitong hamakin ang kaniyang among babae anupat nagreklamo si Sara kay Abraham. “Kaya sinabi ni Abram kay Sarai: ‘Narito! Ang iyong alilang babae ay nasa iyong kapamahalaan. Gawin mo sa kaniya kung ano ang mabuti sa iyong paningin.’ Nang magkagayon ay pinasimulan itong hiyain ni Sarai kung kaya tumakas ito mula sa kaniya.” (Gen 16:1-6) Nasumpungan si Hagar ng anghel ni Jehova sa bukal na nasa daang patungo sa Sur at tinagubilinan ito na bumalik sa kaniyang among babae at magpakumbaba sa ilalim ng kamay nito. Sinabi rin sa kaniya na lubhang pararamihin ni Jehova ang kaniyang binhi at na ang anak na isisilang niya ay tatawaging Ismael. Si Abraham ay 86 na taóng gulang nang isilang si Ismael.—Gen 16:7-16.
Pagkalipas ng maraming taon, nang maghanda si Abraham ng “isang malaking piging nang araw na awatin sa suso si Isaac” sa edad na mga 5 taon, napansin ni Sara na ang anak ni Hagar na si Ismael, na mga 19 na taóng gulang na noon, ay “nanunukso.” Hindi ito inosenteng laro ng bata. Gaya ng ipinahihiwatig ng sumunod na talata sa ulat, maaaring kasangkot dito ang panunuya kay Isaac hinggil sa pagiging tagapagmana. Dito ay maagang nagpapamalas si Ismael ng ugaling palakontra na inihula ng anghel ni Jehova na ipakikita nito. (Gen 16:12) Maliwanag na nangangamba para sa kinabukasan ng kaniyang anak na si Isaac, hiniling ni Sara kay Abraham na palayasin si Hagar at ang anak nito. Minasama ito ni Abraham, ngunit sa tagubilin ni Jehova ay sinunod niya ang kahilingan ng kaniyang asawa. Maaga pa nang kinabukasan, pinaalis niya si Hagar at ang anak nito, matapos silang bigyan ng tinapay at isang pantubig na sisidlang balat.—Gen 21:8-14.
Si Hagar ay nagpagala-gala sa ilang ng Beer-sheba. “Nang dakong huli ay naubos ang tubig . . . at inihagis niya ang bata sa ilalim ng isa sa mga palumpong.” Ang pagtukoy kay Ismael bilang “bata” ay hindi isang pagkakamali sa edad, sapagkat ang salitang Hebreo na yeʹledh na isinalin dito na “bata” ay nangangahulugan din na “kabataang lalaki” gaya ng pagkakasalin sa Genesis 4:23. Tungkol sa paghahagis sa kaniya sa ilalim ng isa sa mga palumpong, bagaman inihula na siya ay magiging “isang tao na tulad ng sebra,” maaaring hindi gaanong malakas si Ismael noong tin-edyer pa siya. (Gen 16:12) Kaya maaaring siya ang unang nanlupaypay kung kaya kinailangan siyang alalayan ng kaniyang ina. Hindi ito imposibleng mangyari, sapagkat ang mga babae nang mga araw na iyon, lalo na ang mga aliping babae, ay sanay bumuhat ng mabibigat na pasan sa pang-araw-araw na buhay. Lumilitaw na nang maglaon ay nanlupaypay na rin si Hagar at napilitan na siyang bitiwan ang bata, marahil ay pabigla, sa ilalim ng pinakamalapit na palumpong na masisilungan. Si Hagar naman ay umupo “sa layong humigit-kumulang sa isang hilagpos ng pana” (isang pananalitang Hebreo na tumutukoy sa distansiya na karaniwang pinaglalagyan ng mga mamamana sa kanilang tutudlain) mula sa kaniyang anak.—Gen 21:14-16.
Pagkatapos ay tinawag ng anghel ng Diyos si Hagar at sinabi sa kaniya na huwag matakot at na si Ismael ay gagawing isang dakilang bansa. Gayundin, idinilat ng Diyos ang kaniyang mga mata kung kaya nakita niya ang isang balon ng tubig. Pinunô niya ng tubig ang sisidlang balat at pinainom ang kaniyang anak. “Ang Diyos ay patuloy na sumasabata,” at nang maglaon ito ay naging isang mamamana at “nanahanan sa ilang ng Paran.” Ikinuha siya ni Hagar ng isang asawa mula sa lupain ng Ehipto.—Gen 21:17-21.
Ayon sa apostol na si Pablo, si Hagar ay isang tauhan sa isang makasagisag na drama. Doon ay kinakatawanan niya ang bansa ng Israel sa laman, na nakabuklod kay Jehova sa pamamagitan ng tipang Kautusan na pinasinayaan sa Bundok Sinai, isang tipan na nagluluwal ng “mga anak ukol sa pagkaalipin.” Dahil sa pagiging makasalanan ng bayan, hindi natupad ng bansa ang mga kundisyon ng tipan. Sa ilalim nito, ang mga Israelita ay hindi naging isang malayang bayan kundi nahatulan bilang mga makasalanan na nararapat sa kamatayan; samakatuwid, sila ay mga alipin. (Ju 8:34; Ro 8:1-3) Ang Jerusalem noong mga araw ni Pablo ay katumbas ni Hagar, sapagkat ang kabiserang Jerusalem, na kumakatawan sa organisasyon ng likas na Israel, ay nasa pagkaalipin kasama ng kaniyang mga anak. Sa kabilang dako, ang mga Kristiyanong inianak sa espiritu ay mga anak ng “Jerusalem sa itaas,” ang makasagisag na babae ng Diyos. Ang Jerusalem na ito, tulad ni Sara na malayang babae, ay hindi kailanman naging alipin. Ngunit kung paanong si Isaac ay pinag-usig ni Ismael, ang mga anak ng “Jerusalem sa itaas,” na pinalaya ng Anak, ay dumanas din ng pag-uusig sa mga kamay ng mga anak ng Jerusalem na nasa pagkaalipin. Gayunman, si Hagar at ang kaniyang anak ay pinalayas, na sumasagisag sa pagtatakwil ni Jehova sa likas na Israel bilang isang bansa.—Gal 4:21-31; tingnan din ang Ju 8:31-40.