Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Halkon

Halkon

[sa Heb., nets; sa Ingles, falcon].

Naniniwala ang makabagong mga leksikograpo na ang terminong Hebreo na nets ay tumutukoy sa mga halkon, bagaman ipinapalagay ng ilan na saklaw rin nito ang mga lawin, na kahawig na kahawig ng mga halkon bagaman inuuri ng mga ornitologo bilang isang bukod na grupo ng “pamilya.” Palibhasa’y isang maninila na kumakain ng mga ahas, butiki, maliliit na mamalya, at iba pang mga ibon, “ang halkon ayon sa uri nito” (“ang lawin sa iba’t ibang uri nito,” AT) ay kasama sa mga ibon na itinalagang “marumi” sa Kautusang Mosaiko.​—Lev 11:16; Deu 14:15.

May mga halkon na kakompetensiya ng mga sibad bilang mga ibong pinakamabibilis lumipad, anupat isang halkon ang namataang bumubulusok sa bilis na 290 km/oras (180 mi/oras). Ang isa sa mga halkon na matatagpuan sa Palestina ay ang peregrine falcon (Falco peregrinus), na nandarayuhan at karaniwang dumaraan doon. Naroon din ang mas malalaking lanner falcon (Falco biarmicus), na dati’y naglipana sa mga dalisdis at mababatong bangin mula sa Bundok Hermon hanggang sa Dagat na Patay. Ang mga saker falcon (Falco cherrug) ay nakikita paminsan-minsan sa kanlurang Negev.

Ang mas maliit na common kestrel (Falco tinnunculus), na mga 36 na sentimetro (14 na pulgada) ang haba, ay miyembro rin ng genus ng halkon. Buong-taon ay naglipana ang mga ito sa lahat ng agrikultural na pamayanan at mga hardin sa Palestina. Namumugad pa nga ito sa malalaking gusali sa mga lunsod.

Inilalarawan ng Job 39:26 ang ginagawa ng halkon na ‘pagpapaimbulog at pag-uunat ng kaniyang mga pakpak sa hanging timugan,’ at ipinapalagay ng ilan na tumutukoy ito sa pandarayuhan sa timog (“nag-uunat ng kaniyang mga pakpak upang maglakbay patimog,” JB), na totoo naman sa lesser kestrel na kabilang sa pamilya ng mga halkon at, sa isang antas, sa peregrine falcon. Gayunman, naniniwala ang iba na inilalarawan ng tekstong ito ang pagsalubong ng ibon sa hangin at, sa pamamagitan ng lakas ng mga pakpak nito ay lumilipad ito nang pasalunga sa hangin, anupat pumapailanlang nang pataas at pataas. Ang mga halkon ay sinasabing “pumapaimbulog, anupat lagi nilang sinisikap na lumipad nang mas mataas sa anumang ibon na tinutugis nila” upang makabulusok sila nang napakatulin patungo sa bibiktimahin nila sa ibaba, at sa paggawa nito, kadalasa’y “sinasamantala nila ang hangin, at sa paglipad naman pasalungat dito ay nananatili sila sa ere gaya ng isang saranggola.” (Funk and Wagnalls New Standard Encyclopedia, 1931, Tomo XI, p. 329, 330) Sa katulad na paraan, kung minsa’y tinatawag na windhover ang kestrel “dahil ito’y umaali-aligid (nananatili sa isang lugar) sa ere habang naghahanap ng masisila. Ang ibong ito’y humaharap sa hangin at ikinakampay ang mga pakpak nito habang nakamatyag sa lupa para sa masisila.”​—The World Book Encyclopedia, 1987, Tomo 11, p. 237.

Ang halkon ay naging napakaprominente sa relihiyon ng Ehipto. Naging sagisag ito ni Horus, ang diyos ng Ehipto na may ulo ng halkon, na kasama nina Isis at Osiris ay bumubuo sa pangunahing trinidad o “sagrada familia” ng mga diyos at diyosa ng Ehipto. Laging ginagamit ang sagisag na halkon sa pagsulat ng titulo ng mga Paraon, at may mga pagkakataong itinuring na mga pagsasaanyong-laman ni Horus ang mga tagapamahalang ito. Daan-daang ibon na ginawang momya ang natagpuan sa Ehipto, at isa sa pinakamarami sa mga ito ay ang halkon, partikular na ang kestrel. Sinabi ni Herodotus na sa Ehipto, ang sinumang pumatay ng halkon, kahit di-sinasadya, ay papatayin.