Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Haluang Pangkat

Haluang Pangkat

Isang grupo ng mga dayuhan (mga taga-ibang bayan) na umalis sa Ehipto kasama ng bansang Israel. (Exo 12:37, 38, tlb sa Rbi8; ihambing ang Exo 12:43-49.) Maaaring ang ilan sa mga taong ito ay mga Ehipsiyo o iba pang mga banyaga na nagpasiyang sumunod sa tunay na Diyos at sa bansang Israel pagkatapos nilang masaksihan ang ilan sa mga dagok na pinasapit ni Jehova laban sa Ehipto. Ang iba naman sa grupong ito ay malamang na mga Ehipsiyong nag-asawa ng mga Israelita at pati ang mga supling ng gayong pagsasama. Halimbawa, ang babaing Israelita na si Selomit na mula sa tribo ni Dan ay nakapag-asawa ng isang Ehipsiyo at nagsilang siya rito ng di-kukulangin sa isang anak na lalaki.​—Lev 24:10, 11.

Sa Bilang 11:4, ang grupong ito ay tinatawag ding “ang haluang pulutong [o, ang kalipunan (ng mga tao); ang mga taong nagkakagulo].” Walang alinlangan na dahil hindi sila lahing Israelita at dahil mahirap ang paglalakbay sa ilang kung kaya bumangon ang mapagreklamong saloobin sa gitna nila na naging sanhi naman ng pagtatalo. Ang pagpapakita nila ng sakim na pagnanasa ay kumalat sa mga Israelita, anupat ang mga ito rin ay tumangis at nagsabi: “Naaalaala pa namin ang isda na kinakain namin noon sa Ehipto nang walang bayad, ang mga pipino at ang mga pakwan at ang mga puero at ang mga sibuyas at ang bawang! Ngunit ngayon ay natutuyo ang aming kaluluwa. Walang anumang nakikita ang aming mga mata kundi ang manna.”​—Bil 11:4-6.

Sa Nehemias 13:3 at Jeremias 25:20, ang pananalitang “haluang pangkat” ay tumutukoy sa mga di-Israelita. Ang tinutukoy sa Nehemias ay mga banyagang gaya ng mga Moabita at mga Ammonita. (Ne 13:1) Maaaring kabilang din sa kanila ang mga anak ng mga banyagang iyon (mestisong Israelita) at ipinahihiwatig ito ng bagay na bago nito, pinaalis ng mga Israelita kapuwa ang kanilang mga asawang banyaga at mga anak.​—Ezr 10:44.