Ham
1. Isa sa tatlong anak ni Noe na isinilang pagkaraan ng 2470 B.C.E. (Gen 5:32; 7:6; 11:10) Posibleng siya ang bunsong anak (Gen 9:24); gayunman, pangalawa siyang itinala sa Genesis 5:32; 6:10; at sa iba pang talata. Sa Genesis 10:21, si Sem ay tinatawag na “kapatid ni Japet na pinakamatanda.” Naniniwala ang ilan na ang pananalitang “bunsong anak” sa Genesis 9:24 ay tumutukoy sa apo ni Noe na si Canaan.—Tingnan ang CANAAN, CANAANITA Blg. 1.
Si Ham ang ama ng apat na mga anak, sina Cus, Mizraim, Put, at Canaan. (Gen 10:6; 1Cr 1:8) Ang mga Etiope, Ehipsiyo, ilang tribong Arabe at Aprikano, at ang mga Canaanita ay nagmula sa mga anak na ito. Bagaman sinasabi na ang ilan sa mga tribo at mga bansang Hamitiko na nakatala sa Genesis kabanata 10 ay nagsalita ng wikang Semitiko, hindi ito nagpapatunay na wala silang Hamitikong pinagmulan o na hindi sila dating nagsasalita ng isang wikang Hamitiko. Tinanggap ng maraming bayan ang wika ng mga nanlupig sa kanila, ng iba pang bayan na nakasalamuha nila, o ng mga lupain na pinandayuhan nila.
Nag-asawa si Ham bago pa ang Baha. Kasama ng kaniyang asawa, ama’t ina, at dalawang kapatid at ng kani-kanilang asawa, siya ay nakaligtas sa Baha. (Gen 6:18; 7:13; 8:15, 16, 18; 1Pe 3:19, 20) Ang mga anak ni Ham ay ipinanganak pagkatapos ng Baha.
Nang maglaon ay nasangkot siya sa isang insidente na nagdala ng sumpa sa kaniyang anak na si Canaan. Nalango si Noe sa alak at naghubad sa loob ng kaniyang tolda. Nakita ni Ham ang kahubaran ng kaniyang ama, at sa halip na magpakita ng wastong paggalang kay Noe, ang ulo ng pamilya at ang lingkod at propeta na ginamit ng Diyos sa pagliligtas sa lahi ng tao, sinabi ni Ham sa dalawang kapatid niya ang kaniyang natuklasan. Nagpakita ng wastong paggalang sina Sem at Japet sa pamamagitan ng paglalakad nang paatras hawak ang isang balabal na maipantatakip kay Noe upang hindi sila magdala ng kadustaan sa pamamagitan ng pagtingin sa kahubaran ng kanilang ama. Nang magising si Noe, bumigkas siya ng isang sumpa, hindi para kay Ham, kundi para sa anak ni Ham na si Canaan. Sa kalakip na pagpapala kay Sem, na may kasamang pagpapala para kay Japet, si Ham ay nilampasan at ipinagwalang-bahala; si Canaan lamang ang binanggit na isinumpa at inihula na magiging alipin nina Sem at Japet.—Gen 9:20-27.
Posibleng si Canaan mismo ay tuwirang nasangkot sa insidenteng iyon at nabigo ang kaniyang amang si Ham na ituwid siya. O patiunang nakita ni Noe, na makahulang nagsalita sa ilalim ng pagkasi, na ang masamang hilig ni Ham, na marahil ay namamalas na sa kaniyang anak na si Canaan, ay mamanahin ng mga supling ni Canaan. Bahagyang natupad ang sumpa nang sakupin ng Semitikong mga Israelita ang mga Canaanita. Yaong mga hindi nalipol (tulad ng mga Gibeonita [Jos 9]) ay ginawang mga alipin ng Israel. Pagkaraan ng maraming siglo, nagkaroon ng higit pang katuparan ang sumpa nang ang mga inapo ng anak ni Ham na si Canaan ay mapasailalim sa pamumuno ng Japetikong mga kapangyarihang pandaigdig ng Medo-Persia, Gresya, at Roma.
May-kamaliang ipinapalagay ng ilang tao na ang lahing itim at ang pang-aalipin sa mga kabilang sa lahing iyon ay bunga ng sumpa na binigkas kay Canaan. Sa kabaligtaran, ang mga inapo ni Canaan, na siyang isinumpa, ay hindi kabilang sa lahing itim. Ang lahing itim ay nanggaling kay Cus at posibleng mula kay Put, na iba pang mga anak ni Ham na hindi nasangkot sa insidente o sa sumpa.
2. Isang lunsod ng mga Zuzim sa S ng Jordan. (Gen 14:5) Ang lunsod ay natalo ng hari ng Elam na nakipag-alyansa sa tatlong iba pang hari noong panahong sugpuin nila ang paghihimagsik ng mga lunsod ng Distrito sa lugar ng Dagat na Patay. (Gen 14:1-12) Ipinahihiwatig ng pagkakatala sa Ham sa Genesis 14:5, 6 na ito’y nasa T ng Asterot-karnaim at H ng Save-kiriataim. Ang pangalan ng lunsod ay napanatili sa makabagong nayon ng Ham sa Wadi er-Rejeileh (tinatawag ding Wadi Ham) na mga 6 na km (3.5 mi) sa TTK ng Irbid sa ʽAjlun, at mga 30 km (19 mi) sa TS ng T na dulo ng Dagat ng Galilea. Ang sinaunang lunsod mismo ay waring ang kalapit na gulod (Tell Ham).
3. Sa Mga Awit, ang “Ham” ay iniuugnay sa Ehipto, anupat tinatawag itong “lupain ni Ham.”—Aw 78:51; 105:23, 27; 106:21, 22; tingnan ang EHIPTO, EHIPSIYO.