Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Hamat, Hamateo

Hamat, Hamateo

Ang lunsod ng Hamat ang kabisera ng isang maliit na kahariang Canaanita sa Sirya noong pasimula ng kasaysayan ng Israel. Ang matabang rehiyong pang-agrikultura na nakapalibot dito ay may gayunding pangalan. Noong mga panahong Griego at Romano, ang pangalan ng lunsod ay Epiphania, na ipinangalan dito ni Antiochus IV (Epiphanes). Sa ngayon ay tinatawag itong Hama, na pinaikling anyo ng orihinal na pangalan nito.

Ang lunsod ng Hamat ay nasa tabi ng Ilog Orontes, malapit sa mahahalagang ruta ng kalakalan, 81 km (50 mi) papaloob mula sa Mediteraneo, mga 190 km (118 mi) sa H ng Damasco at mga 120 km (75 mi) sa T ng Aleppo.

Bagaman kung minsan ay sinasabing itinayo ng mga Hiteo, ang Hamat ay mas malamang na itinatag ng mga Hamateo, na mga kamag-anak ng mga Hiteo at isa sa 70 pamilyang nabuhay pagkaraan ng Baha. Sina Het at Hamat, mga ninuno ng dalawang linyang ito ng pamilya, ay nakatala bilang ika-2 at ika-11 anak ni Canaan na anak ni Ham.​—Gen 10:6, 15-18; 1Cr 1:8, 13-16; tingnan ang HITEO, MGA.

“Pagpasok sa Hamat.” Ang pinakamatandang ulat na taglay natin tungkol sa Hamat ay nagsasabing 12 tiktik na Israelita noong ika-16 na siglo B.C.E. ang umahon mula sa T hanggang sa “pagpasok sa Hamat,” isang malimit-uliting parirala na ipinapalagay na tumutukoy, hindi sa mga pintuang-daan ng mismong lunsod, kundi sa timugang hangganan ng teritoryong pinamamahalaan nito. (Bil 13:21) Sa hangganang ito umabante nang pahilaga ang pananakop ni Josue. (Jos 13:2, 5; Huk 3:1-3) Gayunman, iminumungkahi ng ilang iskolar na ang pananalitang “hanggang sa pagpasok sa Hamat” (Jos 13:5) ay dapat kabasahan ng “hanggang sa Lebi-hamat (Leon ng Hamat),” sa gayon ay isa itong espesipikong lugar.​—Tingnan ang Vetus Testamentum, Leiden, 1952, p. 114.

Hindi matiyak ang eksaktong lokasyon ng hangganan (o lugar) na ito. May nagsasabing ito ang hilagaang hangganan ng teritoryo ng Israel (Bil 34:8; 1Ha 8:65; 2Ha 14:25; 2Cr 7:8) at kahangga ng Damasco. (Jer 49:23; Eze 47:15-17; 48:1; Zac 9:1, 2) Ipinapalagay naman ng ilan na ito ang pinakadulong timog ng Libis ng Coele-Sirya (tinawag ding Beqaʽ), na nasa pagitan ng mga kabundukan ng Lebanon at Anti-Lebanon. Sinasabi ng iba na ito ay nasa kalagitnaan ng Baalbek at ng Ribla. Ngunit iminumungkahi ng iba na ito ay nasa mas dako pang H kung saan papaluwang ang daanan sa pagitan ng Homs at ng dagat.​—Eze 47:20.

Pakikipag-ugnayan sa Israel. Isinugo ni Toi (Tou) na hari ng Hamat ang kaniyang anak na si Joram (Hadoram) upang batiin si Haring David dahil natalo nito si Hadadezer, na kaaway nilang dalawa. Ang Hamat noon ay isang independiyenteng kaharian. (2Sa 8:3, 9, 10; 1Cr 18:3, 9, 10) Ngunit noong panahon ng paghahari ni Solomon, ang kaharian ng Hamat ay waring nasa ilalim ng kontrol ng Israel, sapagkat nagtayo si Solomon ng mga imbakang lunsod sa rehiyong iyon. (2Cr 8:3, 4) Pagkamatay ni Solomon, ang Hamat ay muling naging independiyente at nanatiling gayon maliban sa isang maikling yugto noong ikasiyam na siglo B.C.E. nang pansamantala itong isailalim ni Jeroboam II sa kontrol ng Israel. (2Ha 14:28) Noong mga panahong iyon ay inilarawan ito bilang “mataong Hamat.”​—Am 6:2.

Noong ikawalong siglo B.C.E., ang Hamat at ang mga karatig-bayan nito, kasama ang sampung-tribong kaharian ng Israel, ay nilupig ng mga Asiryano sa kanilang pananalakay tungo sa pamumuno sa daigdig. Patakaran ng Asirya na pagpalit-palitin at ilipat ng ibang lugar ang kaniyang mga bihag, kung kaya ang mga tao ng Hamat ay inilipat sa Samaria at ang mga taga-Samaria naman ay inilipat sa Hamat at sa iba pang lugar. (2Ha 17:24; 19:12, 13; Isa 10:9-11; 37:12, 13) Sa matataas na dako sa Samaria, itinayo ng mga Hamateo ang mga imahen ng kanilang diyos na si Ashima, bagaman walang nagawa ang walang-kabuluhang diyos na ito laban sa mga Asiryano.​—2Ha 17:29, 30; 18:33, 34; Isa 36:18, 19.

Ayon sa isang inskripsiyong cuneiform (British Museum 21946), pagkatapos ng pagbabaka sa Carkemis noong 625 B.C.E. (Jer 46:2), sa distrito ng Hamat inabutan at nilipol ng mga hukbo ni Nabucodonosor ang tumatakas na mga Ehipsiyo. (Assyrian and Babylonian Chronicles, ni A. K. Grayson, 1975, p. 99) Mga ilang taon bago nito, sa lugar ding iyon kinuhang bihag ni Paraon Necoh si Haring Jehoahaz. (2Ha 23:31-33) At noong 607 B.C.E., nang bumagsak ang Jerusalem, si Zedekias at ang iba pang mga bihag ay dinala sa Ribla sa rehiyon ng Hamat, at doon, sa harap ni Zedekias, pinatay ang kaniyang mga anak kasama ang iba pang mga taong maharlika. (2Ha 25:18-21; Jer 39:5, 6; 52:9, 10, 24-27) Gayunpaman, ipinangako ng Diyos na sa takdang panahon ay isasauli niya ang isang nalabi ng kaniyang bayan, kabilang na yaong mga nasa lupain ng Hamat.​—Isa 11:11, 12.

[Mapa sa pahina 884]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Malaking Dagat

Karkar

Ilog Orontes

Hamat

Homs

Ribla

Kbdk. ng Lebanon

Sidon

Ilog Litani

Kbdk. ng Anti-Lebanon

Damasco