Hananias
[nangangahulugang “Si Jehova ay Nagpakita ng Lingap; Si Jehova ay Nagmagandang-loob”].
1. Anak ni Sasak at ulo ng isang sambahayang Benjamita.—1Cr 8:1, 24, 25, 28.
2. Isa sa 14 na anak ni Heman at ulo ng ika-16 sa 24 na pangkat na naglilingkod na mga Levitikong manunugtog na inatasan ni David upang maglingkod sa santuwaryo.—1Cr 25:1, 4, 5, 8, 9, 23.
3. Isang opisyal na mataas ang ranggo, “prinsipe,” sa hukbo ni Haring Uzias.—2Cr 26:11.
4. Ama ng Zedekias na isang prinsipe noong panahon ng paghahari ni Jehoiakim na hari ng Juda.—Jer 36:12.
5. Anak ni Azur; isang bulaang propeta na mula sa Benjamitang lunsod ng Gibeon na sumalansang sa propeta ni Jehova na si Jeremias. Noong panahon ng paghahari ni Haring Zedekias ng Juda, habang pinatitibay-loob ni Jeremias ang bayan na ilagay ang kanilang mga leeg sa ilalim ng pamatok ng hari ng Babilonya at sa gayon ay patuloy na mabuhay (Jer 27:12-14), humula si Hananias na ang kapangyarihan ng Babilonya ay babaliin sa loob ng dalawang taon, na ang mga Judiong tapon doon ay palalayain, at na ang lahat ng kinumpiskang mga kagamitan ng templo ay ibabalik. Upang ilarawan ang kaniyang punto, inalis ni Hananias ang pamatok na kahoy mula sa leeg ni Jeremias at binali iyon. Pagkatapos ay inutusan ni Jehova si Jeremias na sabihan si Hananias na ang pamatok na kahoy ay hahalinhan ng pamatok na bakal at na ang kamatayan ni Hananias ay magaganap sa taóng iyon. Gaya ng inihula, ang bulaang propeta ay namatay nang taóng iyon.—Jer 28.
6. Malamang na ang lolo ni Irias na opisyal sa pintuang-daan ng Benjamin na dumakip sa propetang si Jeremias, anupat may-kabulaanang nagparatang dito ng pagtatangkang lumipat sa panig ng mga Caldeo.—Jer 37:1-15.
7. Ang pangalang Hebreo ni Sadrac, isa sa tatlong Judiong kasamahan ni Daniel na dinala sa Babilonya noong 617 B.C.E.—Dan 1:6, 7; tingnan ang SADRAC.
8. Anak ni Zerubabel at ama nina Pelatias at Jesaias.—1Cr 3:19, 21.
9. Isang inapo ni Bebai na kabilang sa mga nakinig sa payo ni Ezra na paalisin ang kanilang mga asawang banyaga.—Ezr 10:10, 11, 28, 44.
10. Isang saserdoteng Levita at ulo ng sambahayan ni Jeremias sa panig ng ama noong panahon ng pagkagobernador ni Nehemias.—Ne 12:12, 26.
11. Isang miyembro ng mga tagapaghalo ng ungguento na nagkumpuni sa pader ng Jerusalem noong panahon ni Nehemias.—Ne 3:8.
12. Anak ni Selemias; isa na nakibahagi sa pagkukumpuni ng pader ng Jerusalem noong 455 B.C.E.—Ne 3:30.
13. Isang makasaserdoteng manunugtog ng trumpeta na nakibahagi sa mga seremonya na isinaayos ni Nehemias sa pagpapasinaya ng pader ng Jerusalem.—Ne 12:31, 40, 41.
14. Isa sa mga ulo ng bayan na ang inapo, kung hindi man siya mismo, ay nagpatotoo sa pamamagitan ng tatak sa “mapagkakatiwalaang kaayusan” na itinatag noong panahon ng pagkagobernador ni Nehemias.—15. Ang prinsipe ng Kastilyo, isang mapagkakatiwalaang lalaki na natatakot sa tunay na Diyos nang higit kaysa sa marami pang iba. Inatasan siya ni Nehemias upang mamahala sa Jerusalem kasama ni Hanani.—Ne 7:2.