Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Haran

Haran

1. Anak ni Tera at kapatid nina Abram (Abraham) at Nahor. Si Haran ay ama ni Lot at ng dalawang anak na babae na sina Isca at Milca; napangasawa ng huling nabanggit ang tiyo nitong si Nahor. Namatay si Haran bago lumisan sa Ur ng mga Caldeo sina Tera at Abram.​—Gen 11:26-31.

2. Inapo ni Gerson sa pamamagitan ni Simei; tribo ni Levi.​—1Cr 23:6-9.

3. Anak ni Caleb sa kaniyang babaing si Epa, at “ama” ni Gazez; tribo ni Juda.​—1Cr 2:3, 42, 46.

4. Lunsod sa hilagaang Mesopotamia, kung saan pansamantalang nanirahan si Abram (Abraham); dito namatay si Tera na kaniyang ama. (Gen 11:31, 32; 12:4, 5; Gaw 7:2-4) Waring kasama sa pangalang Haran ang nakapalibot na lupain, sapagkat ang Haran ay itinala bilang isa sa “mga bansa” na nilupig ng mga hari ng Asirya.​—2Ha 19:11, 12.

Ilang panahon pagkaalis ni Abraham sa Haran, isinugo niya sa kaniyang mga kamag-anak (lumilitaw na naninirahan sa Haran o sa isang kalapit na bayan, “sa lunsod ni Nahor”) ang pinakamatanda niyang lingkod upang humanap ng mapapangasawa ng kaniyang anak na si Isaac. (Gen 24) Nang maglaon, ang apo ni Abraham na si Jacob ay nagpunta sa Haran upang takasan ang poot ng kapatid niyang si Esau at upang humanap din ng mapapangasawa sa mga anak na babae ng kaniyang tiyo na si Laban. (Gen 27:42-46; 28:1, 2, 10) Sa tabi ng isang balon, maliwanag na malapit sa Haran, ay nakilala ni Jacob si Raquel.​—Gen 29:4-12.

Noong ikawalong siglo B.C.E., tinangka ni Haring Senakerib ng Asirya na takutin si Haring Hezekias ng Juda sa pamamagitan ng mga mensaheng naghahambog tungkol sa pananakop ng kaniyang mga ninuno sa Haran at sa iba pang mga lugar.​—2Ha 19:8-13; Isa 37:8-13.

Sa mga impormasyong Asiryano, waring tinutukoy ang Haran bilang Harranu (nangangahulugang “Daan”), marahil ay dahil nasa ruta ito ng mga pulutong na naglalakbay at kaugnay ito ng mga lunsod ng Nineve, Asur, Babilonya, at Tiro, gayundin ng lupain ng Ehipto. (Ihambing ang Eze 27:23.) Ang pangalan ng sinaunang lunsod ay napanatili sa makabagong Haran, na matatagpuan sa pinagsasalubungan ng dalawang wadi na nagiging isang batis at nakararating sa Ilog Balikh kapag taglamig, mga 110 km (68 mi) sa gawing itaas kung saan bumubuhos ang Balikh sa Ilog Eufrates. Ngunit naniniwala ang ilan na ang sinaunang lugar mismo ay nasa dakong H ng makabagong Haran. Nakakakita ang ilang iskolar ng katibayan ng paninirahan dito ng mga patriyarka (gaya ng inilarawan sa Bibliya) sapagkat ang sinaunang mga pangalan ng lugar sa dakong ito ay tumutugma sa personal na mga pangalang gaya ng Serug, Nahor, at Tera.​—Gen 11:22-26.

[Larawan sa pahina 902]

Napanatili sa makabagong-panahong Haran ang pangalan ng sinaunang lunsod at dito o malapit dito nakasumpong ang lingkod ni Abraham ng babaing mapapangasawa ni Isaac