Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Hari

Hari

Isang soberano na may awtoridad na mamahala sa iba. Si Jehova ang kataas-taasang Hari, anupat walang limitasyon ang kaniyang kapangyarihan at awtoridad. Ang mga hari ng Juda ay nakabababang mga hari na kumatawan sa Kaniyang soberanya sa lupa. Tulad nila, si Jesu-Kristo ay isang nakabababang Hari, ngunit lubhang nakahihigit ang kapangyarihan niya kaysa sa kapangyarihan ng makalupang mga haring iyon, sapagkat inilagay siya ni Jehova sa posisyon bilang tagapamahala ng sansinukob. (Fil 2:9-11) Sa gayon, si Jesu-Kristo ay ginawang “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon.”​—Apo 19:16; tingnan ang JESU-KRISTO; KAHARIAN.

Sinaunang mga Hari. Sa makalupang mga tagapamahala, ang hari ay isang lalaking soberano na pinagkalooban ng pinakamataas na awtoridad sa isang lunsod, isang tribo, isang bansa, o isang imperyo, at kadalasa’y namamahala nang habang-buhay. Si Nimrod, isang inapo ni Ham, ang unang taong hari sa rekord ng Bibliya. Namahala siya sa isang kaharian na nakasasakop sa ilang lunsod sa Mesopotamia. Naghimagsik siya laban sa soberanya ni Jehova.​—Gen 10:6, 8-10.

Bago pa man magkaroon ng mga hari ang mga Israelita, mayroon nang mga hari ang Canaan at ang mga bansang nakapalibot dito noong mga araw ni Abraham. (Gen 14:1-9) Mula pa noong sinaunang panahon, mayroon na ring mga hari ang mga Filisteo, mga Edomita, mga Moabita, mga Midianita, mga Ammonita, mga Siryano, mga Hiteo, mga Ehipsiyo, mga Asiryano, mga Babilonyo, mga Persiano, mga Griego, at mga Romano. Marami sa mga haring ito ang namahala sa maliliit na teritoryo gaya ng isang estadong-lunsod. Halimbawa, ipinaghambog ni Adoni-bezek na lumupig siya ng 70 sa gayong mga hari.​—Huk 1:7.

Sa Bibliya, ang unang taong hari na tinukoy bilang matuwid ay si Melquisedec, ang haring-saserdote ng Salem. (Gen 14:18) Bukod kay Jesu-Kristo, na kapuwa Hari at Mataas na Saserdote, si Melquisedec ang tanging tagapamahalang sinang-ayunan ng Diyos na humawak ng dalawang katungkulang ito. Itinawag-pansin ng apostol na si Pablo na ginamit ng Diyos si Melquisedec bilang isang makasagisag na paglalarawan kay Kristo. (Heb 7:1-3; 8:1, 6) Walang ibang tapat na lingkod ng Diyos, kahit si Noe, ang nagtangkang maging hari, at walang sinuman sa kanila ang inatasan ng Diyos sa ganitong posisyon hanggang noong ipag-utos niyang pahiran si Saul bilang hari.

Mga Haring Israelita. Sa pasimula, namahala si Jehova sa Israel bilang isang di-nakikitang Hari sa pamamagitan ng iba’t ibang indibiduwal, una ay sa pamamagitan ni Moises at nang maglaon ay sa pamamagitan ng mga taong Hukom mula kay Otniel hanggang kay Samson. (Huk 8:23; 1Sa 12:12) Nang bandang huli, ang mga Israelita ay mapilit na humiling ng isang hari upang maging tulad sila ng mga bansang nasa palibot nila. (1Sa 8:5-8, 19) Sa ilalim ng legal na probisyon sa tipang Kautusan para sa isang taong hari na aatasan ng Diyos, inatasan ni Jehova si Saul na mula sa tribo ni Benjamin sa pamamagitan ng propetang si Samuel. (Deu 17:14-20; 1Sa 9:15, 16; 10:21, 24) Dahil naging masuwayin at pangahas si Saul, naiwala niya ang pagsang-ayon ni Jehova at ang pagkakataong magpasimula ng isang dinastiya ng mga hari. (1Sa 13:1-14; 15:22-28) Sa gayon, bumaling si Jehova sa tribo ni Juda at pinili niya si David na anak ni Jesse upang maging kasunod na hari ng Israel. (1Sa 16:13; 17:12) Dahil may-katapatang itinaguyod ni David ang pagsamba kay Jehova at ang Kaniyang mga kautusan, nagkapribilehiyo siya na magtatag ng isang dinastiya ng mga hari. (2Sa 7:15, 16) Sa ilalim ng paghahari ni Solomon, na isang anak ni David, naabot ng mga Israelita ang tugatog ng kasaganaan.​—1Ha 4:25; 2Cr 1:15.

Noong panahon ng paghahari ng anak ni Solomon na si Rehoboam, nahati ang bansa sa dalawang kaharian. Ang unang hari ng hilagang sampung-tribong kaharian, karaniwang tinatawag na Israel, ay si Jeroboam na anak ni Nebat na mula sa tribo ni Efraim. (1Ha 11:26; 12:20) Naging masuwayin siya at hinikayat niya ang kaniyang bayan na sumamba sa mga ginintuang guya. Dahil sa pagkakasalang ito, naiwala niya ang pagsang-ayon ni Jehova. (1Ha 14:10, 16) May kabuuang 20 hari ang namahala sa hilagang kaharian mula noong 997 hanggang 740 B.C.E., na nagsimula kay Jeroboam at nagtapos kay Hosea na anak ni Elah. Sa timugang kaharian, ang Juda, 19 na hari ang naghari mula noong 997 hanggang 607 B.C.E., na nagsimula kay Rehoboam at nagtapos kay Zedekias. (Hindi kabilang dito si Athalia, na isang mang-aagaw ng trono at hindi hari.)​—Tingnan ang KRONOLOHIYA; PAGLILIBING, MGA DAKONG LIBINGAN.

Mga kinatawang inatasan ng Diyos. Si Jehova ang nag-aatas ng mga hari sa kaniyang bayan, at dapat silang gumanap bilang kaniyang mga kinatawang hari, anupat umuupo sila hindi sa sarili nilang trono, kundi sa “trono ng paghahari ni Jehova,” samakatuwid nga, bilang mga kinatawan ng kaniyang teokratikong pamamahala. (1Cr 28:5; 29:23) Taliwas sa kaugalian ng ilang grupo ng mga tao sa Silangan noong panahong iyon, hindi ginawang diyos ng bansang Israel ang kanilang mga hari. Ang lahat ng hari ng Juda ay itinuring na mga pinahiran ni Jehova, bagaman hindi espesipikong binanggit ng rekord kung literal na pinahiran ng langis ang bawat indibiduwal na hari nang lumuklok ito sa trono. Iniulat ang paggamit ng literal na langis na pamahid nang itatag ang isang bagong dinastiya, nang pag-agawan ang trono noong matanda na si David at gayundin noong mga araw ni Jehoas, at nang iluklok sa trono ang nakababatang anak na si Jehoahaz sa halip na ang nakatatanda sa kaniya. (1Sa 10:1; 16:13; 1Ha 1:39; 2Ha 11:12; 23:30, 31, 34, 36) Gayunpaman, malamang na karaniwang kaugalian noon ang gayong pagpapahid.

Ang hari ng Juda ang punong administrador ng mga gawain ng bansa, bilang isang pastol ng bayan. (Aw 78:70-72) Karaniwan nang siya ang nangunguna sa pakikipagbaka. (1Sa 8:20; 2Sa 21:17; 1Ha 22:29-33) Siya rin ang nagsilbing mas mataas na korte ng sistemang hudisyal, bagaman sumasangguni ang mataas na saserdote kay Jehova para sa mga pasiya sa ilang bagay na may kinalaman sa estado at sa mga usapin na napakahirap pagpasiyahan o walang sapat na katibayan mula sa bibig ng mga saksi.​—1Ha 3:16-28.

Mga salik na pumapatnubay sa hari. Ang mga salik na pumapatnubay sa hari sa paggamit niya ng awtoridad ay ang kaniyang pagkatakot sa Diyos, ang kautusan ng Diyos, na dapat niyang sundin, at ang impluwensiya ng mga propeta at mga saserdote pati na ang mga payo ng matatandang lalaki. Kailangan siyang sumulat para sa kaniyang sarili ng isang kopya ng Kautusan at dapat niyang basahin iyon sa lahat ng mga araw ng kaniyang buhay. (Deu 17:18, 19) Yamang siya ang pantanging lingkod at kinatawan ni Jehova, mananagot siya kay Jehova. Nakalulungkot, maraming Judeanong hari ang hindi sumunod sa inilaang patnubay at naging mapaniil at balakyot na mga tagapamahala.​—1Sa 22:12, 13, 17-19; 1Ha 12:12-16; 2Cr 33:9.

Lider ng relihiyon. Bagaman ayon sa kautusan ay hindi maaaring maging saserdote ang hari, siya ang dapat na maging pangunahing di-saserdoteng tagapagtaguyod ng pagsamba kay Jehova. Kung minsan, pinagpapala ng hari ang bansa sa pangalan ni Jehova at kinakatawanan niya ang bayan sa panalangin. (2Sa 6:18; 1Ha 8:14, 22, 54, 55) Bukod sa pananagutan niya na ingatan ang relihiyon ng taong-bayan laban sa idolatriya, may awtoridad siya na alisin sa posisyon ang isang di-tapat na mataas na saserdote, gaya ng ginawa ni Haring Solomon sa mataas na saserdoteng si Abiatar nang suportahan nito ang pagtatangka ni Adonias na agawin ang trono.​—1Ha 1:7; 2:27.

Mga asawa at pag-aari. Kabilang sa mga kaugalian ng mga Judeanong hari sa pag-aasawa at pagpapamilya ang pagkakaroon ng maraming asawa at babae, bagaman itinakda ng Kautusan na hindi dapat magparami ng mga asawa ang hari para sa kaniyang sarili. (Deu 17:17) Ang mga babae ng hari ay itinuturing na mga pag-aari ng monarkiya at ipinapasa sa kahalili sa trono kasama ng mga karapatan at pag-aari ng hari. Ang pakikipag-asawa o pagkuha sa isa sa mga babae ng namatay na hari ay katumbas ng pag-angkin sa trono. Kaya naman nang sipingan ni Absalom ang mga babae ng kaniyang ama na si Haring David, at nang hilingin ni Adonias na maging asawa niya si Abisag, ang tagapag-alaga at kasama ni David noong matanda na ito, iyon ay katumbas ng pag-angkin nila sa trono. (2Sa 16:21, 22; 1Ha 2:15-17, 22) Iyon ay pagtataksil sa hari.

Bukod sa personal na ari-arian ng hari, mga samsam sa digmaan, at mga kaloob (1Cr 18:10), may iba pang pinagkukunan ng kita ang hari. Kabilang sa mga ito ang pantanging pagbubuwis sa ani ng lupain para sa maharlikang sambahayan, tributo mula sa nasupil na mga kaharian, singil na ipinapataw sa mga naglalakbay na mangangalakal na dumaraan sa lupain, at mga negosyo, gaya ng mga pangkat ng mga barkong pangkalakal ni Solomon.​—1Ha 4:7, 27, 28; 9:26-28; 10:14, 15.

Kawalang-Katatagan ng Hilagang Kaharian. Sa hilagang kaharian ng Israel, ang tagapagmana ang humahalili sa trono maliban kung may nangyaring pagpaslang sa tagapagmana o paghihimagsik. Dahil sa pagsasagawa nila ng huwad na relihiyon, nagkaroon ng maraming kaguluhan sa hilagang kaharian anupat naging malimit ang pagpaslang sa mga hari nito at ang pag-agaw sa trono. Dalawang dinastiya lamang ang tumagal nang mahigit sa dalawang salinlahi, yaong kay Omri at kay Jehu. Palibhasa’y wala sila sa ilalim ng Davidikong tipan ukol sa kaharian, walang sinuman sa mga hari ng hilagang kaharian ang umupo sa “trono ng paghahari ni Jehova” bilang pinahiran ni Jehova.​—1Cr 28:5.

Mga Haring Gentil at Nakabababang mga Hari. Ang mga haring Babilonyo ay opisyal na itinatalaga bilang mga monarka sa buong Imperyo ng Babilonya sa pamamagitan ng paghawak nila sa kamay ng ginintuang imahen ni Marduk. Ginawa ito ni Cirong Dakila upang makontrol ang Imperyo ng Babilonya kahit hindi niya nilupig ang buong imperyo sa pamamagitan ng pagbabakang militar.

Ang ibang mga hari ay umupo sa kanilang trono dahil inatasan sila ng isang hari na nakatataas sa kanila, gaya halimbawa ng hari na lumupig sa kanilang teritoryo. Karaniwang kaugalian ng mga hari na pamahalaan ang mga lupaing nalupig nila sa pamamagitan ng kanilang sakop na mga katutubong hari. Halimbawa, si Herodes na Dakila ay naging sakop na hari ng Roma para sa Judea (Mat 2:1), at si Aretas na hari ng mga Nabateano ay itinalaga ng Roma sa kaniyang kaharian bilang sakop.​—2Co 11:32.

Ang mga haring di-Israelita ay mas mahirap lapitan ng kanilang mga sakop kaysa sa mga tagapamahala ng bayan ng Diyos. Maliwanag na nakikihalubilo ang mga haring Israelita sa kanilang mga kababayan. Kadalasa’y napakatayog ng mga haring Gentil. Kapag ang isa ay pumasok sa pinakaloob na korte ng Persianong hari nang walang malinaw na pahintulot, awtomatiko siyang nagiging marapat sa kamatayan malibang ibigay ng hari ang kaniyang pagsang-ayon sa pamamagitan ng pag-uunat ng kaniyang setro, gaya ng ginawa kay Esther. (Es 4:11, 16) Gayunman, maaaring dinggin ng Romanong emperador ang isang mamamayang Romano kung iniaapela nito ang pasiya ng isang mas mababang hukom, ngunit dadaan muna ito sa maraming mas mabababang opisyal.​—Gaw 25:11, 12.