Harod
[Panginginig].
Isang balon (o bukal, yamang ito ang madalas na kahulugan ng salitang Hebreo, bagaman kung minsan ang mga salitang Hebreo para sa “balon” at “bukal” ay halinhinang ginagamit; ihambing ang Gen 16:7, 14; 24:11, 13) na sa kapaligiran nito ay nagkampo ang hukbong Israelita na pinangungunahan ni Gideon at kung saan inilagay sa pagsubok ang natirang 10,000 kawal. Nang dakong huli, 300 lalaki ang napili upang lumupig sa mga Midianita. Maaaring ang pag-alis ng 22,000 Israelita bago pa nito dahil sila ay “natatakot at nanginginig” ang dahilan kung bakit ibinigay sa balon ang pangalang iyon.—Huk 7:1-7.
Karaniwan nang ipinapalagay na ang balon ng Harod ay ang ʽAin Jalud (Mayan Harod), isang bukal sa HK tagaytay ng Bundok Gilboa. May kaugnayan sa ʽAin Jalud, ang kilaláng iskolar na si G. A. Smith ay nagsabi: “Bumubulwak ito nang mga labinlimang piye [kulang sa 5 m] ang lapad at dalawang piye [0.6 m] ang lalim mula sa paanan ng Gilboa, at pangunahin na mula rito, ngunit palibhasa’y dinadaluyan din ito ng dalawa pang bukal [ang ʽAin el-Meiyiteh at ang ʽAin Tubaʽun], sapat ang lakas ng agos nito upang makapagpatakbo ng anim o pitong gilingan. Dahil sa malalim na pinakasahig at malambot na mga pampang ng bukal na ito, isa itong di-malusong na estero sa harap ng Gilboa, anupat posible para sa mga tagapagtanggol ng huling nabanggit na kontrolin ang bukal sa kanilang paanan sa harap ng kaaway sa kapatagan: at ang bukal ay mahalagang-mahalaga sa kanila, sapagkat sa kaliwa, kanan, at likuran ay walang ibang umaagos na tubig. . . . Hindi sila maaaring maging mapagwalang-bahala sa pagkuha ng tubig sa bukal na ito, na dahil dito ay posible rin na makontrol ng mga nasa burol na iyon ang balon laban sa kaaway na nasa kapatagan; sapagkat umiinom sila sa harap ng kaaway na iyon, at ang mga tambo at mga palumpong sa kahabaan nito ay nagsisilbing tabing sa mga pagtambang ng kaaway.”—The Historical Geography of the Holy Land, London, 1968, p. 258.