Haroset
Isang lugar na tinatawag sa kabuuan bilang “Haroset ng mga bansa.” Ito’y nagsilbing punong-tanggapang militar ni Sisera, ang pinuno ng hukbo ng Canaanitang hari na si Jabin, na namahala sa Hazor. (Huk 4:2, 13) Nilubos ni Hukom Barak ang kaniyang tagumpay sa mga hukbong ito ng kaaway hanggang sa lugar na ito. (Huk 4:16) Ang pangalang Haroset (na nangangahulugang “Kakahuyan; Makahoy na Palumpungan”) ay waring napanatili sa el-Harithiyeh, malapit sa kanluraning labasan ng Kapatagan ng Jezreel at mga 16 na km (10 mi) sa HHK ng Megido. Gayunman, karaniwang ipinapalagay ng mga iskolar na ang aktuwal na sinaunang lugar ng Haroset ay nasa kalapit na Tell ʽAmr (Tel Meʽammer).