Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Havila

Havila

[[Rehiyon ng] Buhangin].

1. Isang lupain na ‘pinalilibutan’ ng Pison, isa sa apat na ilog na nagsanga sa ilog na lumalabas mula sa Eden. Tinukoy rin ito bilang isang lupain ng mabuting ginto, sahing ng bedelio, at batong onix. (Gen 2:10-12) Yamang hindi na matukoy ang lugar ng Ilog Pison, hindi na rin matiyak ang lokasyon ng lupain ng Havila. (Tingnan ang PISON.) Ang paglalarawan sa likas na yaman ng Havila ay itinuturing ng ilan bilang karaniwan sa Arabia, at iniuugnay ito ng ilan sa isang rehiyon doon. Salig sa pagtukoy ng Bibliya sa “buong lupain ng Havila,” iminumungkahi ni J. Simons na ang terminong “Havila” ay maaaring sumaklaw sa buong Peninsula ng Arabia, bagaman mahirap mangyari na ‘mapalilibutan’ ng Ilog Pison ang gayong lugar.​—The Geographical and Topographical Texts of the Old Testament, Leiden, 1959, p. 40, 41.

2. Ayon sa Genesis 25:18, ang mga Ismaelita ay ‘nagtabernakulo mula sa Havila malapit sa Sur, na nasa tapat ng Ehipto, hanggang sa Asirya.’ Mangangahulugan ito na ang Havila, o ang isang bahagi man lamang nito, ay dapat umabot hanggang sa Peninsula ng Sinai, na malamang na kinaroroonan ng Ilang ng Sur. (Tingnan ang SUR.) Maliwanag na ipinakikita ng teksto na ang mga Ismaelita ay nagpagala-gala mula sa Peninsula ng Sinai patawid sa hilagang Arabia at hanggang sa Mesopotamia. Sa katulad na paraan, nang pabagsakin ni Haring Saul ang mga Amalekita “mula sa Havila hanggang sa Sur, na nasa tapat ng Ehipto” (1Sa 15:7), lumilitaw na ang pananalitang “mula sa Havila” ay tumutukoy sa isang bahagi, malamang na ang HK sulok, ng Peninsula ng Arabia na kumakatawan sa isang hangganan ng teritoryo na pinakasentro ng mga Amalekita, samantalang ang Ilang ng Sur sa Peninsula ng Sinai ay kumakatawan naman sa isa pang hangganan, o gaya ng isinasaad sa The Interpreter’s Dictionary of the Bible, “mula sa disyertong looban ng Nejd sa H Arabia hanggang sa rehiyon sa H ng makabagong Suez sa Ehipto.” (Inedit ni G. A. Buttrick, 1962, Tomo 1, p. 101) Sa gayon, lumilitaw na sinaklaw nito ang HK bahagi ng Peninsula ng Arabia at marahil ay ang isang mas malaking lugar pa.

3. Isang anak ni Cus na anak ni Ham. (Gen 10:6, 7) Ipinapalagay ng maraming iskolar na ang pangalang Havila sa tekstong ito ay kumakatawan din sa isang rehiyon, at ang pangalan ay maaaring ikinapit sa lugar na pinamayanan ng mga inapo ng anak na ito ni Cus. Yamang ang karamihan sa mga inapo ni Cus ay lumilitaw na nandayuhan sa Aprika at Arabia kasunod ng pangangalat mula sa Babel (Gen 11:9), karaniwan nang iminumungkahi na ang mga inapo ng Cusitang si Havila ay dapat na iugnay sa rehiyon na tinatawag na Haulan sa sinaunang mga inskripsiyong Sabeano. Ang rehiyong ito ay nasa TK baybayin ng Arabia sa H ng makabagong-panahong Yemen. Karagdagan pa, iminumungkahi ng ilan na, sa paglipas ng panahon, ang mga nandayuhan mula sa tribong ito ay tumawid sa Dagat na Pula patungo sa lugar na tinatawag ngayon na Djibouti at Somalia sa Aprika, anupat ang sinaunang pangalan ay posibleng mababanaag sa pangalan ng Aualis. (A Dictionary of the Bible, inedit ni J. Hastings, 1903, Tomo II, p. 311) Posible rin naman na ang pandarayuhan ay patungo sa kasalungat na direksiyon, samakatuwid nga, mula sa Aprika patungong Arabia. Ang kipot ng Dagat na Pula, tinatawag na Bab el-Mandeb, na naghihiwalay sa Arabia mula sa Djibouti sa Aprika ay mga 32 km (20 mi) lamang ang lapad.

4. Isang anak ni Joktan at inapo ni Sem sa pamamagitan ni Arpacsad. (Gen 10:22-29) Ang pangalan ng iba pa sa mga anak ni Joktan, gaya nina Hazarmavet at Opir, ay maliwanag na kaugnay ng mga rehiyon sa T Arabia. Sa gayon ay malamang na ang Semitikong si Havila at ang kaniyang mga inapo ay namayan din sa Arabia, bagaman hindi matiyak kung sa timog. Ipinapalagay ng ilan na namayan siya sa mismong rehiyon na tinahanan ng Cusitang si Havila; ngunit ang pagkakatulad lamang ng kanilang mga pangalan ay hindi saligan upang ipalagay na, sa kabila ng pagkakaiba ng kanilang lahing pinagmulan, kapuwa sila nanirahan sa iisang lugar. Bagaman hindi tiyak ang katibayang nag-uugnay sa Cusitang si Havila sa rehiyon na nasa TK Arabia na tinatawag na Haulan (binanggit sa Blg. 3), anupat sa halip ay posibleng iugnay ang Haulan sa Semitikong si Havila, ang kaugnayan ng Haulan sa Aprika at ang pagiging malapit nito sa Etiopia (ang lupain ng Cus) ay waring papabor sa pag-uugnay nito sa Cusitang si Havila. Salig sa bagay na ito, malamang na ang Havila na nagmula kay Sem ay nanirahan sa teritoryong nasa mas dako pang H ng Arabia, anupat marahil ay siyang pinagkunan ng pangalan ng lupaing tinutukoy sa Blg. 1.