Hayop, Mga
Mga kaluluwang buháy na hindi tao. (Ihambing ang Bil 31:28.) Ang salitang Hebreo na behe·mahʹ ay tumutukoy sa malalaking hayop na may apat na paa, kadalasan ay sa mga alagang hayop ngunit kung minsan ay sa mababangis na hayop. Isinasalin ito bilang “maaamong hayop,” “mga hayop,” “mga alagang hayop,” at “mga baka.” (Gen 1:26; 9:10; 34:23; Aw 107:38) Ang Hebreong reʹmes ay tumutukoy sa mga “gumagalang hayop” o “gumagapang na mga bagay” at nagmula sa salitang-ugat na ra·masʹ, nangangahulugang “gumala; gumapang.” (Gen 6:20; Eze 8:10; Gen 1:28, tlb sa Rbi8) Gayundin, ang terminong Hebreo na chai·yahʹ, na literal na nangangahulugang “nilalang na buháy,” ay ginagamit upang tumukoy sa “maiilap na hayop.” (Gen 1:28; 3:14; Isa 56:9) Ang katumbas ng mga ito sa Griego ay zoiʹon (nilalang na buháy), na isinasalin din bilang “hayop.”—Apo 4:7; 2Pe 2:12.
Ang Diyos na Jehova ang nag-anyo sa lahat ng mga hayop, anupat bawat uri ng pamilya ay may kinatawan sa mga hayop na orihinal na nilalang, sapagkat tinitiyak sa atin ng ulat na ginawa ng Diyos ang mga hayop na bawat isa ay “ayon sa uri nito.” (Gen 1:25) Sa artikulong ito ay partikular nating isasaalang-alang ang mga hayop sa katihan.
Yamang ipinagkaloob ng Diyos sa taong sakdal ang pamumuno sa iba’t ibang nilalang sa lupa, angkop na angkop na si Adan ang magkapribilehiyong panganlan ang mga nilalang na ito. (Gen 1:26; 2:19, 20) Dahil ang tao ang binigyan ng kapamahalaan sa mga hayop, siya ay naging katiwala ng isang bagay na ipagsusulit niya sa Diyos.—Luc 12:48.
Ang mga hayop ay nilalang na taglay ang takot at panghihilakbot sa tao bilang nakatataas sa kanila. (Gen 9:2, 3) Ayon sa mga naturalista, karaniwan nang lumalayo sa tao ang mababangis na hayop, gaya ng leopardo at king cobra, bagaman umaatake rin sila kapag ginalit, sinugatan, nasukol, o nagulat. Halimbawa, sinasabing ang mga tigre ay natutong kumain ng tao dahil lamang sa mga kalagayan, gaya ng katandaan o pinsala sa katawan na lubhang nagpapahina sa kakayahan ng tigre na makahuli ng mga hayop na dati nitong sinisila, o ng pagkaunti ng mga hayop na sinisila ng tigre dahil sa pangangasong ginagawa ng tao.
Bago pa man ang Baha, pinapatay na ang mga hayop upang maglaan ng pananamit para sa tao at ng hain para sa paghahandog. (Gen 3:21; 4:4) Gayunman, pagkatapos ng Delubyo, binigyan na ni Jehova si Noe at ang kaniyang pamilya ng pahintulot na kumain ng karne ng hayop, sa kundisyon na patutuluin nila ang dugo nito. (Gen 9:3, 4) Bagaman pinahintulutan ang tao na pumatay ng mga hayop para sa kinakailangang pagkain, hindi siya pinahintulutang pumatay ng mga hayop para lamang sa kasiyahan sa pangangaso o para lamang itanghal ang kaniyang kakayahang mangaso, gaya ng walang alinlangang ginawa ni Nimrod, na naging rebelde sa Diyos.—Gen 10:9.
Ikinakatuwiran ng ilan na ang pagkakaroon ng mga hayop sa nakabukod na mga pulo tulad ng Australia at New Zealand ay indikasyon na hindi lahat ng mga hayop sa katihan na nasa labas ng arka ay nalipol sa Delubyo. Gayunman, ipinakikita ng mga tuklas ng mga oseanograpo na noong sinaunang panahon ay magkakarugtong, sa pamamagitan ng mga tagaytay na lupa, ang mga kalupaang magkakabukod na ngayon. Halimbawa, ipinakikita ng mga pag-aaral sa oseanograpiya na maaaring ang Mid-Atlantic Ridge sa karagatang iyon ay hindi nakalubog noon sa tubig. Posibleng may iba pang mga tagaytay noon, at maaaring nandayuhan ang mga hayop sa pamamagitan ng pagtawid sa mga tagaytay na iyon bago pa lumubog ang mga iyon sa ilalim ng tubig ng karagatan. Ang iba pang mga pag-aaral sa oseanograpiya ay naghaharap ng katibayan na may isang pagkalaki-laking kontinente ng South Pacific noon na sumasaklaw sa Australia at sa maraming isla ng South Sea. Sa gayong kalagayan, tiyak na hindi naging mahirap sa mga hayop na mandayuhan sa mga lupaing ito.
Malilinis at Maruruming Hayop. Mapapansin na may ginawang pag-uuri-uri ng mga hayop nang tagubilinan ng Diyos si Noe na magpasok sa arka ng pito sa bawat malinis na hayop at dalawa sa bawat maruming hayop. (Gen 7:2, 3, 8, 9) Yamang hindi pa ipinahihintulot noon ang pagkain ng karne, malamang na ang pagkakaibang ito sa pagitan ng malinis at marumi ay batay sa kung ano ang kaayaaya kay Jehova bilang hain. Kaya naman, pagkalabas ni Noe sa arka, alam niya kung aling mga hayop ang malinis at angkop na ihandog sa ibabaw ng altar. (Gen 8:20) Noong panahong iyon ay walang anumang restriksiyon may kinalaman sa uri ng mga hayop na maaaring kainin ni Noe at ng kaniyang pamilya, gaya ng ipinahihiwatig ng mga salita ni Jehova: “Bawat gumagalang hayop na buháy ay magiging pagkain para sa inyo.”—Gen 9:3.
Lev 11:3) At muli: “Huwag kang kakain ng anumang uri ng karima-rimarim na bagay. Ito ang uri ng hayop na makakain ninyo: ang toro, ang tupa at ang kambing, ang lalaking usa at ang gasela at ang maliit na usa at ang mailap na kambing at ang antilope at ang mailap na tupa at ang gamusa; at bawat hayop na may hati ang kuko at biyak ang kuko sa dalawa, na ngumunguya ng dating kinain sa gitna ng mga hayop.”—Deu 14:3-6.
Samakatuwid, isang bagong klasipikasyon ang sinimulan ng kautusan ng Diyos sa mga Israelita nang uri-uriin nito ang partikular na mga hayop bilang malinis at angkop kainin at ang iba naman bilang marumi at bawal kainin. Espesipikong sinasabi ng kasulatan: “Bawat nilalang na may hati ang kuko at may biyak ang mga kuko at ngumunguya ng dating kinain sa gitna ng mga hayop, iyon ang makakain ninyo.” (Ang mga hayop na hindi nagtataglay ng isa o ng dalawa sa nabanggit na mga katangian ay hindi dapat kainin niyaong mga nasa ilalim ng mga kundisyon ng tipang Kautusan. Kabilang sa mga hayop na ipinagbawal ang kuneho sa batuhan, ang kuneho, ang baboy, at ang kamelyo. Ipinagbawal din ang mga nilalang na ‘inilalakad ang kanilang mga pangalmot,’ walang alinlangang kasama rito ang mga hayop na gaya ng leon, oso, at lobo.—Lev 11:4-8, 26, 27; Deu 14:7, 8.
Ang mga limitasyong ito sa pagkain ay para lamang sa mga nasa ilalim ng Kautusang Mosaiko, sapagkat sinasabi sa Levitico 11:8: “Ang mga iyon ay marumi para sa inyo,” samakatuwid nga, para sa mga Israelita. Nang pawalang-bisa ang Kautusan salig sa sakripisyong kamatayan ni Kristo Jesus, kinansela ang mga pagbabawal, at muling maituturing ng lahat ng mga tao na sila ay nasa ilalim ng malawak na probisyon na ipinahayag kay Noe pagkatapos ng Delubyo.—Col 2:13-17; Gen 9:3, 4.
Yamang inalis na ang restriksiyon may kinalaman sa maruruming pagkain kasama ng iba pang bahagi ng Kautusan, maaaring bumangon ang tanong kung bakit si Pedro, pagkaraan ng mga tatlo at kalahating taon, ay hindi pa rin kumakain ng anumang hayop na “marumi.” (Gaw 10:10-15) Dapat tandaan na nang kanselahin ang Kautusan, nagdulot ito ng malalaking pagbabago sa buhay ng mga tagasunod ni Kristo, at samakatuwid ay mahaba-habang panahon din ang kinailangang lumipas bago nila naunawaan ang lahat ng nasasangkot dito.
Ginamit Bilang mga Sagisag. Ang namumukod-tanging mga ugali ng mga hayop ay tinutukoy at ginagamit ng mga manunulat ng Bibliya upang sumagisag sa iba’t ibang katangian at kakayahan. Kung minsan, ang kaanyuan ng mga hayop ay maaaring lumarawan sa mahuhusay na katangian, kapuwa ng Diyos at ng tao. (Eze 1:10, 11; Apo 4:6, 7) Sa ibang mga pagkakataon naman, maaaring gamitin ang mga hayop upang kumatawan sa mabangis at tulad-hayop na mga namamahalang kapangyarihan na sumisiil at nagpapahirap sa mga tao.—Dan 7:2-7; 8:5-8, 20, 21; Apo 13:1-17; tingnan ang HAYOP, MAKASAGISAG NA MGA.
Wastong Paggamit at Pangmalas sa mga Hayop. May kaugnayan sa pagsamba sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, ang baka, tupa, at kambing ay kabilang sa mga hayop na tinatanggap bilang hain. Ang gayong mga hayop ay dapat na malulusog, at hindi dapat ihain ang hayop na kinapon. (Lev 22:23-25) Ipinagbawal ang paggamit ng dugo ng hayop bilang pagkain o ukol sa anumang layunin maliban sa paghahain. (Lev 17:13, 14) Mahigpit na ipinagbawal ang pagsamba sa anumang wangis ng hayop o ng iba pang bagay na nilalang.—Exo 20:4, 5.
Idiniriin ng Bibliya ang matuwid at maawaing pagtrato sa nakabababang mga nilalang. Inilalarawan pa nga ni Jehova ang kaniyang sarili bilang ang Maibiging Tagapaglaan para sa kanilang buhay at kapakanan. (Kaw 12:10; Aw 145:15, 16) Iniutos ng Kautusang Mosaiko na dapat pangalagaan nang wasto ang mga alagang hayop. Kapag nakawala at natagpuan, ang mga ito ay dapat ibalik nang ligtas sa may-ari, at kapag hirap na hirap ang mga ito dahil sa kanilang pasan, dapat silang kalagan. (Exo 23:4, 5) Dapat silang gamitin sa pagtatrabaho nang may kabaitan. (Deu 22:10; 25:4) Gaya ng tao, dapat silang makinabang sa pagpapahinga tuwing Sabbath. (Exo 20:10; 23:12; Deu 5:14) Ang mapanganib na mga hayop ay dapat kontrolin o patayin. (Gen 9:5; Exo 21:28, 29) Hindi dapat palahian sa isa’t isa ang mga hayop na magkakaibang uri.—Lev 19:19.
Nababatid ng mga taong may takot sa Diyos na ang mga hayop ay bahagi ng saganang paglalaan ng Diyos para sa kapakanan ng tao. Ang mga hayop ay nagsisilbi sa tao bilang mga tagapagdala ng pasan, bilang mga mapagkukunan ng pagkain at pananamit, bilang mga kasangkapan ukol sa kalinisan, at bilang mga katulong sa mahahalagang gawain ng pag-aararo at pag-aani. Ang kanilang iba’t ibang anyo at kulay ay kalugud-lugod sa kaniyang paningin; ang kanilang mga kinagawian at mga likas na ugali, kapuwa noon at ngayon, ay isang malawak na larangan para sa pagsasaliksik sa mga kamangha-manghang bagay sa gawang paglalang ng Diyos. Namamatay ang mga hayop sa paraang katulad ng pagkamatay ng tao, ngunit di-gaya ng tao, wala silang pag-asa ng pagkabuhay-muli.—2Pe 2:12; bilang karagdagan, tingnan ang mga hayop, mga ibon, mga insekto, at mga reptilya sa ilalim ng kani-kanilang pangalan; gayundin ang IBON; INSEKTO, MGA; ISDA.