Hazael
[Minasdan ng Diyos].
Isang bantog na hari ng Sirya; lumilitaw na nagsimulang mamahala si Hazael noong panahon ng paghahari ni Haring Jehoram ng Israel (mga 917-905 B.C.E.). (2Ha 8:7-16) Namatay siya noong panahon ng paghahari ni Haring Jehoas ng Israel (mga 859-845 B.C.E.). (2Ha 13:24, 25) Si Hazael ay hindi nagmula sa maharlikang angkan kundi isa lamang mataas na opisyal na naglingkod sa kaniyang hinalinhan, si Haring Ben-hadad II ng Sirya.—2Ha 8:7-9.
Ilang taon bago ang paghahari ni Hazael, tinagubilinan ni Jehova si Elias na ‘pahiran si Hazael bilang hari sa Sirya.’ Inatasan siya dahil nagkasala ang Israel laban sa Diyos at si Hazael ang maglalapat ng kaparusahan sa bansa.—1Ha 19:15-18.
Si Hazael ay hindi literal na pinahiran ng langis, ngunit ang atas na ibinigay kay Elias ay tinupad ng kahalili niyang si Eliseo na propeta. Naganap ito nang magkasakit ang Siryanong si Haring Ben-hadad II at isugo nito si Hazael sa Damasco na pangunahing lunsod ng Sirya. Si Hazael ay inutusang 2Ha 8:7-15.
magdala ng kaloob at sumangguni kay Eliseo kung si Ben-hadad ay gagaling pa sa kaniyang sakit o hindi na. Sinabi ni Eliseo kay Hazael: “Humayo ka, sabihin mo [kay Ben-hadad], ‘Ikaw ay tiyak na gagaling,’” ngunit nagpatuloy ang propeta, na sinasabi: “At ipinakita sa akin ni Jehova na siya ay tiyak na mamamatay.” Sinabi pa niya kay Hazael: “Ipinakita ka sa akin ni Jehova bilang hari sa Sirya.” Nang bumalik si Hazael, bilang tugon sa tanong ng hari hinggil sa sagot ni Eliseo, si Hazael ay nagsabi: “Sinabi niya sa akin, ‘Ikaw ay tiyak na gagaling’”; ngunit nang sumunod na araw, sinakluban ni Hazael ng isang basang kubrekama ang mukha ng hari hanggang sa mawalan ito ng hininga at nagsimula siyang mamahala bilang kahalili nito.—Ang mga salita ni Eliseo kay Hazael ay naging paksa ng maraming pala-palagay. Ayon sa panggilid ng tekstong Masoretiko, gayundin ng Griegong Septuagint, Latin na Vulgate, Syriac na Peshitta, at 18 manuskritong Hebreo, ang teksto ay kababasahan: “Sabihin mo sa kaniya, ‘Ikaw ay [mamamatay],’” samantalang ang pinakakatawan ng tekstong Masoretiko ay nagsasabi, “Sabihin mo, ‘Ikaw ay hindi [mamamatay].’”
Kung ang pagkakasalin ay uunawain na sinabihan si Hazael na sabihin kay Ben-hadad “‘Ikaw ay tiyak na gagaling,’” ang sagot ni Eliseo sa tanong ni Ben-hadad ay maaaring nasa anyong bugtong, na nangangahulugang hindi mamamatay si Ben-hadad sa kaniyang sakit ngunit mamamatay pa rin siya (gaya nga ng nangyari sa kaniya, sa kamay ni Hazael). Gayunpaman, bibigang sinabi ni Hazael sa hari ang unang bahagi ng sagot ni Eliseo: “Ikaw ay tiyak na gagaling,” ngunit ang nalalabing bahagi ng sagot ay isinagawa ni Hazael sa marahas na pagkilos.—2Ha 8:10.
Siniil ni Hazael ang Israel. Di-nagtagal pagkatapos na maging hari, nakipagdigma si Hazael sa mga hari ng Israel at Juda sa Ramot-gilead (Rama). Noong panahong iyon, si Haring Jehoram ng Israel ay nasugatan, ngunit ang kinalabasan ng pagbabaka ay hindi binanggit sa ulat. (2Ha 8:25-29; 2Cr 22:1-6) Noong mga araw ng kahalili ni Jehoram na si Haring Jehu ng Israel, sinimulang kunin ni Hazael nang unti-unti ang lupain ng Israel, anupat binihag ang Gilead at Basan, na nasa S ng Jordan. (2Ha 10:32, 33) Lumilitaw na ito ang nagbukas ng daan para sa pagsalakay niya sa kaharian ng Juda nang dakong huli. Kinuha ni Hazael ang lunsod ng Gat sa Filistia at pagkatapos ay itinuon ang kaniyang mukha na umahon laban sa Jerusalem. Gayunman, sinuhulan ni Haring Jehoas ng Juda si Hazael sa pamamagitan ng pagbibigay sa kaniya ng mahahalagang bagay mula sa templo at palasyo anupat umurong si Hazael, sa gayon ay pinaligtas ang Jerusalem.—2Ha 12:17, 18.
Lalo na noong panahon ng paghahari ng anak ni Jehu na si Jehoahaz ng Israel, buong-lupit na siniil ni Hazael ang Israel, anupat tinupad ang patiunang nakita ng propetang si Eliseo—na sisilaban ni Hazael sa apoy ang mga nakukutaang dako ng Israel, papatayin sa pamamagitan ng tabak ang kanilang mga piling lalaki, pagluluray-lurayin ang kanilang mga anak, at wawakwakin ang kanilang mga babaing nagdadalang-tao. (2Ha 13:3, 22; 8:12) Gayunman, hindi pinahintulutan ng Diyos na lubusang durugin ng Sirya ang Israel. (2Ha 13:4, 5) Pagkamatay ni Hazael, sa tatlong tagumpay ay muling nabihag ni Haring Jehoas ng Israel mula sa anak ni Hazael na si Ben-hadad III ang mga lunsod na kinuha ni Hazael mula kay Haring Jehoahaz na kaniyang ama. (2Ha 13:23-25) Nang maglaon, “isinauli [ni Haring Jeroboam II ng Israel] ang Damasco at ang Hamat sa Juda sa Israel.”—2Ha 14:28.
Sa Sinaunang mga Inskripsiyon. Binabanggit si Hazael sa isang inskripsiyon ng kasaysayan na natagpuan sa isang lugar na ngayon ay tinatawag na Afis, mga 40 km (25 mi) sa TK ng Aleppo. Ang inskripsiyong ito ay kaayon ng Bibliya, na ang anak ni Hazael na si Ben-hadad III, tinawag dito na “Barhadad,” ay humalili sa kaniya bilang hari ng Sirya.
Ang mga kampanya ni Salmaneser III laban sa Sirya ay nakatala sa kaniyang mga ulat ng kasaysayan, kung saan isinasalaysay niya ang kaniyang mga tagumpay laban kay Hazael. Sa mga ulat na ito ng kasaysayan, si Hazael ay tinatawag na isang karaniwang mamamayan (sa literal, anak ng isang taong walang halaga), tiyak na dahil hindi siya nagmula sa maharlikang angkan kundi kinuha niya ang trono ng Damasco sa pamamagitan ng pagpaslang kay Haring Ben-hadad II. Ang isa sa mga inskripsiyong ito ay kababasahan: “Noong ikalabingwalong taon ng aking pamamahala ay tinawid ko ang Eufrates sa ikalabing-anim na pagkakataon. Inilagak ni Hazael ng Damasco (Imerisu) ang kaniyang tiwala sa kaniyang malaking hukbo at tinawag niya ang kaniyang mga pulutong na may malaking bilang, anupat ang bundok ng Senir (Sa-ni-ru), isang bundok, na nakaharap sa Lebanon, ay ginawa niyang kaniyang tanggulan. Nakipaglaban ako sa kaniya at dinulutan ko siya ng pagkatalo, anupat pinatay ko sa pamamagitan ng tabak ang 16,000 sa kaniyang makaranasang mga kawal. Kinuha ko sa kaniya ang 1,121 karo, 470 sinasakyang kabayo gayundin ang kaniyang kampo. Tumakas siya upang iligtas ang kaniyang buhay (ngunit) sinundan ko siya at kinubkob ko siya sa Damasco (Di-mas-qi), ang kaniyang maharlikang tirahan. (Doon ay) sinira ko ang kaniyang mga hardin (sa labas ng lunsod, at lumisan ako). Nagpatuloy ako hanggang sa mga bundok ng Hauran (sadeematHa-u-ra-ni), anupat winasak, giniba at sinunog ang di-mabilang na mga bayan,
tangay ang samsam mula sa kanila na pagkarami-rami.”—Ancient Near Eastern Texts, inedit ni J. B. Pritchard, 1974, p. 280.Gayunman, maliwanag na nabigo si Salmaneser III na makuha ang mismong Damasco. Lumilitaw na isinagawa ito ni Tiglat-pileser III, noong mga araw ng Siryanong si Haring Rezin. Tinupad nito ang hula ni Jehova sa pamamagitan ni Amos: “Magsusugo ako ng apoy sa bahay ni Hazael, at lalamunin nito ang mga tirahang tore ni Ben-hadad. At babaliin ko ang halang ng Damasco.”—Am 1:4, 5; 2Ha 16:9.