Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Hazor

Hazor

[Looban; Pamayanan].

1. Ang pangunahing lunsod ng hilagang Canaan noong panahon ng pananakop ng Israel sa ilalim ng pangunguna ni Josue. (Jos 11:10) Ipinapalagay na ang Hazor ay ang Tell el-Qedah (Tel Hazor) na mga 11 km (7 mi) sa TTS ng iminumungkahing lokasyon ng Kedes. Ayon sa arkeologong si Yigael Yadin, na nangasiwa sa isinagawang mga paghuhukay sa lugar na iyon mula noong 1955 hanggang 1958 at 1968 hanggang 1969, ang Hazor noong panahon ni Josue ay humigit-kumulang 60 ektarya (150 akre) at maaaring nanirahan doon ang mula 25,000 hanggang 30,000 katao.

Pinangunahan ni Jabin na hari ng Hazor ang nagsanib na mga hukbo ng hilagang Canaan laban kay Josue, ngunit dumanas sila ng kahiya-hiyang pagkatalo. Ang Hazor mismo ay sinunog. Sa lugar na iyon, tanging ang lunsod na ito na nakatayo sa isang bunton ang tinrato nang gayon. (Jos 11:1-13) Bagaman nang maglaon ay iniatas ito sa tribo ni Neptali (Jos 19:32, 35, 36), ang Hazor, noong panahon nina Debora at Barak, ay naging kabisera ng isa pang makapangyarihang Canaanitang hari na tinawag ding Jabin.​—Huk 4:2, 17; 1Sa 12:9.

Gaya ng Gezer at Megido, ang Hazor ay pinatibay ni Haring Solomon. (1Ha 9:15) Ipinakikita ng mga natuklasan sa arkeolohiya na magkakatulad ang pagkakatayo ng mga pintuang-daan ng tatlong lunsod na ito. Sa pag-uulat tungkol sa mga paghuhukay sa Hazor, ganito ang isinulat ni Yigael Yadin sa kaniyang akdang The Art of Warfare in Biblical Lands (1963, Tomo II, p. 288): “Nang magsimulang lumitaw ang pintuang-daan ng pader na ito mula sa alabok at lupa na marahang pinapala, nagulat kami sa pagkakatulad nito sa ‘Pintuang-daan ni Solomon’ na natuklasan sa Megido. Bago kami magpatuloy sa paghuhukay, gumawa kami ng mga marka sa lupa ayon sa pagtaya namin sa plano ng pintuang-daan batay sa pintuang-daan ng Megido. At pagkatapos ay sinabihan namin ang mga trabahador na ituloy nila ang pagtatanggal ng lupa at mga bato. Nang matapos sila, tiningnan nila kami nang may pagkamangha, na para bang kami’y mga mahiko o mga manghuhula. Sapagkat naroroon, sa harapan namin, ang pintuang-daan na ang hugis ay minarkahan namin, isang replika ng pintuang-daan ng Megido. Pinatunayan nito na ang dalawang pintuang-daang ito ay itinayo ni Solomon at iisang pangkalahatang plano ang sinunod sa mga ito.”

Mahigit 200 taon pagkamatay ni Solomon, noong naghahari ang Israelitang si Haring Peka, nilupig ng Asiryanong hari na si Tiglat-pileser III ang Hazor at dinala niya sa pagkatapon ang mga naninirahan dito.​—2Ha 15:29.

2. Isang Judeanong lunsod sa Negeb. Marahil ay maiuugnay ito sa el-Jebariyeh, na mga 24 na km (15 mi) sa SHS ng iminumungkahing lokasyon ng Kades-barnea (malamang na ito rin ang Kedes).​—Jos 15:21, 23.

3. Ibang pangalan ng Keriot-hezron, isang bayan ng Juda na karaniwang ipinapalagay na ang Khirbet el-Qaryatein (Tel Qeriyyot), mga 20 km (12 mi) sa T ng Hebron.​—Jos 15:21, 25.

4. Isang bayan sa teritoryo ng Benjamin. (Ne 11:31, 33) Ang Khirbet Hazzur, na mga 7 km (4.5 mi) sa HK ng Temple Mount sa Jerusalem, ay iminumungkahi bilang ang malamang na lokasyon nito.

5. Isang rehiyon sa Disyerto ng Arabia sa silangan ng Jordan. Sa hula ni Jeremias, binanggit na ito’y nakatalagang samsaman ni Haring Nabucodorosor (Nabucodonosor) ng Babilonya.​—Jer 49:28-33.

[Larawan sa pahina 927]

Mga guho ng pintuang-daan sa Hazor na maliwanag na mula pa noong panahon ni Solomon