Helkat
[Patag na Dako].
Isang lunsod na nakatalang kabilang sa mga hangganang dako ng tribo ni Aser. (Jos 19:24, 25, 31) Nang maglaon ay iniatas ito sa mga Gersonita bilang isang lunsod ng mga Levita. (Jos 21:27, 30, 31) Sa 1 Cronica 6:75, lumilitaw ito sa ibang baybay na Hukok. Di-tiyak kung saan ang lokasyon nito. Ipinapalagay ng ilan na ito ang Khirbet el-Harbaj (Tel Regev), na 18 km (11 mi) sa T ng Aco at malapit sa paanan ng kabundukan ng Carmel. Ipinapalagay naman ng The Illustrated Bible Dictionary na inedit ni J. D. Douglas (1980, Tomo 2, p. 634) na “marahil ay mas tama ang Tell el-Qasis,” na mga 9 na km (5.5 mi) sa T ng Khirbet el-Harbaj, at nasa bukana ng Libis ng Jezreel. Yamang ang mga bayan ng Hali at Beten, na binanggit kasunod ng Helkat sa talaang nasa Josue 19:24-26, ay karaniwang itinuturing na nasa timugang bahagi ng Kapatagan ng Aco, ipahihiwatig ng pag-uugnay ng Helkat sa Tell el-Qasis (Tel Qashish) na ang hangganan ng Aser ay nagsisimula sa pinakatimog-silangang bahagi ng Kapatagan ng Aco, at hindi sa hilaga patungong timog. Gayunman, upang matiyak ito, kailangan pang matukoy ang ibang mga bayan.