FEATURE
Heograpikong Kaanyuan ng Lupang Pangako
ANG lupaing ibinigay ng Diyos sa sinaunang Israel ay may pambihira at sari-saring heograpikong kaanyuan. Sa hilaga ay mga bundok na nababalutan ng niyebe. Ang mga lugar naman sa timog ay tropikal. Sa loob ng mga hanggahan nito ay may mabunga at mabababang lupain, maburol na mga lupaing mapagtatamnan at mapagpapastulan ng mga kawan, at mga tiwangwang na ilang. Matatagpuan sa maituturing na maliit na lugar na ito ang iba’t ibang heograpikong kaanyuan ng planetang Lupa.
Kahangga ng Dagat Mediteraneo sa dulong silangan ang isang matabang kapatagan. Sa dakong silangan ng kapatagang ito ay naroon ang Sepela, na isang maburol at mababang lupain na sagana sa ubasan at taniman ng olibo. Sa mas gawing silangan pa, isang kabundukan na mistulang isang pagkalaki-laking gulugod ang bumabagtas sa kahabaan ng lupain. Pagkatapos, ang lupain ay biglang lumulusong sa Rift Valley, na humahati sa lupain nang pahaba. Sa Rift Valley na ito nagpapaliku-liko ang Ilog Jordan mula sa Dagat ng Galilea pababa sa Dagat Asin. Sa silangan ng Jordan ay makikita ang matatabang burol at mga pastulan. Sa ibayo ng kaakit-akit na lupaing ito, sa dakong silangan, ay nagsisimula ang Disyerto ng Arabia.
Noong kagandahan nito, ang Lupang Pangako sa kabuuan ay tulad ng hardin ng Eden. Kaya nga, ang Israel ay nagsilbing isang maliit na halimbawa ng Paraiso para sa sangkatauhang mabubuhay sa lupa sa ilalim ng Kaharian ng Diyos.