Hermes
1. Isa sa mga Kristiyano sa kongregasyon sa Roma na pinadalhan ni Pablo ng personal na mga pagbati.—Ro 16:14.
2. Isang diyos ng mga Griego. Siya’y anak ni Zeus kay Maia at iniuugnay ng mga Romano sa kanilang diyos ng komersiyo na si Mercury. Si Hermes ay itinuring na mensahero ng mga diyos. Pinaniniwalaan na siya ang pantas na tagapayo ng mga bayani at na siya ang diyos ng komersiyo, mahusay na pagsasalita, kasanayan sa gymnastics, pagtulog, at mga panaginip. Sinasabing ginagabayan ng diyos na ito hindi lamang ang mga buháy kundi inihahatid din niya sa Hades ang mga patay.
Noong nasa Listra ang apostol na si Pablo, nakita ng mga tagaroon na pinagaling niya ang isang lalaking pilay mula pa nang ipanganak ito. Dahil dito, sinabi nila na si Pablo ay ang diyos na si Hermes, yamang si Pablo ang “nangunguna sa pagsasalita.” (Gaw 14:8-13) Ang pag-uugnay na ito ay dahil sa kanilang paniniwala na si Hermes ay isang mensahero ng mga diyos at isang diyos ng mahusay na pagsasalita. Si Hermes ay sinamba ng mga taga-Listra at ipinakikita ito ng isang inskripsiyong natagpuan sa lugar na iyon noong 1909: “Si Toues Macrinus na tinatawag ding Abascantus at si Batasis na anak ni Bretasis, alinsunod sa isang panata at sa sarili nilang gastos, ay gumawa ng [isang estatuwa ni] Hermes na Pinakadakila at ng isang sun-dial, pagkatapos ay inialay ito kay Zeus na diyos-araw.”—The International Standard Bible Encyclopaedia, inedit ni J. Orr, 1960, Tomo III, p. 1944.