Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Herong Tanda

Herong Tanda

Noon, sa gitna ng ibang mga pagano, pinapaso o tinatatakan ang balat ng mga alipin upang mag-iwan dito ng mga herong tanda bilang marka ng pagmamay-ari; iba’t iba ang disenyo ng gayong mga herong tanda. Inihula ni Jehova na bilang mga alipin ng mga banyagang manlulupig, ang palalong mga babae ng Juda ay magkakaroon ng “isang herong tanda [sa Heb., ki] sa halip na kariktan.”​—Isa 3:24.

Kung minsan, ang mga mananamba sa idolo ay nagpapatatak noon ng pangalan, emblema, o larawan ng kanilang idolong diyos sa kanila mismong sarili upang ipakita o itanghal na tapat sila sa diyos na iyon. Ipinagbawal sa ilalim ng Kautusang Mosaiko ang sinasadyang pagpapasamâ sa anyo ng katawan. (Lev 19:28) Sa ilalim ng Kautusan, ang tanging tanda na inilalagay sa isang alipin ay ang pagbutas sa tainga ng isa na kusang humiling na maging alipin ng kaniyang panginoon “hanggang sa panahong walang takda.”​—Deu 15:16, 17.

Sumulat si Pablo sa mga taga-Galacia: “Dala ko sa aking katawan ang mga herong tanda [sa Gr., stigʹma·ta] ng isang alipin ni Jesus.” (Gal 6:17) Dahil sa kaniyang paglilingkurang Kristiyano, maraming tinamong pisikal na pang-aabuso ang katawang laman ni Pablo, anupat tiyak na ang iba sa mga iyon ay nag-iwan sa kaniya ng mga pilat, na nagpapatotoo sa pagiging tunay ng pag-aangkin niya na isa siyang tapat na alipin na pag-aari ni Jesu-Kristo. (2Co 11:23-27) Maaaring ang mga ito ang tinutukoy niyang mga tanda. O maaaring ang tinutukoy niya ay ang buhay niya bilang isang Kristiyano, anupat ipinamamalas ang mga bunga ng espiritu at isinasagawa ang gawain ng kaniyang ministeryong Kristiyano.​—Tingnan ang MARKA.