Hesbon
Isang lugar na ipinapalagay na ang makabagong Hisban, isang wasak na lunsod na mga 20 km (12 mi) sa TK ng Raba (ʽAmman). Ito’y nasa bandang kalagitnaan ng Arnon at ng Jabok. (Jos 12:2) Hanggang sa ngayon ay wala pang natatagpuang anumang arkeolohikal na mga labí roon na mula pa noong panahon ng mga Canaanita. Isang malaki at wasak na imbakan ng tubig ang makikita di-kalayuan sa dakong S ng Hesbon, at mga 180 m (600 piye) naman sa ibaba ng lunsod ay may isang bukal na lumikha ng sunud-sunod na mga lawa.—Ihambing ang Sol 7:4; tingnan ang BAT-RABIM.
Binihag ng Amoritang hari na si Sihon ang Hesbon mula sa mga Moabita at ginawa niya itong kaniyang maharlikang tirahan. Ang pagkatalong ito ng mga Moabita ay nagsilbing saligan ng isang mapangutyang kasabihan, na maaaring nanggaling sa mga Amorita o sa mga Israelita. Kung ang kasabihang ito’y nagmula sa mga Amorita, panlilibak ito sa mga Moabita at ipinapaalaala nito ang tagumpay ni Haring Sihon. Ngunit kung ito’y nagmula sa mga Israelita, ipinahihiwatig nito na kung paanong inagaw ni Sihon ang Hesbon mula sa mga Moabita, kukunin din ng Israel ang Hesbon at ang ibang mga lunsod mula sa mga Amorita. Kaya naman ipinahihiwatig ng pagkutya na dahil sa tagumpay ni Sihon, magiging pag-aari ng mga Israelita ang lupain na hindi sana dapat mapasakanila.—Bil 21:26-30; Deu 2:9.
Nang hindi pahintulutan ni Haring Sihon ang mga Israelita sa ilalim ng pangunguna ni Moises na dumaan nang payapa sa kaniyang lupain at sa halip ay naghanda itong makipagbaka laban sa kanila, pinagtagumpay ni Jehova ang kaniyang bayan laban kay Sihon. Ang mga Amoritang lunsod, walang alinlangang pati na ang Hesbon, ay itinalaga sa pagkapuksa. (Deu 2:26-36; 3:6; 29:7; Huk 11:19-22) Pagkatapos nito, muling itinayo ng mga Rubenita ang Hesbon (Bil 32:37), yamang kasama ito sa mga lunsod na ibinigay ni Moises sa kanila. (Jos 13:15-17) Bilang isang lunsod na nasa hanggahan ng Ruben at Gad, ang Hesbon nang maglaon ay naging bahagi ng teritoryo ng Gad at binanggit bilang isa sa apat na Gaditang lunsod na nakaatas sa mga Levita.—Jos 21:38, 39; 1Cr 6:77, 80, 81.
Maliwanag na ang Hesbon nang dakong huli ay napasailalim ng kontrol ng mga Moabita, yamang binanggit ito kapuwa nina Isaias at Jeremias sa kanilang mga kapahayagan ng kapahamakan laban sa Moab. (Isa 15:4; 16:7-9; Jer 48:2, 34, 45) Tinukoy rin ni Jeremias ang lunsod na ito sa isang kapahayagan laban sa Ammon. (Jer 49:1, 3) Ayon sa ibang komentarista, ipinahihiwatig nito na nang panahong iyon, ang Hesbon ay napasakamay ng mga Ammonita. May mga nagmumungkahi naman na maaaring ito’y nangangahulugan na ang kahihinatnan ng Hesbon ng Moab ay magiging katulad niyaong sa Ai o na ibang Hesbon sa teritoryo ng Ammon ang tinutukoy.
Ayon sa Judiong istoryador na si Josephus, noong panahon ni Alexander Jannaeus (103-76 B.C.E.), ang Hesbon ay pag-aari ng mga Judio. Nang maglaon, pinamahalaan ni Herodes na Dakila ang lunsod
na ito.—Jewish Antiquities, XIII, 395-397 (xv, 4); XV, 294 (viii, 5).