Higaan
Noong panahon ng Bibliya, gaya rin sa ngayon, ang mga tulugan ay may iba’t ibang uri, istilo, at kayarian, depende sa yaman, katayuan sa buhay, at mga kostumbre ng mga tao. Kadalasan, ang mga dukha, mga tagapag-alaga ng kawan, at mga manlalakbay ay sa lapag lamang humihiga, anupat kung minsa’y sinasapnan nila iyon ng manipis na kutson o malapad na tabla; ang mga higaan naman ng mga tagapamahala at ng mayayaman sa kanilang permanenteng mga tahanan ay napakamamahalin at napakagarbo.
Ang karaniwang terminong Hebreo para sa “higaan” ay mish·kavʹ, mula sa salitang-ugat na sha·khavʹ (humiga). (Gen 49:4; Lev 26:6) Sa Griego, ang karaniwang termino naman ay kliʹne, mula sa kliʹno (humilig). (Mat 9:2; Luc 9:58, Int) Ang isa pang terminong Griego para sa “higaan,” ang koiʹte, na pangunahin nang tumutukoy sa isang dakong mahihigan (Luc 11:7), ay ginagamit din upang tumukoy sa “higaang pangmag-asawa” (Heb 13:4) at sa “bawal na pakikipagtalik” (Ro 13:13); kapag ginagamit bilang metonimya, tumutukoy ito sa paglilihi. (Ro 9:10) Ang iba pang mga terminong Hebreo para sa mga dakong hinihigaan ay mit·tahʹ (higaan), ʽeʹres (kama), at ya·tsuʹaʽ (higaan). Ang Griegong kraʹbat·tos ay tumutukoy sa isang teheras. (Mar 2:4) Hindi laging ipinakikita ng mga manunulat ng Bibliya ang pagkakaiba-iba ng mga terminong ito at kalimita’y ginagamit nila ang dalawa o higit pa sa mga ito upang tumukoy sa iisang bagay, anupat ang higaan ay tinatawag ding kama (Job 7:13; Aw 6:6) at teheras (Mat 9:6; Mar 2:11). Ang mga ito ay ginagamit ng mga taong natutulog sa gabi o nagpapahinga sa tanghali (2Sa 4:5-7; Job 33:15), ng mga maysakit, ng mga nagtatalik (Aw 41:3; Eze 23:17), at bilang himlayan ng patay sa isang maringal na libingan (2Cr 16:14). Kinailangan din ang mga higaan sa kaugalian na paghilig sa kainan. (Es 7:8; Mat 26:20; Luc 22:14) Ang higaan na pantanging dinisenyo upang magsakay ng taong maharlika ay tinatawag na kamilya.—Sol 3:7-10; tingnan ang KAMILYA.
May ilang gamit na kadalasang iniuugnay sa mga higaan, halimbawa ay ang unan. Nang tumatawid sa Dagat ng Galilea, nakatulog si Jesus “sa unan” sa popa ng bangka. (Mar 4:38) Kapag tagginaw, gumagamit noon ang mga tao ng “hinabing kumot” o ng iba pang pantakip (Isa 28:20), ngunit karaniwan na ay pang-araw-araw na kasuutan lamang ang ipinantutulog nila; kaya naman ipinagbawal ng Kautusang Mosaiko ang pagtatago ng mga kasuutan ng ibang tao pagkalubog ng araw: “Iyon lamang ang kaniyang pantakip. . . . Ano ang kaniyang ipantutulog?”—Exo 22:26, 27.
Ang higaan ng mga taga-Silangan noon ay kadalasan nang isang simpleng banig lamang na gawa sa mga dayami o mga halamang hungko, na marahil ay may kubrekama o kaya’y kutson upang maging mas komportable. Kapag hindi ginagamit, inirorolyo at itinatago ang mga ito. Ang mas permanenteng mga higaan naman ay may balangkas na kahoy, anupat nakaangat sa sahig ang natutulog dito. (Mar 4:21) Kapag araw, ang mga ito ay nagsisilbing mga higaan o mga kama na mauupuan. Ang pinakasimple at tulad-teheras na mga higaan ay magagaan, anupat madaling buhatin at dalhin.—Luc 5:18, 19; Ju 5:8; Gaw 5:15.
Ang mga kama ng mayayaman ay may eleganteng mga sapin na napapalamutian ng magagarbong burda. Ganito ang sabi ng mapang-akit na patutot: “Nilatagan ko ng mga kubrekama ang aking kama, ng mga bagay na may sari-saring kulay, ng lino ng Ehipto. Nilagyan ko ang aking higaan ng mira, aloe at kanela.” (Kaw 7:16, 17) Tulad ng “mga higaang ginto at pilak” ng palasyo ng Persia, ang mapaghimagsik na Israel ay mayroon ding “marangyang higaan,” “kama ng taga-Damasco,” at “mga higaang garing,” gaya ng pagkakalarawan ng propeta.—Es 1:6; Am 3:12; 6:4.
Ang malalaking bahay ay may nakabukod na mga silid-tulugan o pinakaloob na mga silid-tulugan. (Exo 8:3; 2Ha 6:12; 11:2) Kapag tag-init, ang mga bubong ang kadalasang nagsisilbing tulugan yamang mas malamig doon.
Ang mga higaan ay tinutukoy rin sa Kasulatan sa makasagisag na diwa. Halimbawa, ang kalagayan ng mga patay ay gaya ng kalagayan ng mga nakahiga sa higaan. (Job 17:13; Eze 32:25) Ang mga matapat kay Jehova ay ‘humihiyaw nang may kagalakan sa kanilang mga higaan,’ kabaligtaran ng mga suwail na patuloy na nagpapalahaw at nagpapakana ng kasamaan habang nakahiga sa higaan. (Aw 149:5; Os 7:14; Mik 2:1) Di-gaya ni Ruben, na hindi naghunos-diling sipingan ang babae ng kaniyang amang si Jacob at sa ganitong paraan ay nilapastangan ang higaan ng kaniyang ama (Gen 35:22; 49:4), hindi dapat dungisan ng mga Kristiyano sa anumang paraan ang sagradong kaayusan sa pag-aasawa, ang “higaang pangmag-asawa.”—Heb 13:4.