Higad
[sa Heb., ga·zamʹ].
Ang yugtong larva ng mga paruparo o ng mga tangà. Ipinapalagay na ang salitang Hebreo na ga·zamʹ ay halaw sa salitang-ugat na nangangahulugang “pumutol.” Tulad ng mga balang, pinuputol o tinatabas ng mga higad ang bawat dahon ng mga pananim hanggang sa makalbo iyon. (Joe 1:4; 2:25; Am 4:9) Sa kabila ng tradisyonal na pangmalas na ang terminong Hebreo na ga·zamʹ ay tumutukoy sa “balang,” ginamit ng mga tagapagsalin ng Septuagint ang salitang Griego na kamʹpe, na nangangahulugang higad. Pabor din sina Koehler at Baumgartner na isalin ang ga·zamʹ bilang higad. (Lexicon in Veteris Testamenti Libros, Leiden, 1958, p. 178) Ganito ang pagkakasalin nito sa Joel 1:4 at 2:25 sa salin ni Isaac Leeser at sa Bagong Sanlibutang Salin; “palmerworm” sa King James Version; “shearer” sa An American Translation.
Halos mga halaman lamang ang kinakain ng mga higad. Napakalakas nilang kumain, anupat sa isang maghapon, may mga higad na nakauubos ng halaman na doble ng kanilang timbang. Kaya naman kapag sila’y marami, malaking pinsala ang idinudulot nila sa mga pananim.