Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Hikaw

Hikaw

Isang hugis-singsing na hiyas o iba pang palamuti na isinusuot sa tainga bilang kagayakan. Waring walang espesipikong salita ang mga Hebreo para sa “hikaw,” sapagkat ang isa sa mga salitang ginagamit nila para sa palamuting ito (neʹzem) ay maaaring tumukoy sa singsing na pang-ilong o sa hikaw. (Kaw 11:22; Exo 32:2) Sa pamamagitan ng konteksto kung saan lumilitaw sa Kasulatan ang neʹzem, posibleng matiyak, bagaman hindi sa lahat ng pagkakataon, kung ang tinutukoy ay hikaw o singsing na pang-ilong. Malamang na sa maraming kaso, halos pareho ang hugis ng mga hikaw at ng mga singsing na pang-ilong. Ang salitang Hebreo na ʽa·ghilʹ ay ginagamit din upang tumukoy sa hikaw at iniuugnay sa isang pabilog na palamuti.​—Bil 31:50; Eze 16:12.

Sa maraming bansa noong sinaunang panahon, ang mga lalaki, mga babae, at mga bata ay pawang nagsusuot ng mga hikaw. Sa mga bantayog ng Ehipto ay ipinakikitang nakahikaw ang mga banyagang lalaki mula sa maraming lupain. Gayunman, waring hindi kaugalian ng mga lalaki sa Ehipto ang magsuot ng mga hikaw, at hindi matiyak kung ang mga lalaking Israelita ay karaniwang nagsusuot nito o hindi. Ang mga Midianita ay nagsusuot ng mga hikaw, anupat kinuha ng mga Israelita sa kanila ang mga iyon bilang bahagi ng samsam sa digmaan. (Bil 31:1, 2, 50) Noong gagawin na ni Aaron sa ilang ang ginintuang guya, inutusan niya ang mga Israelita: “Alisin ninyo ang mga hikaw na ginto na nasa mga tainga ng inyu-inyong asawa, ng inyong mga anak na lalaki at ng inyong mga anak na babae at dalhin ninyo ang mga iyon sa akin.”​—Exo 32:1-4.

Pangkaraniwan sa mga babaing Ehipsiyo ang magsuot ng malalaking gintong hikaw na hugis-singsing, na ang iba ay may diyametro na 4 hanggang 5 sentimetro (1.5 hanggang 2 pulgada), bagaman ang iba ay mas malalaki pa at binubuo ng hanggang anim na indibiduwal na singsing na hininang upang magkadikit-dikit. May mga hikaw na pilak na natagpuan sa Thebes, na ang ilan ay mga buton lamang. Kung minsan, ang mga hikaw ng mga Ehipsiyo, tulad niyaong sa mga Asiryano, ay may magagarbong disenyo, anupat ang ilan ay hugis-krus. Upang maikabit ang hikaw, karaniwan nang ipinapasok sa butas ng pingol ng tainga ang pinakasingsing ng hikaw o ang isang pangawit.

Sa sinaunang Ehipto, ang mga taong may mataas na katayuan ay nagsusuot kung minsan sa tainga ng ginintuang mga palamuting hugis-aspid, na ang pinakakatawan ay kinabitan ng mahahalagang bato. May mga hikaw naman sa Gitnang Silangan na binubuo ng mga singsing na sinasabitan ng mga hiyas na palawit. Ang iba ay tinatawag na “mga palawit sa tainga” (sa Heb., neti·phohthʹ, mula sa na·taphʹ [nangangahulugang “tumulo” o “pumatak”]). Maliwanag na ang terminong ito ay tumutukoy sa isang hugis-patak na palamuti o palawit. Maaaring ang “mga palawit sa tainga” ay mga perlas o bilog na mga butil ng pilak o ginto, ngunit hindi inilalarawan sa Bibliya ang mga ito. (Huk 8:26) Kabilang ang mga ito sa mga bagay na sinabi ni Jehova na kukunin niya mula sa palalong “mga anak na babae ng Sion.”​—Isa 3:16, 19.

Ang tapat na mga Hebreo at mga Kristiyano ay hindi nagsuot ng mga hikaw bilang mga agimat, bagaman gayon ang ginawa ng ibang mga tao noong sinaunang panahon. Bagaman hindi espesipikong sinasabi ng Bibliya na ang “mga hikaw” na pag-aari ng sambahayan ni Jacob ay itinuring na mga agimat, kapuwa ang ‘mga banyagang diyos’ at “ang mga hikaw” ng kaniyang sambahayan ay ibinaon ni Jacob sa ilalim ng malaking punungkahoy na malapit sa Sikem. (Gen 35:2-4) “Ang mga palamuting kabibi na humihiging” na pag-aari ng palalong “mga anak na babae ng Sion” ay isang uri ng anting-anting na maaaring isinasabit sa mga kuwintas o sa tainga.​—Isa 3:20.

Nang pagkalooban ang Israel ng pribilehiyong mag-abuloy para sa tabernakulo, ang mga taong may pusong nagkukusang-loob ay nag-abuloy ng iba’t ibang kagamitan, kabilang dito ang mga hikaw. (Exo 35:20-22) Pagkaraan ng maraming siglo, sinabi ni Jehova sa Jerusalem na, bukod sa iba pang mga bagay, pinagpakitaan niya ito ng pag-ibig sa pamamagitan ng paglalagay ng mga hikaw sa mga tainga nito. (Eze 16:1, 2, 12) Ginamit naman ni Solomon ang hikaw na ginto sa makasagisag na paraan nang sabihin niya: “Ang hikaw na ginto, at ang palamuting yari sa pambihirang ginto, ay marunong na tagasaway sa taingang nakikinig.”​—Kaw 25:1, 12.