Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Himala

Himala

Mga pangyayaring kataka-taka o kagila-gilalas; mga kaganapan sa pisikal na daigdig na hindi kayang pangyarihin ng tao o ng likas na mga puwersa at sa gayo’y itinuturing na nagmula sa isa na may nakahihigit na kapangyarihan. Sa Hebreong Kasulatan, ang salitang moh·phethʹ, na kung minsan ay isinasaling “himala,” ay nangangahulugan ding “palatandaan,” “kababalaghan,” at “pinakatanda.” (Deu 28:46; 1Cr 16:12, tlb sa Rbi8) Kadalasa’y ginagamit ito kaugnay ng salitang Hebreo na ʼohth, nangangahulugang “tanda.” (Deu 4:34) Sa Griegong Kasulatan, ang salitang dyʹna·mis, “kapangyarihan,” ay isinasalin bilang “makapangyarihang mga gawa,” “kakayahan,” “kababalaghan,” “himala.”​—Mat 25:15; Luc 6:19; 1Co 12:10, AS-Tg, BSP, MB, NPV, NW.

Ang isang himala, na kamangha-mangha para sa nagmamasid, ay isang bagay na hindi niya kayang gawin o hindi niya mauunawaan nang lubusan. Isa rin itong makapangyarihang gawa, na nangangailangan ng kapangyarihan o kaalaman na nakahihigit kaysa sa taglay niya. Ngunit sa punto de vista ng isa na pinagmulan ng gayong kapangyarihan, hindi ito isang himala. Nauunawaan niya ito at may kakayahan siyang gawin ito. Kaya bagaman marami sa mga gawa ng Diyos ang kamangha-mangha sa mga taong nagmamasid, ang mga iyon ay resulta lamang ng paggamit niya ng kaniyang kapangyarihan. Kung ang isa’y naniniwala sa isang diyos, partikular na sa Diyos na Maylalang, tiyak na hindi niya maitatanggi na may kakayahan ang Diyos na magsagawa ng mga bagay na kagila-gilalas sa paningin ng tao.​—Ro 1:20; tingnan ang KAPANGYARIHAN, MAKAPANGYARIHANG MGA GAWA.

Kaayon ba ng likas na mga batas ang mga himala?

Sa pamamagitan ng pag-aaral at obserbasyon, napansin ng mga mananaliksik na ang mga pagkilos ng mga bagay sa uniberso ay may sinusunod na likas na mga batas. Isa na rito ang ‘batas ng grabidad.’ Inaamin ng mga siyentipiko na ang mga batas na ito ay masalimuot ngunit mapananaligan, at sa pagtawag nila sa mga ito na “mga batas,” ipinahihiwatig nila na may Persona na nagpairal ng gayong mga batas. Sinasabi ng mga mapag-alinlangan na ang himala ay paglabag sa mga batas na itinuturing nilang likas, di-mababago, at di-mapawawalang-bisa; kaya, ang sabi nila, hindi maaaring magkaroon ng mga himala. Para sa kanila, kung ang isang bagay ay hindi natin maunawaan at maipaliwanag batay sa pagkaunawa natin sa mga batas na ito, hindi iyon maaaring mangyari.

Gayunman, ang ilang may-kakayahang siyentipiko ay mas maingat na ngayon sa pagsasabing imposible ang isang bagay. Sinabi ni Propesor John R. Brobeck ng University of Pennsylvania: “Hindi na tahasang masasabi ng isang siyentipiko na imposible ang isang bagay. Ang puwede lamang niyang sabihin ay na malayong mangyari iyon. Ngunit maaari niyang sabihin na ang isang bagay ay imposibleng ipaliwanag batay sa kaalaman natin sa kasalukuyan. Hindi masasabi ng siyensiya na batid na nito ang lahat ng katangian ng materya at ang lahat ng anyo ng enerhiya. . . . [Sa isang himala] ang isang bagay na kailangan ay isang pinagmumulan ng enerhiya na hindi natin nababatid sa ating biyolohikal at pisyolohikal na mga siyensiya. Sa ating Kasulatan, ang pinagmumulang ito ng enerhiya ay tinutukoy bilang ang kapangyarihan ng Diyos.” (Time, Hulyo 4, 1955) Mula noong bigkasin ang pananalitang ito, higit pang pinatunayan ng pagsulong ng siyensiya ang pagiging totoo nito.

Hindi lubusang nauunawaan ng mga siyentipiko ang mga katangian ng init, liwanag, atomiko at nuklear na proseso, elektrisidad, o ng alinman sa mga anyo ng materya, kahit sa ilalim ng normal na mga kalagayan. Lalo pa nga nilang hindi lubusang maunawaan ang mga katangiang ito sa ilalim ng di-pangkaraniwandi-normal na mga kalagayan. Halimbawa, hindi pa gaanong natatagalan ay may isinagawang malawakang mga pagsusuri sa ilalim ng napakalamig na temperatura, at sa loob lamang ng maikling panahon, maraming kakatwang aksiyon ng mga elemento ang naobserbahan. Ang tingga ay hindi mahusay na daluyan ng kuryente, ngunit kapag inilubog ito sa likidong helium na pinalamig sa temperaturang −271° C. (−456° F.), ito’y nagiging isang napakahusay na daluyan ng kuryente at isang napakalakas na elektromagnet kapag inilapit dito ang isang bar magnet. Sa gayong pagkalamig-lamig na temperatura, waring nadaraig naman ng helium ang batas ng grabidad sapagkat gumagapang iyon pataas sa gilid ng baso at lumalabas mula rito.​—Matter, Life Science Library, 1963, p. 68, 69.

Isa lamang ito sa maraming tuklas na nakagitla sa mga siyentipiko, anupat waring naibuwal ng mga iyon ang kanilang dating mga ideya. Kung gayon, paano masasabi ninuman na nilabag ng Diyos ang kaniyang sariling mga batas sa pagsasagawa ng makapangyarihang mga gawa na waring kamangha-mangha at makahimala para sa mga tao? Tiyak na lubusang kontrolado ng Maylalang ng pisikal na uniberso ang mga bagay na kaniyang nilalang at may kakayahan siyang maniobrahin ang mga ito salig sa mga batas na inilakip niya sa mga ito. (Job 38) May kakayahan siyang pairalin ang kalagayan na kailangan upang mapangyari ang mga gawang iyon; may kakayahan siyang pabilisin, pabagalin, baguhin, o kanselahin ang mga reaksiyon. O maaaring gawin iyon ng mga anghel, na higit na makapangyarihan kaysa sa tao, upang maisagawa ang kalooban ni Jehova.​—Exo 3:2; Aw 78:44-49.

Tiyak na hindi ipinagwawalang-bahala o nilalampasan ng isang siyentipiko ang mga pisikal na batas kapag gumagamit siya ng mas matinding init o lamig, o ng mas maraming oksiheno, at iba pa, upang pabilisin o pabagalin ang isang kemikal na proseso. Gayunpaman, kinukuwestiyon ng mga mapag-alinlangan ang mga himala sa Bibliya, kasama na ang “himala” ng paglalang. Sa diwa, sinasabi ng mga ito na pamilyar sila sa lahat-lahat ng kalagayan at proseso na naganap noong nagdaang mga panahon. Iginigiit nila na ang mga pagkilos ng Maylalang ay hindi maaaring lumampas sa mga hangganan ng kanilang makitid na kaunawaan sa mga batas na umuugit sa pisikal na mga bagay.

Ang kahinaang ito ng mga siyentipiko ay kinilala ng isang Swekong propesor ng plasma physics, na nagsabi: “Hindi kinukuwestiyon ninuman ang pagsunod ng atmospera ng lupa sa mga batas ng mechanics at atomic physics. Gayunpaman, maaaring napakahirap sa atin na alamin kung paano gumagana ang mga batas na ito sa ilalim ng partikular na mga kalagayan na nagsasangkot sa atmosperikong mga penomeno.” (Worlds-Antiworlds, ni H. Alfvén, 1966, p. 5) Ang ideyang ito ay ikinapit ng propesor na iyon sa pinagmulan ng uniberso. Itinatag ng Diyos ang mga pisikal na batas na umuugit sa lupa, araw, at buwan, at nakagawa ang mga tao ng kamangha-manghang mga bagay salig sa mga iyon. Tiyak na kayang gamitin ng Diyos ang mga batas na ito upang magdulot ang mga ito ng resulta na taliwas sa inaasahan ng mga tao; hindi magiging mahirap sa kaniya na hawiin ang Dagat na Pula upang ‘ang tubig ay maging pader’ sa magkabilang panig. (Exo 14:22) Bagaman ang paglakad sa tubig ay lubhang kagila-gilalas para sa tao, napakadaling gawin iyon sa pamamagitan ng kapangyarihan ng “Isa na nag-uunat ng langit na gaya ng manipis na gasa, na naglaladlad nito na parang isang toldang matatahanan.” Bukod diyan, binabanggit ng Kasulatan na nilalang ng Diyos ang lahat ng bagay sa langit at kontrolado niya ang mga iyon, at sinasabi nito na “dahil sa kasaganaan ng dinamikong lakas, palibhasa’y malakas din ang kaniyang kapangyarihan, walang isa man sa kanila ang nawawala.”​—Isa 40:21, 22, 25, 26.

Yamang ang pagkilala sa pag-iral ng batas, gaya ng batas ng grabidad, ay humihiling ng pagkilala sa pag-iral ng isang tagagawa ng batas na may talino at kapangyarihang nakahihigit sa taglay ng tao, bakit kukuwestiyunin ang kaniyang kakayahang gumawa ng kamangha-manghang mga bagay? Bakit sisikaping limitahan ang kaniyang pagkilos ayon sa napakakitid na saklaw ng kaalaman at karanasan ng tao? Angkop na inilarawan ng patriyarkang si Job ang kadiliman at kamangmangan na doo’y hinayaan ng Diyos na masadlak yaong mga nakikipagpaligsahan sa kaniyang karunungan.​—Job 12:16-25; ihambing ang Ro 1:18-23.

Panghahawakan ng Diyos sa Kaniyang Batas Hinggil sa Moral. Ang Diyos na Maylalang ay hindi isang makapritsong Diyos na paminsan-minsa’y lumalabag sa kaniyang sariling mga batas. (Mal 3:6) Ipinakikita ito ng panghahawakan ng Diyos sa kaniyang mga batas hinggil sa moral, na kaayon ng kaniyang mga pisikal na batas ngunit mas mataas at mas dakila kaysa sa mga iyon. Dahil sa katarungan, hindi niya maaaring kunsintihin ang kalikuan. “Napakadalisay ng iyong mga mata upang tumingin sa kasamaan; at ang tingnan ang kabagabagan ay hindi mo magagawa,” ang sabi ng kaniyang propeta. (Hab 1:13; Exo 34:7) Ipinahayag niya sa Israel ang kaniyang batas: “Kaluluwa ang magiging para sa kaluluwa, mata para sa mata, ngipin para sa ngipin, kamay para sa kamay, paa para sa paa.” (Deu 19:21) Nang naisin niyang patawarin ang mahihina at nagsisising mga tao sa kasalanang sanhi ng kanilang kamatayan, kinailangan ng Diyos na magkaroon ng legal na saligan para rito upang makapanghawakan siya sa kaniyang batas. (Ro 5:12; Aw 49:6-8) Pinatunayan niya na mahigpit siyang nanghahawakan sa kaniyang batas anupat ibinigay pa nga niya ang kaniyang bugtong na Anak upang maging pantubos para sa mga kasalanan ng sangkatauhan. (Mat 20:28) Itinawag-pansin ng apostol na si Pablo na “sa pamamagitan ng pagpapalaya dahil sa pantubos na ibinayad ni Kristo Jesus,” naipakita ni Jehova “ang kaniyang sariling katuwiran . . . upang siya ay maging matuwid kahit ipinahahayag niyang matuwid ang taong may pananampalataya kay Jesus.” (Ro 3:24, 26) Kung ang Diyos, bilang paggalang sa kaniyang mga batas hinggil sa moral, ay hindi nag-atubiling ibigay ang kaniyang minamahal na Anak, tiyak na hindi rin niya kailanman kakailanganing “labagin” ang kaniyang mga pisikal na batas upang isagawa ang anumang ninanais niya may kaugnayan sa pisikal na sangnilalang.

Salungat ba sa Karanasan ng Tao? Ang basta paggigiit na walang naganap na himala noon ay hindi nagpapatunay na talagang walang himala. Ang pagiging totoo ng alinmang nakaulat na pangyayari sa kasaysayan ay maaaring kuwestiyunin ng isang tao na nabubuhay sa ngayon, sapagkat hindi niya iyon naranasan at wala nang buháy na mga saksi na makapagpapatotoo tungkol doon. Gayunman, hindi nababago ang mga pangyayari sa kasaysayan dahil diyan. Tinututulan ng ilan ang mga ulat tungkol sa mga himala dahil, sabi nila, ang mga iyon ay salungat sa karanasan ng tao, samakatuwid nga, sa karanasan ng tao na tinatanggap nila bilang tunay batay sa obserbasyon, mga aklat, at iba pa. Kung ganitong pangmalas ang sinusunod ng mga siyentipiko, kaunting-kaunti lamang ang isasagawa nilang pananaliksik at pagtuklas ng mga bagong bagay at mga proseso. Halimbawa, hindi na sila magsasaliksik kung paano mapagagaling ang mga sakit na “walang lunas,” o kung paano maglalakbay sa kalawakan patungo sa mga planeta o sa mas malalayo pang dako ng uniberso. Ngunit ang totoo’y nagsasaliksik sila at kung minsan ay nakapagdudulot sila sa sangkatauhan ng talagang bagong mga karanasan. Tiyak na ang nagagawa ng tao sa ngayon ay ikamamangha ng mga tao noong sinaunang panahon, at ang marami sa karaniwan at pang-araw-araw na mga karanasan ng makabagong mga tao ay ituturing nila na mga himala.

Hindi Basta Maipaliliwanag sa Pamamagitan ng Lohika. Iginigiit ng ilang sumasalansang sa ulat ng Bibliya na ang mga himalang masusumpungan doon ay maipaliliwanag sa pamamagitan ng siyensiya at lohika bilang likas na mga kaganapan lamang. Sinasabi nila na ang mga iyon ay inangkin lamang ng mga manunulat ng Bibliya bilang pagkilos ng Diyos. Totoo na ginamit sa mga himala ang mga bagay na gaya ng mga lindol. (1Sa 14:15, 16; Mat 27:51) Ngunit hindi ito katibayan sa ganang sarili na walang ginampanang papel ang Diyos sa mga pangyayaring iyon. Bukod sa ang mga bagay na iyon mismo ay makapangyarihang mga gawa (halimbawa, ang nabanggit na mga lindol), naganap din ang mga iyon sa tamang panahon anupat napakalayong mangyari na nagkataon lamang. Bilang ilustrasyon: Sinasabi ng ilan na ang manna na inilaan sa mga Israelita ay masusumpungan sa disyerto bilang matamis at malagkit na katas ng mga puno ng tamarisko at mga palumpong. Ipagpalagay man na totoo ang kaduda-dudang pananalitang ito, himala pa rin ang paglalaan niyaon sa mga Israelita dahil lumalabas iyon sa tamang panahon anupat hindi lumilitaw sa lupa sa ikapitong araw ng bawat sanlinggo. (Exo 16:4, 5, 25-27) Karagdagan pa, inuuod iyon at bumabaho kapag itinira hanggang sa sumunod na araw ngunit hindi ito nangyayari kapag itinira iyon bilang pagkain sa araw ng Sabbath. (Exo 16:20, 24) Dapat ding pansinin na ang paglalarawan sa manna bilang katas ng mga punungkahoy ay hindi lubusang katugma ng paglalarawan ng Bibliya sa manna. Ayon sa Bibliya, ito ay nasusumpungan sa lupa at natutunaw sa init ng araw; maaari itong dikdikin sa almires, gilingin sa gilingan, pakuluan, o lutuin upang maging tinapay.​—Exo 16:19-23; Bil 11:8; tingnan ang MANNA.

Kapani-paniwalang mga Patotoo. Ang himala ng pagkabuhay-muli ni Jesu-Kristo ay napakahalaga sa relihiyong Kristiyano. (1Co 15:16-19) Ang ebidensiyang sumusuporta rito ay hindi mahina kundi napakatibay​—mahigit sa 500 saksi ang makapagpatotoo na ito’y talagang nangyari.​—1Co 15:3-8; Gaw 2:32.

Dapat ding isaalang-alang ang motibo ng mga taong naniwala sa himala ng pagkabuhay-muli ni Jesus. Marami nang tao ang pinag-usig at pinatay dahil sa kanilang mga paniniwala, ito man ay may kaugnayan sa relihiyon, pulitika, o iba pa. Ngunit ang mga Kristiyanong dumanas ng gayong pagdurusa ay walang tinanggap na materyal o pulitikal na pakinabang. Sa halip na magtamo ng kapangyarihan, kayamanan, at katanyagan, ang karamihan sa kanila ay nawalan pa nga ng lahat ng ito. Ipinangaral nila ang pagkabuhay-muli ni Jesus ngunit hindi sila gumamit ng anumang uri ng karahasan upang itaguyod ang kanilang mga paniniwala o ipagtanggol ang kanilang sarili. At kung babasahin natin ang kanilang mga argumento, makikita natin na hindi sila mga panatiko kundi mga taong makatuwiran. Maibigin nilang sinikap na tulungan ang kanilang kapuwa.

Mga Katangian ng mga Himala sa Bibliya. Ang ilang kapansin-pansing katangian ng mga himala sa Bibliya ay ang pagiging hayagan ng mga ito, ang pagiging simple ng mga ito, at ang layunin at motibo sa pagsasagawa ng mga ito. Ang ilan ay isinagawa nang pribado o sa harap ng maliit na grupo (1Ha 17:19-24; Mar 1:29-31; Gaw 9:39-41), ngunit kadalasan ay hayagan ang mga ito at isinagawa sa harap ng libu-libo o milyun-milyon pa ngang tagamasid. (Exo 14:21-31; 19:16-19) Ang mga gawa ni Jesus ay hayagan at hindi lihim; at pinagaling niya ang lahat ng pumaroon sa kaniya, anupat hindi siya kailanman nabigo at nagdahilang kulang ng pananampalataya ang ilan.​—Mat 8:16; 9:35; 12:15.

Kinakitaan ng pagiging simple kapuwa ang makahimalang mga pagpapagaling ni Jesus at ang kaniyang pagkontrol sa mga elemento. (Mar 4:39; 5:25-29; 10:46-52) Di-tulad ng mga madyik na itinatanghal sa pamamagitan ng espesyal na mga kagamitan, entablado, ilaw, at ritwal, ang mga himala sa Bibliya ay karaniwan nang isinasagawa nang walang pagpaparangya, anupat kalimita’y tugon sa isang di-inaasahang pagkakataon o sa isang kahilingan at isinagawa sa pampublikong lansangan o sa lugar na hindi patiunang inihanda.​—1Ha 13:3-6; Luc 7:11-15; Gaw 28:3-6.

Ang motibo ng mga indibiduwal na nagsagawa ng himala ay hindi upang itanyag ang kanilang sarili o payamanin ang sinuman, kundi pangunahin nang upang luwalhatiin ang Diyos. (Ju 11:1-4, 15, 40) Ang mga himala ay hindi mahiwagang mga gawa na nilayon lamang na magbigay-kasiyahan sa mga mausyoso at pumukaw ng pagkamangha. Ang mga ito ay laging nakatutulong sa iba, kung minsan ay sa pisikal na paraan at partikular na sa espirituwal na paraan, yamang inaakay ng mga ito ang mga tao sa tunay na pagsamba. Kung paanong “ang pagpapatotoo tungkol kay Jesus ang kumakasi sa panghuhula [“ang espiritu ng hula,” mga tlb sa Rbi8],” pinatunayan din ng marami sa mga himala na si Jesus ang isa na isinugo ng Diyos.​—Apo 19:10.

Ang mga himala sa Bibliya ay nagsangkot hindi lamang ng mga bagay na may buhay kundi pati ng mga bagay na walang buhay, gaya ng pagpapatahimik sa hangin at dagat (Mat 8:24-27), pagpapatigil at pagpapabuhos ng ulan (1Ha 17:1-7; 18:41-45), at paggawang dugo o alak sa tubig (Exo 7:19-21; Ju 2:1-11). Kasama rin sa mga ito ang pisikal na pagpapagaling sa lahat ng uri ng karamdaman, gaya ng ketong na “walang lunas” (2Ha 5:1-14; Luc 17:11-19) at pagkabulag mula sa kapanganakan. (Ju 9:1-7) Ang napakaraming uring ito ng mga himala ay katibayan na mapaniniwalaan ang mga ito bilang nagmula sa Maylalang, sapagkat tanging ang Maylalang ang makaiimpluwensiya sa lahat ng larangan ng karanasan ng tao at sa lahat ng anyo ng materya.

Layunin sa Sinaunang Kongregasyong Kristiyano. Ang mga himala ay isinagawa ukol sa ilang mahahalagang layunin. Pangunahin na, nakatulong ang mga iyon upang pagtibayin o patunayan na binibigyang-kapangyarihan at sinusuportahan ng Diyos ang isang tao. (Exo 4:1-9) Ganitong konklusyon ang may-katumpakang nabuo ng mga tao hinggil kay Moises at kay Jesus. (Exo 4:30, 31; Ju 9:17, 31-33) Sa pamamagitan ni Moises, ipinangako ng Diyos ang pagdating ng isang propeta. Ang mga himala ni Jesus ay nakatulong sa mga nagmamasid upang makilala nila na siya ang propetang iyon. (Deu 18:18; Ju 6:14) Noong bagong-tatag ang Kristiyanismo, ang mga himala, kalakip ang mensaheng Kristiyano, ay nakatulong sa mga indibiduwal upang makita nila na itinataguyod ng Diyos ang Kristiyanismo at na itinakwil na niya ang naunang Judiong sistema ng mga bagay. (Heb 2:3, 4) Nang maglaon, lumipas ang makahimalang mga kaloob na ibinigay noong unang siglo. Kinailangan lamang ang mga iyon noong nagsisimula pa lamang ang kongregasyong Kristiyano.​—1Co 13:8-11.

Kung babasahin natin ang kasaysayan ng Mga Gawa ng mga Apostol, makikita natin kung paanong ang espiritu ni Jehova ay kumilos nang puspusan at apurahan upang bumuo ng mga kongregasyon at itatag nang matibay ang Kristiyanismo. (Gaw 4:4; kab 13, 14, 16-19) Sa loob lamang ng ilang taon sa pagitan ng 33 at 70 C.E., libu-libong mananampalataya ang natipon sa maraming kongregasyon mula sa Babilonya hanggang sa Roma, at marahil ay maging sa malayong kanluran. (1Pe 5:13; Ro 1:1, 7; 15:24) Tandaan na iilan lamang ang kopya ng Kasulatan noon. Kadalasan, tanging ang mga mariwasa ang may mga balumbon o mga aklat. Sa mga lupaing pagano, walang kaalaman ang mga tao tungkol sa Bibliya o sa Diyos ng Bibliya, si Jehova. Halos lahat ng bagay ay kailangang itawid nang bibigan. Walang mga komentaryo, mga konkordansiya, at mga ensayklopidiya ng Bibliya na magagamit. Kaya mahalaga sa kongregasyon noon ang makahimalang mga kaloob na gaya ng pantanging kaalaman, karunungan, pagsasalita ng mga wika, at kaunawaan sa kinasihang mga pananalita. (1Co 12:4-11, 27-31) Ngunit gaya ng isinulat ng apostol na si Pablo, lilipas ang mga bagay na iyon kapag hindi na kailangan.

Isang Naiibang Kalagayan sa Ngayon. Hindi natin nakikitang nagsasagawa ang Diyos ng gayong mga himala sa pamamagitan ng kaniyang Kristiyanong mga lingkod sa ngayon, sapagkat ang lahat ng bagay na kailangan natin ay taglay na natin at magagamit ng lahat ng mga taong marunong bumasa, at upang matulungan ang mga hindi nakababasa ngunit handang makinig, nariyan ang may-gulang na mga Kristiyano na may kaalaman at karunungan na natamo sa pamamagitan ng pag-aaral at karanasan. Sa panahong ito, hindi kailangan ng Diyos na magsagawa ng gayong mga himala upang patotohanan na si Jesu-Kristo ang Kaniyang inatasang tagapagligtas, o upang maglaan ng katibayan na sinusuportahan Niya ang Kaniyang mga lingkod. Bigyan man ng Diyos ang kaniyang mga lingkod sa ngayon ng kakayahang magsagawa ng mga himala, hindi pa rin iyon makakukumbinsi sa lahat, kung paanong hindi lahat ng nakasaksi sa mismong mga himala ni Jesus ay napakilos na tanggapin ang kaniyang mga turo. (Ju 12:9-11) Sa kabilang dako, ang mga nanlilibak ay binababalaan ng Bibliya hinggil sa kagila-gilalas na mga gawa ng Diyos na isasagawa sa hinaharap kapag pinuksa niya ang kasalukuyang sistema ng mga bagay.​—2Pe 3:1-10; Apo kab 18, 19.

Bilang konklusyon, masasabi natin na ang mga nagtatatwa sa mga himala ay hindi naniniwala sa isang di-nakikitang Diyos at Maylalang o kaya nama’y naniniwala sila na hindi niya kailanman ginamit ang kaniyang kapangyarihan sa makahimalang paraan mula noong panahon ng paglalang. Ngunit sabihin man nila na walang himala, hindi nito napawawalang-bisa ang Salita ng Diyos. (Ro 3:3, 4) Ang mga ulat ng Bibliya tungkol sa mga himala ng Diyos at ang mabuting layunin na naisakatuparan ng mga iyon, na laging kaayon ng mga katotohanan at mga simulaing masusumpungan sa kaniyang Salita, ay nagkikintal ng pagtitiwala sa Diyos. Lubusang tinitiyak sa atin ng mga iyon na ang Diyos ay nagmamalasakit sa sangkatauhan at na siya’y may kakayahan at pagnanais na ipagsanggalang ang mga naglilingkod sa kaniya. Ang mga himala ay nagsisilbing makalarawang mga parisan, at ang mga ulat tungkol sa mga iyon ay nagpapatibay ng ating pananampalataya na kikilos ang Diyos sa hinaharap sa makahimalang paraan upang pagalingin at pagpalain ang tapat na sangkatauhan.​—Apo 21:4.