Hiram
[posibleng pinaikling anyo ng Ahiram, nangangahulugang “Ang Aking Kapatid ay Mataas (Dinakila)”].
Sa tekstong Masoretiko ay makikita sa ilang talata ang iba pang baybay: “Hirom” (1Ha 5:10, 18; 7:40a) at “Huram” (2Cr 2:3).
1. Hari ng Tiro, at palakaibigang kapanahon ng mga haring sina David at Solomon noong ika-11 siglo B.C.E.
Matapos malupig ni David ang moog ng Sion at maghanda siyang magtayo ng isang palasyo sa lugar na iyon, nagpadala si Hiram ng mga mensahero upang magsaayos ng isang kasunduan sa kalakalan sa pagitan niya at ni David. Nang magkagayon ay pinaglaanan ni Hiram si David ng tabla ng sedro mula sa mga kanluraning dalisdis ng Lebanon gayundin ng mga manggagawa na bihasa sa paggawa sa kahoy at bato.—2Sa 5:11; 1Cr 14:1.
Nang marinig niya na namatay na si David at na si Solomon ang naghahari bilang kahalili nito, isinugo ni Hiram ang kaniyang mga lingkod upang muling pagtibayin ang kasunduan sa pakikipagkaibigan. (1Ha 5:1) Nang magkagayon ay nagpatulong si Solomon kay Hiram sa paglalaan ng mga materyales at ng ilang tao na kailangan para sa pagtatayo ng malaking templo, at kasabay nito ay nakipagkasundo siya na bayaran ang mga trabahador ni Hiram ng maraming trigo, sebada, alak, at langis. (1Ha 5:2-6; 2Cr 2:3-10) Pagkatapos, pinagpala naman ni Hiram si Jehova, at isang tipan ng pakikipagkaibigan ang pinagtibay sa pagitan ng dalawang bansa.—1Ha 5:7-12; 2Cr 2:11-16.
Sa pagwawakas ng 20-taóng proyekto ni Solomon ng pagtatayo, binigyan niya si Hiram ng 20 lunsod, ngunit naging lubhang hindi kanais-nais ang mga ito sa paningin ni Hiram. (1Ha 9:10-13; tingnan ang CABUL Blg. 2.) Hindi matiyak kung isinauli ni Hiram ang mga lunsod ding ito o kung binigyan niya si Solomon ng ibang mga lunsod. (2Cr 8:1, 2) Hindi rin matiyak kung ang pagbibigay ni Hiram kay Solomon ng 120 talento na ginto ($46,242,000) ay kasunod ng pagtanggap niya ng kaloob na mga lunsod o kung ito sa paanuman ay bahagi ng palitan.—1Ha 9:14.
Nakisosyo rin si Hiram kay Solomon sa isa pang magkasamang proyekto, na dito ay gumawa si Solomon ng isang pangkat ng mga barko sa Gulpo ng ʽAqaba sa Ezion-geber. Pagkatapos ay nagbigay si Hiram ng makaranasang mga marino upang maging tauhan ng mga iyon kasama ng mga lingkod ni Solomon. Karagdagan pa sa mga barkong ito na naglakbay sa mga tubig na malapit sa S baybayin ng Aprika, may iba pang mga barko sina Hiram at Solomon na naglalayag hanggang sa Tarsis, lumilitaw na sa kanluraning dulo ng Mediteraneo. Lahat-lahat, ang malawakang negosyong ito sa malalayong karagatan ay nagdala ng malaking kayamanan—ginto, pilak, garing, mahahalagang bato, at pambihirang mga bagay gaya ng mga unggoy at mga paboreal.—1Ha 9:26-28; 10:11, 12, 22; 2Cr 8:18; 9:10, 21; tingnan ang EZION-GEBER.
2. Ang dalubhasang artisano na gumawa ng marami sa mga kagamitan sa templo ni Solomon. Ang kaniyang ama ay taga-Tiro, ngunit ang kaniyang ina ay isang balo “mula sa tribo ni Neptali” (1Ha 7:13, 14) “mula sa mga anak ni Dan.” (2Cr 2:13, 14) Ang waring pagkakaibang ito ay malulutas sa ganang sarili nito kung mamalasin natin, gaya ng ginagawa ng ilang iskolar, na ang kaniyang ina ay ipinanganak mula sa tribo ni Dan, nabalo sa unang asawa na mula sa tribo ni Neptali, at pagkatapos ay muling nag-asawa ng isang taga-Tiro.
Isinugo ni Hiram, na hari ng Tiro (Blg. 1), ang Hiram na ito upang mangasiwa sa pantanging konstruksiyon para kay Solomon dahil sa kaniyang kakayahan at karanasan sa paggawa sa mga materyales gaya ng ginto, pilak, tanso, bakal, bato, at kahoy. Si Hiram ay may pambihira ring kadalubhasaan sa pagtitina, paglililok, at pagdidisenyo ng lahat ng uri ng kagamitan. Walang alinlangang mula sa pagkabata ay tinanggap niya ang ilan sa kaniyang teknikal na kasanayan sa sining pang-industriya ng panahong iyon mula sa kaniyang amang taga-Tiro, na isa ring mahusay na manggagawa sa tanso.—1Ha 7:13-45; 2Cr 2:13, 14; 4:11-16.
Lumilitaw na tinutukoy ng hari ng Tiro ang lalaking ito bilang Hiram-abi, na waring isang katawagang literal na nangangahulugang “Si Hiram na Aking Ama.” (2Cr 2:13) Hindi naman ibig sabihin dito ng hari na si Hiram ang literal niyang ama, kundi marahil ay ito ang “tagapayo” o “dalubhasang manggagawa” ng hari. Sa katulad na paraan, ang pananalitang Hiram-abiv (sa literal, “Si Hiram na Kaniyang Ama”) ay waring nangangahulugang ‘Si Hiram ang kaniyang (samakatuwid nga, ng hari) dalubhasang manggagawa.’—2Cr 4:16.