Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Hita

Hita

Ang bahaging karugtong ng binti at mula sa balakang hanggang sa tuhod. Yamang ang mga hita ay nasa magkabilang panig ng katawan ng tao, ang salitang Hebreo para rito ay maaari ring tumukoy sa panig ng isang bagay, gaya ng “panig” ng tabernakulo, o ng isang altar.​—Exo 40:24; 2Ha 16:14.

Ang tabak ay inilalagay sa tagiliran, sa bandang hita. (Exo 32:27; Huk 3:16, 21; Sol 3:8; Aw 45:3) Sa Apocalipsis 19:11-21, si Kristo Jesus ay inilalarawang nakasakay sa isang puting kabayong pandigma upang makipagbaka laban sa “mabangis na hayop” at sa mga hari sa lupa kasama ang kanilang mga hukbo. Ang kaniyang titulong “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon” ay malinaw na nakasulat sa kaniyang panlabas na kasuutan sa bandang hita, kung saan kadalasang inilalagay ang tabak ng awtoridad.

Ang mga karsonsilyo ng mga saserdote sa Israel ay mula sa mga balakang hanggang sa mga hita, samakatuwid nga, hanggang sa dulo ng mga hita, kung kaya natatakpang mabuti ang kanilang kahubaran kapag naglilingkod sila sa santuwaryo at sa altar ni Jehova. Kung hindi ay mamamatay sila.​—Exo 28:42, 43.

Kapag sumusumpa ng isang sumpa, kung minsan ay sinusunod ang isang kaugalian kung saan inilalagay ng taong nanunumpa ang kamay niya sa ilalim ng hita ng tao na kaniyang pinanunumpaan. (Gen 24:2-4, 9; 47:29-31) Tungkol sa kahulugan nito, tingnan ang POSISYON AT KILOS NG KATAWAN (Panunumpa). Ang kaugaliang pagtampal sa hita ay nagpapahiwatig ng pamimighati, kalumbayan, o pagsisisi.​—Jer 31:19; Eze 21:12.

Mga Sangkap sa Pag-aanak. Yamang ang hita ay malapit sa bahagi ng katawan na kinaroroonan ng mga sangkap sa pag-aanak, ang mga supling ay sinasabing ‘lumalabas mula sa dakong itaas ng hita.’ (Gen 46:26; Exo 1:5; Huk 8:30) Binibigyang-linaw nito ang uri ng kaparusahan na sasapit sa isang babae na natuklasang nagkasala ng lihim na pangangalunya.

Kung pinaghihinalaan ng isang lalaki ang kaniyang asawang babae ng kawalang-katapatan, dadalhin niya ito sa saserdote. Patatayuin ng saserdote ang babae sa harap ni Jehova, kukuha siya ng banal na tubig (maliwanag na dalisay at sariwang tubig), lalagyan niya ito ng kaunting alabok na mula sa sahig ng tabernakulo, at huhugasan o papawiin niya tungo rito ang mga sumpa na isinulat niya. Pagkatapos manumpa ang babae na siya ay walang-sala, ipaiinom sa kaniya ang tubig. Kung nagkasala siya, ‘mahuhulog ang kaniyang hita’ at mamimintog ang kaniyang tiyan. Kung siya ay walang-sala, walang anumang pinsalang sasapit sa kaniya.​—Bil 5:12-31.

Ano ang kahulugan ng ‘pagkahulog ng hita’ ng isang babaing nangalunya?

Lumilitaw na ginagamit sa tekstong ito ang hita bilang banayad na pananalita na tumutukoy sa mga sangkap sa sekso. (Ihambing ang Gen 46:26.) Makatuwiran lamang na ang mga sangkap na kasangkot sa paggawa ng kamalian ang maapektuhan ng kaparusahan. (Ihambing ang Mar 9:43-47.) Ang pananalitang “mahulog” ay inuunawa na nangangahulugang “manghina” (The Holy Bible, isinalin ng Catholic Biblical Association of America), “umurong” (Da) o “manguluntoy” (Mo), at maaaring magpahiwatig na ang ari ay natuyot at na hindi na ito palaanakin at wala na itong kakayahang maglihi. Ang kundisyon na dapat pangyarihin ng lalaki na magdalang-tao ang kaniyang walang-salang asawa ay waring nagpapahiwatig na ang babaing nangalunya ay hindi na makapagdadalang-tao sa hinaharap. (Bil 5:28) Bukod diyan, mamimintog ang tiyan ng nagkasalang asawa dahil sa sumpa, ngunit hindi dahil pinagpala siya na magdalang-tao.

Hindi ito isang pagsubok sa pamamagitan ng pagpapahirap na kung minsan ay nangangailangan ng isang himala upang malampasan, gaya niyaong mga isinagawa noong Panahon ng Kadiliman. Walang anumang sangkap ang tubig na maaaring maging sanhi ng karamdamang iyon. Subalit iyon ay banal na tubig at nilagyan iyon ng banal na lupa o alabok at hinugasan doon ang sulat ng mga sumpa. Kaya naman, naglalaman iyon ng makapangyarihang mga sagisag, at iniinom iyon sa harap ni Jehova at nilalakipan ng taimtim na sumpa sa kaniya. Hindi mapag-aalinlanganan ang magiging kalalabasan ng mga bagay-bagay. Kung nagkasala ang babae, pinangyayari ni Jehova na magkaroon ng makahimalang bisa ang inumin upang magdulot ng mga resultang nararapat. Hinahatulan ng parusang kamatayan ang pangangalunya, ngunit sa pagkakataong ito ay wala ang kahilingang dalawang saksi. (Bil 35:30; Deu 19:15) Isa pa, sa ganitong kaso, kadalasan ay hindi naisiwalat kung sino ang lalaking nagkasala ng pangangalunya, na nararapat ding mamatay.