Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Hiteo, Mga

Hiteo, Mga

[Ni (Kay) Het].

Isang bayan na nagmula kay Het, ikalawang binanggit na anak ni Canaan. (Gen 10:15) Kung gayon, sila ay may Hamitikong pinagmulan.​—Gen 10:6.

Nagkaroon si Abraham ng ilang pakikipag-ugnayan sa mga Hiteo, na nananahanan sa Canaan nang panahong lumipat siya roon. Ipinangako ni Jehova na ibibigay sa binhi ni Abraham ang lupain ng Canaan, na tinatahanan ng maraming bansa, kabilang na ang bansang Hiteo. (Gen 15:18-21) Gayunman, sinabi ni Jehova kay Abraham na “ang kamalian ng mga Amorita [isang termino na kadalasang ginagamit sa pangkalahatan para sa mga bansa sa Canaan] ay hindi pa nalulubos.” (Gen 15:16) Kaya naman iginalang ni Abraham ang pagmamay-ari ng mga Hiteo sa lupain, at nang mamatay ang kaniyang asawang si Sara, nakipagkasundo siya kay Epron na anak ni Zohar na Hiteo upang bilhin ang isang yungib na mapaglilibingan dito.​—Gen 23:1-20.

Noong mga araw ni Josue, ang mga Hiteo ay inilarawan na tumatahan sa lupain na sumasaklaw ng isang lugar “mula sa ilang at sa Lebanon na ito hanggang sa malaking ilog, na ilog ng Eufrates, samakatuwid nga, ang buong lupain ng mga Hiteo.” (Jos 1:4) Lumilitaw na nanirahan sila pangunahin na sa mga bulubunduking pook, kabilang na rito ang Lebanon at, posibleng ang mga lugar sa Sirya.​—Bil 13:29; Jos 11:3.

Sa Ilalim ng Sumpa ni Noe. Ang paglitaw ng mga Hiteo mula kay Canaan ay nagdala sa kanila sa ilalim ng sumpa na ipinataw ni Noe kay Canaan, at ang pagsupil sa kanila ng Israel ay katuparan ng mga salita ni Noe na nasa Genesis 9:25-27. Ang relihiyon ng mga Hiteo ay pagano, anupat tiyak na kaugnay ng pagsamba sa anyo ng ari ng lalaki, gaya ng iba pang mga relihiyong Canaanita. Nang mag-asawa ng mga babaing Hiteo ang apo ni Abraham na si Esau, ito ay naging “sanhi ng kapaitan ng espiritu para kay Isaac at kay Rebeka,” ang ama’t ina ni Esau.​—Gen 26:34, 35; 27:46.

Inilarawan ng Diyos ang lupaing tinirahan ng mga Hiteo at ng iba pang mga kaugnay na bansa bilang “isang lupaing inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan.” (Exo 3:8) Ngunit ang mga bansang ito ay naging lubhang masama anupat nadungisan ang lupain dahil sa pagkanaroroon nila. (Lev 18:25, 27) Maraming babala ang ibinigay ng Diyos sa Israel may kinalaman sa panganib ng pakikipagsamahan sa kanila sa kanilang masasama at maruruming gawain. Itinala niya ang maraming imoralidad, anupat binawalan ang mga Israelita na makibahagi sa mga iyon, at pagkatapos ay sinabi niya: “Huwag kayong magpapakarumi sa pamamagitan ng alinman sa mga bagay na ito, sapagkat sa pamamagitan ng lahat ng mga bagay na ito ay nagpakarumi ang mga bansa [kabilang na ang mga Hiteo] na itataboy ko mula sa harap ninyo.”​—Lev 18:1-30.

Itinalaga ang Pagkapuksa. Ang mga Hiteo ay isa sa pitong bansang binanggit na itatalaga sa pagkapuksa. Ang mga bansang ito ay inilarawan na “higit na matao at makapangyarihan” kaysa sa Israel. Kaya ang pitong bansa nang panahong iyon ay maaaring may bilang na mahigit sa tatlong milyon katao, at ang mga Hiteo na nasa kanilang moog na bundok ay magiging nakasisindak na kaaway. (Deu 7:1, 2) Ipinakita nila ang kanilang pakikipag-alit sa pamamagitan ng pakikisama sa iba pang mga bansa ng Canaan upang lumaban sa Israel (na pinangunahan ni Josue) nang mabalitaan nila ang pagtawid ng Israel sa Jordan at ang paglipol nito sa mga lunsod ng Jerico at Ai. (Jos 9:1, 2; 24:11) Kaya dapat sanang nilipol ang mga lunsod ng mga Hiteo at pinawi ang mga tumatahan sa mga ito upang hindi sila maging panganib sa pagkamatapat ng Israel sa Diyos at maging dahilan upang maiwala ng Israel ang pabor ng Diyos. (Deu 20:16-18) Ngunit hindi lubusang isinagawa ng Israel ang utos ng Diyos. Pagkamatay ni Josue, sila ay may-pagkamasuwaying nabigo na alisin ang mga bansang ito, na nanatiling parang tinik sa tagiliran at isang sanhi ng patuloy na kaligaligan sa kanila.​—Bil 33:55, 56.

Kasaysayan Nang Dakong Huli. Dahil sa hindi sinunod ng Israel ang Diyos sa pamamagitan ng lubusang paglipol sa mga bansang Canaanita, inihayag ng Diyos: “Ako naman ay nagsabi, ‘Hindi ko sila palalayasin mula sa harap ninyo, at sila ay magiging mga silo sa inyo, at ang kanilang mga diyos ay magiging pain sa inyo.’⁠” (Huk 2:3) Lumilitaw na yaong mga Canaanitang nanatili sa gitna ng Israel ay hinayaan lamang at, sa ilang bibihirang mga kalagayan, binigyan pa ng kagalang-galang na posisyon at pananagutan. Gayundin, sa mga bansang Canaanita, waring ang mga Hiteo lamang ang nakapagpanatili ng katanyagan at kalakasan bilang isang bansa.​—1Ha 10:29; 2Ha 7:6.

Dalawang Hiteo ang naging mga kawal, posibleng mga opisyal, sa hukbo ni David, samakatuwid nga ay sina Ahimelec at Uria. Si Uria ay isang lalaking masigasig para sa tagumpay ng Israel laban sa mga kaaway nito, at isa na sumunod sa Kautusan. Si David ay nakipagtalik kay Bat-sheba, asawa ni Uria, at pagkatapos ay inilagay niya si Uria sa isang mapanganib na kalagayan sa pakikipagbaka, kung saan ito napatay. Dahil dito, si David ay pinarusahan ng Diyos.​—1Sa 26:6; 2Sa 11:3, 4, 11, 15-17; 12:9-12.

Si Haring Solomon ay nangalap ng mga lalaki mula sa mga Hiteo para sa puwersahang pagtatrabaho bilang mga alipin. (2Cr 8:7, 8) Gayunman, pinangyari ng mga asawang banyaga ni Solomon, kabilang na rito ang mga babaing Hiteo, na maitalikod siya mula kay Jehova na kaniyang Diyos. (1Ha 11:1-6) Ang mga Hiteo ay binabanggit sa Bibliya na may mga hari at may kakayahang makipagdigma hanggang noong paghahari ni Haring Jehoram ng Israel (mga 917-905 B.C.E.). (2Ha 7:6) Gayunman, nang malupig ng Sirya, Asirya, at Babilonya ang kanilang lupain, lumilitaw na nawasak ang mga Hiteo bilang isang kapangyarihan.

Pagkatapos ng pagsasauli ng Israel mula sa pagkatapon noong 537 B.C.E., ang taong-bayan ng Israel at maging ang ilan sa mga saserdote at mga Levita ay nag-asawa ng mga babaing mula sa mga bansang Canaanita at ibinigay ang kanilang mga anak na babae sa mga lalaking Canaanita, kabilang dito ang mga Hiteo. Ito ay paglabag sa kautusan ng Diyos. Dahil dito, sinaway sila ni Ezra, anupat pinakilos sila na gumawa ng isang kasunduan na paalisin ang kanilang mga asawang banyaga.​—Ezr 9:1, 2; 10:14, 16-19, 44.

Makasagisag na Paggamit. Nang magsalita sa pamamagitan ng propetang si Ezekiel, ginamit ni Jehova ang terminong “Hitea” sa isang makasagisag na diwa nang makipag-usap sa Jerusalem. Sinabi niya: “Ang iyong pinanggalingan at ang iyong kapanganakan ay mula sa lupain ng Canaanita. Ang iyong ama ay ang Amorita, at ang iyong ina ay Hitea.” (Eze 16:3) Noong pumasok ang Israel sa lupain, ang Jerusalem na kabisera ng bansa, kung saan inilagay ni Jehova ang kaniyang pangalan, ay isang lunsod na pinananahanan ng mga Jebusita. Ngunit yamang ang pinakaprominenteng mga tribo ay ang mga Amorita at ang mga Hiteo, lumilitaw na ang mga ito ay ginamit upang kumatawan sa mga bansa ng Canaan, kabilang na ang mga Jebusita. Kaya ang lunsod ay may mababang pinagmulan, ngunit pinaganda ito ni Jehova. Sa pamamagitan ni Haring David, na nakaupo sa “trono ni Jehova” (1Cr 29:23), habang ang kaban ng tipan ay nasa Bundok Sion, at nang dakong huli, sa pamamagitan ng maluwalhating templo na itinayo ng anak ni David na si Solomon, ang kabantugan ng Jerusalem ay lumaganap sa mga bansa. Ngunit ang Jerusalem ay naging katulad ng mga bansang Canaanita na nakapalibot sa kaniya, masama at imoral, dahil dito ay dinala siya ni Jehova sa pagkatiwangwang nang dakong huli.​—Eze 16:14, 15.

Mga Sekular na Pagsisikap na Makilala Kung Sino Sila. Sinikap ng mga istoryador at mga arkeologo na makilala kung sino ang mga Hiteo ng Bibliya sa sekular na kasaysayan. Ang kanilang pangunahing saligan sa pagkilala ay ang wika, ang paghahambing ng mga salita na lumilitaw na may pagkakatulad sa tunog at baybay.

Sa mga Asiryanong tekstong cuneiform, madalas tukuyin ang “Hatti” sa isang konteksto na karaniwang naglalagay rito sa Sirya o Palestina. Maaaring mga pagtukoy ito sa mga Hiteo sa Bibliya. Gayunman, salig sa terminong ito na “Hatti,” sinisikap ng mga iskolar na iugnay ang mga Hiteo ng Bibliya sa tinatawag na Imperyong Hiteo na ang dating kabisera ay nasa Asia Minor, malayo sa gawing H at K ng lupain ng Canaan. Sinisikap nilang gawin ito sa sumusunod na paraan, ngunit sa paggawa ng gayon ay tatlong magkakaibang grupo ng mga tao ang tinutukoy nila.

Tatlong Grupo na “Nakilala.” Sa Anatolia (isang bahagi ng tinatawag ngayong Turkey) sa Asia Minor, maraming sinaunang teksto ang nahukay sa Bogazköy, dating tinatawag na “Hattushash.” Ito ang kabisera ng isang lupain na tinawag na Hatti ng makabagong mga iskolar at kung saan ang mga tumatahan ay nagsalita ng “Hattiko.” Ang sinaunang mga taong ito ay maliwanag na dinaluhong ng mga manlulupig na nagdala ng ibang wika, na ayon sa mga iskolar ay isang wikang Indo-Europeo. Ang wikang ito ay gumamit ng sulat na cuneiform at tinatawag na “Hiteong cuneiform.” Nang maglaon, isa pang naiibang wikang Indo-Europeo na gumagamit ng sulat na hieroglyphic ang humalili sa sulat na cuneiform, at ang wikang ito ay tinutukoy bilang “Hiteong hieroglyphic.” Ang ilang halimbawa ng mga teksto sa wikang ito ay sinasabing natagpuan kapuwa sa Asia Minor at hilagang Sirya. Sinasabi ng mga iskolar na ang tatlong wikang ito ay kumakatawan sa tatlong grupo. Ngunit walang patotoo na alinman sa mga ito ay ang mga Hiteo ng Bibliya. May kinalaman sa tinatawag na Hiteong cuneiform, sinabi ni Martin Noth: “Ang terminong ‘Hiteo’ ay hindi matatagpuan sa mga sinaunang teksto, kundi kinatha ng makabagong mga estudyante, anupat ibinabatay nila sa makasaysayang kaugnayan sa pagitan ng wikang ito at ng kaharian ng Hatti sa Asia Minor.” Nagpatuloy siya sa pagsasabi may kinalaman sa “mga Hiteong hieroglyph”: “Ang karaniwang termino na Hiteo ay walang kaugnayan at nakalilito kapag ikinakapit sa kanila.” (The Old Testament World, 1966, p. 231) Isa pang istoryador, si E. A. Speiser, ay naghinuha: “Ang suliranin tungkol sa mga Hiteo sa Bibliya ay . . . masalimuot. Una, may katanungan hinggil sa kung aling uri ng mga Hiteo ang nasasangkot sa alinmang binanggit na mga ulat sa Bibliya: mga Hattiano, Indo-Europeong mga Hiteo ng mga rekord na cuneiform, o mga Hiteong hieroglyphic.”​—The World History of the Jewish People, 1964, Tomo 1, p. 160.

Batay sa mga nabanggit na, makikita na anumang inaakalang pag-uugnay ng mga Hiteo ng Bibliya sa “Imperyong Hiteo” na ang kabiserang lunsod ay Hattushash ay pala-palagay lamang at hindi pa napatunayan. Dahil sa kawalang-katiyakang ito, ang mga pagtukoy ng publikasyong ito sa sekular na “mga Hiteo” ay karaniwan nang nasa mga panipi upang ipaalaala sa mambabasa na hindi napatunayan ang gayong pag-uugnay at na hindi namin inaakalang may sapat na katibayan upang tanggaping tiyak ang gayong pag-uugnay.