Hor
[Sa Heb., Hor ha·harʹ, “Hor na Bundok”].
1. Ang bundok na malapit sa Mosera sa hanggahan ng Edom. Dito namatay si Aaron noong malapit nang pumasok ang Israel sa Lupang Pangako. Samantalang nakamasid ang kapulungan ng Israel, umakyat sina Aaron, Moises, at ang anak ni Aaron Bil 20:22-29; Deu 32:50; ihambing ang Deu 10:6.
na si Eleazar sa Bundok Hor. Sa taluktok ng bundok, inalis ni Moises ang pansaserdoteng mga kasuutan ni Aaron at ibinihis niya ang mga iyon kay Eleazar. Pagkatapos nito, namatay si Aaron, at malamang na doon siya inilibing nina Moises at Eleazar.—Ayon sa istoryador na si Josephus, ang Bundok Hor ay isa sa matataas na bundok na nakapalibot sa Edomitang lunsod ng Petra. (Jewish Antiquities, IV, 82, 83 [iv, 7]) Ayon sa tradisyon, iniuugnay ito sa Jebel Harun (na nangangahulugang “Bundok ni Aaron”). Ang Jebel Harun ay isang bundok ng pulang batong-buhangin, na may dalawang taluktok at may taas na mga 1,460 m (4,790 piye). Wala pa itong 5 km (3 mi) sa KTK ng Petra. Gayunman, waring hindi tumutugma ang Jebel Harun sa sinasabi ng Bibliya na mula sa Kades (Kades-barnea) ang Israel ay dumating sa Bundok Hor “sa hanggahan ng lupain ng Edom.” (Bil 33:37-39, 41) Ang Jebel Harun ay wala sa hanggahan ng Edom, kundi nasa loob ng lupaing iyon. Kaya, kung nakarating ang Israel sa tradisyonal na lugar na ito, mangangahulugan iyon na pumasok sila sa teritoryo ng Edom. Ngunit imposible ito, dahil bago nito ang mga Israelita ay hindi pinahintulutang dumaan sa Edom. (Bil 20:14-22; Deu 2:5-8) Kaya naman, bilang posibleng lokasyon, pinapaboran ng maraming iskolar ang nagsosolo at matarik na bundok ng puting yeso, ang Jebel Madurah (Har Zin [Hor Ha Har]), na mga 40 km (25 mi) sa TK ng Dagat na Patay, at mga 60 km (37 mi) sa SHS ng Kades.
2. Isang bundok na nagsilbing hilagaang hangganan ng Canaan. (Bil 34:7, 8) Hindi matukoy nang tiyakan ang pagkakakilanlan nito. Naniniwala ang ilang iskolar na ang Bundok Hor (sa Heb., Hor ha·harʹ) na ito at ang Bundok Hermon ay iisa. Ipinapalagay naman ng iba na maaaring tumutukoy ito sa Kabundukan ng Lebanon o sa isang mataas na taluktok sa kabundukang iyon.